Katutubong Molbog, inaresto sa pagtatanggol sa lupang ninuno 


Sampu sa 11 inerereklamong katutubong Molbog sa Sitio Marihangin, Barangay Bugsuk, Balabac, Palawan ang inaresto nitong Mayo 15. Pansamantalang nakalaya ang 10 matapos makalikom ng pangpiyansa.

Sampu sa 11 inerereklamong katutubong Molbog sa Sitio Marihangin, Barangay Bugsuk, Balabac, Palawan ang inaresto ng pinagsamang puwersa ng Bataraza Municipal Police Station, Brooke’s Point Municipal Police Station at 1st Palawan Provincial Mobile Force Company (PPMFC) nitong Mayo 15.

Ayon sa arrest warrant na inihain ng mga awtoridad, kumakaharap ang 11 sa reklamong grave coercion na isinampa noong 2024 ni Caesar Ortega, dating officer-in-charge executive director ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). 

Nag-ugat ang reklamo mula sa insidenteng noong Hunyo 2024 kung saan dumayo si Ortega, kasama ang mga kinatawan ng San Miguel Corporation (SMC), sa isla ng Marihangin upang ipaalam ang malawakang demolisyon sa Balabac para sa pagpapatayo ng 5,000 ektaryang ecotourism project.

Layunin nina Ortega na ipakita sa mga residente na sakop ang komunidad nila sa Certificate of Finality (COF) na ipinalabas ng Department of Agrarian Reform (DAR), ngunit hinarangan ng mga Molbog ang daan at hindi pinahintulutan ang mga opisyal na makatapak sa isla.

Arestado sina Eusebio Pelayo, Angelica Nasiron, Halayda Nasiron, Marilyn Pelayo, Saloma Edem, Oscar “Junjun” Pelayo Jr., Jun Edem, Tarhata Pelayo, Danilo Pelayo at Edna Pelenia. Mga miyembro at lider ng Sambilog Balik-Bugsuk Movement ang ilan sa mga inaresto.

Kinondena ng Ateneo Para sa Bugsuk (Aparsuk) ang pag-aresto dahil patunay anila ito kung paano binabaluktot ang mga batas na nagpoprotekta dapat sa mga karapatan at kapakanan ng mga katutubo para sa mga interes ng mga higanteng korporasyon kagaya ng SMC.

Iginiit naman ng mga residente ng Sitio Marihangin na walang basehan ang mga alegasyon ni Ortega dahil pinoprotektahan lang nila ang kanilang lupang ninuno mula sa pangangamkam ng lupa.

Kasalukuyan naman nagsasagawa ng fundraising ang Sambilog para sa piyansa ng 10 na mga katutubong dinala sa piitan ng Brooke’s Point. Nangailangan ang grupo ng kabuuang halaga ng P360,000 o P36,000 na piyansa para sa bawat isang inaresto.

Nakalaya agad ang mga katutubo kinabukasan sa pinagsamang tulong ng Pambansang Kilusan ng Mga Samahang Magsasaka (Pakisama) at Aparsuk na nakalikom ng pangpiyansa ng mga inaresto. Tuloy pa rin ang fundraiser ng Sambilog upang makalikom muli ng pondo para sa piyansa na ginamit. 

Nito namang madaling araw ng Mayo 18, tinatayang 40 na mga armadong guwardiya ang muling dumaong sa Sitio Marihangin na nauwi sa balyahan at palitan ng mga salita

 Ayon sa mga residente, tauhan ng JMV Services na isang subsidiary ng SMC, ang mga guwardiya. Dinadagdagan nito ang 80 na dumaong pa noong nakaraang buwan.