Main Story

Paggunita at pagpiglas ng Kaigorotan


Itinampok sa pagdiriwang ng ika-41 People’s Cordillera Day ang nagpapatuloy na pakikibaka ng Kaigorotan laban sa mapangwasak na proyektong pang-enerhiya, mina at paglabag sa kanilang mga karapatan.

Mahigit 1,500 delegado mula sa anim na lalawigan ng Kordilyera at mga kinatawan mula sa Metro Manila, Gitnang Luzon at Ilocos ang nakiisa para sa tatlong araw na pagdiriwang ng ika-41 People’s Cordillera Day sa Baguio City noong Abril 24-26, 2025.

Naglalayon ang taunang pagtitipon na itampok ang nagpapatuloy na laban ng mga katutubong Igorot para depensahan ang kanilang lupang ninuno at karapatang pantao habang bitbit ang kanilan mga panawagan para sa pagkilala sa kanilang sariling pagpapasya.

Bago opisyal na nagsimula ang pagdiriwang, nauna nang naganap ang kilos-protestang inilunsad ng mga residente mula sa Kalinga na apektado ng large-scale mining o malawakang pagmimina sa kanilang lupang sinilangan.

Bitibit nila ang kanilang pagkondena sa sapilitang pagkamkam sa kanilang lupang ninuno na nagresulta sa pagkawasak ng mga sakahan, polusyon sa mga katubigan at pagguho ng lupa dahilan para mawala ang kanilang mga kabuhayan.

Sa harap ng rehiyonal na tanggapan ng Mines and Geosciences Bureau naganap ang kilos-protestang pinangunahan ng Cordillera Peoples Alliance (CPA).Isang makabayang organisayon ang CPA na pinapangunahan ng taumbayang nabuo noong 1984 dahil sa matinding laban ng mga katutubo kaugnay sa mga mapang-abuso at mapanirang proyekto ng gobyerno gaya na lang ng Chico River Dam ng diktadurang Marcos Sr. at pagtotroso ng Cellophil Resources Corporation.

Kilos-protesta sa harap ng Mines and Geosciences Bureau sa Baguio City ng mga residenteng apektado ng large-scale mining sa Kalinga. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly

Sa kasalukuyan, patuloy ang panghihmasok ng iba’t ibang kompanyang kasabwat ng gobyerno para magtayo ng iba’t ibang proyekto sa mga komunidad sa buong Kordilyera, partikular ang mga dam at mina.

“This is not development, this is aggression [Hindi ito pag-unlad, ito ay pagsalakay],” sigaw ng mga apektadong residente.

Mariing tinutulan ng mga residente ang operasyon ng kompanyang Makilala Mining Company, Inc. (MMCI) sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang petisyon kaugnay sa pagkansela ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) at Certificate Precondition (CP) laban sa nasabing kompanya.

Si Beverly Longid, national convenor ng Katribu, sa unang araw ng People’s Cordillera Day sa Baguio City. Neil Ambion/Pinoy Weekly

“The People’s Cordillera Day is an event that many activists and advocates for Indigenous Peoples’ right to look forward to—not only here in the Philippines, but around the world [Ang People’s Cordillera Day ay isang kaganapang inaabangan ng maraming aktibista at tagapagtaguyod para sa karapatan ng mga katutubo—hindi lamang rito sa Pilipinas kundi sa buong mundo],” ani Katribu national convenor Beverly Longid.

Taon-taon itong idinadaos dahil naniniwala ang lahat na hindi pa tapos ang pakikibaka sa laban na ito lalo na ang pakikipaglaban para kanilang mga karapatan sa lupang ninuno at sariling pagpapasya.

Kuwento ng mga residente, ang karaniwang nangyayari para makuha ng mga naglalakihang kompanya ang kanilang mga lupain ay pinapaupahan muna ito sa kanila nang sapilitan hanggang sa hindi na sila makabayad at tuluyan nang maangkin ito mula sa kanila.

Mababa ang kita ng mga magsasaka sa buong Kordilyera dahil sa mababa lang ang kuha nito sa kanila papuntang palengke kaya wala nang natitira sa kanilang kita para mabayaran ang lupang sapilitang pinapaupahan sa kanila.

Kilos-protesta sa harap ng Mines and Geosciences Bureau sa Baguio City ng mga residenteng apektado ng large-scale mining sa Kalinga. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly

“Isang epektibo at makapangyarihang paraan ang Araw ng Kordilyera para mag-organisa, magpalawak at magpakilos para sa karapatan, kagalingan at pag-unlad dito sa Kordilyera,” dagdag pa ni Longid.

Noong 1970s, panahon ng rehimeng Marcos Sr. nang ipinatupad ng gobyerno ang Chico River Hydroelectric Dam Project na sumasakop sa mga lalawigan ng Kalinga at Mountain Province.

Ayon sa administrasyong Marcos Sr. noon, layunin ng proyektong ito ang magtayo ng apat na dam sa Chico River para matugunan ang mga problema noon sa kuryente at irigasyon kasama na rin pagpapaunlad ng imprastruktura, pagbibigay trabaho at maayos na kabuhayan para sa mga residente ng Hilagang Luzon.

Sa kabila ng mga benepisyong pangako ng administrasyon, nanaig pa rin ang pakikipaglaban ng mga katutubo para sa kanilang lupang ninuno.

Unang ginanap ang People’s Cordillera Day noong Abril 24, 1984 bilang paggunita sa kabayanihan ng lider ng tribong Butbut na si Macli-ing Dulag na tumindig para pigilan ang pagtatayo ng pagtatayo ng Chico River Dam. Pinatay ng militar si Macli-ing sa kanyang tahanan sa Barangay Bugnay, Tinglayan, Kalinga noong Abril 24, 1980.

Sumisimbolo ang pagkamartir ni Dulag sa paglaban ng mga katutubo at kanilang mga naranasang pang-aabuso ng militar sa kanilang mga karapatan sa pamamagitan ng pag-agaw sa kanilang mga lupain.

Mula noon hanggang ngayon, patuloy na tinututulan ng mariming komunidad sa Kordilyera ang pagpasok ng mga malalaking proyekto dahil sa dulot na pagkasira sa kalikasan kung saan sila umaasa ng ikabubuhay. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Naging taunang selebrasyon na ang araw ng Abril 24 para sa mga katutubo sa Kordilyera bilang araw ng pag-alala, pagkakaisa at patuloy na pakikibaka para sa kanilang mga karapatan.

Mga residente mula sa mga probinsiya ng Kordilyera ang pangunahing apektado sa pagpapatayo ng proyektong ito dahil ito ang kanilang lupang ninuno, kung saan narito rin ang kanilang mga pangunahing kabuhayan.

Bukod sa Chico River Dam Project, kasama rin ang large-scale mining sa mga iniinda ng mga taga-Kordilyera dahil nagdudulot ito ng iba’t ibang problema sa kanila at sa kanilang kapaligiran gaya ng polusyon, pagkawala ng kabuhayan at pagguho ng lupa sa tuwing may pag-ulan.

“Maraming kasama ang namatay o naging biktima ng extrajudicial killings, nadukot, pinahirapan, ikinulong, sinampahan ng gawa-gawang kaso tulad ng terrorist financing at idineklarang terorista. Tuloy-tuloy ang malaganap na red-tagging at terror-tagging,”  wika ni Windel Bolinget, ang kasalukuyang tagapangulo ng CPA.

Sa tuwing nagaganap ang mga mining operation sa bawat probinsya ng Kordilyera, kasabay nito ang pagpasok ng militar sa lugar para takutin at patahimikin ang mga komunidad na nagdudulot ng abuso sa kanilang mga karapatan.

Maliban kay Macli-ing, ginunita rin sa selebrasyong ito ang dalawang taong pagkakawala ng mga aktibista at alumni ng University of the Philippines (UP) Baguio na sina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus.

Si Chuwaley Capuyan, anak ni Dexter Capuyan na dinukot ng mga nagpakilalang operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police noong Abril 28, 2023 sa Taytay Rizal. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Ayon sa ulat ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA), huling nakita sa Taytay, Rizal ang dalawa noong Abril 28, 2023 kung saan sapilitan silang dinukot ng mga armadong kalalakihan na nagpakilalang mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Parehong dating lider ng Alliance of Concerned Students sa UP Baguio sina Capuyan at de Jesus. Nang makatapos sa pag-aaral, naging bahagi si Capuyan ng CPA, habang boluntir naman si de Jesus ng Task Force for Indigenous People’s Rights.

Dalawa lang sina Capuyan at de Jesus sa mga aktibistang nawawala dahil sa pagtindig at pakikibaka para sa karapatan ng Kaigorotan.

Sa kasalukuyan, patuloy pa ring hinahanap ang dalawa at iba pang tinatawag na “desaparecidos” dahil wala pa ring ulat tungkol sa kanilang mga kinaroroonan.

Pananakot at panggigipit ang kadalasang ginagawa ng mga sundalo sa mga katutubo para hindi nila labanan ang isinasagawang pagmimina sa lugar. 

“Ang Kordilyera ay mayaman sa tanso na isang critical transition mineral. Maliban sa mga dati nang malalaking minahan tulad ng Lepanto, Philex at Benguet Corporation, ipinapakita at pinoproseso ang 106 large mining applications sa buong Kordilyera. Papayagan ba natin ito?” ani Bolinget.

Nakakalungkot na pangyayari pero kung sino pa ang mga dayuhan at mga hindi nakatira sa Kordilyera ay sila pa ang mga nakikinabang sa yaman ng rehiyon.

(Mula kaliwa) Si Amirah Lidasan, lider-Moro at co-chairperson ng Sandugo, kasama ang mga lider-Igorot na sina Joanna Cariño ng Cordillera Peoples Alliance at Beverly Longid ng Katribu. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

“Ang mga lupaing ito ay pagmamay-ari o ancestral domain ng mga katutubo kaya sila ang may karapatan sa kung ano at papaano ito linangin,” sabi ni Amirah Lidasan, co-chairperson ng Sandugo at kandidatong senador ng Makabayan Coalition.

“Maraming beses nang nilalabag ng ating gobyerno ang karapatan namin [mga katutubo] sa sariling pagpapasya sa lupang ninuno,” diin ni Lidasan.

Karaniwang nagsasagawa ng malakihang operasyon ang mga kompanya kasabwat ng gobyerno at sandatahang lakas nito para maangkin ang lupain ng mga katutubo hanggang sa wala na silang magawa kung hindi ang tutulan ito.

“Maraming beses nang iniikutan at niloloko [ng militar] ang mga katutubo para lang makuha ang free, prior and informed consent (FPIC),” aniya.

Tradisyonal na community dance ng mga Igorot na pinangunahan ng mga kababaihan na bahagi ng pagdiriwang ng People’s Cordillera Day sa Baguio City. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Kadalasang kinakasangkapan ng mga nais mandambong sa likas-yaman ng mga lupang ninuno ang Indigenous Peoples Rights Act sa tulong ng National Commission on Indigenous Peoples para lansiin, lokohin at pilitin ang mga katutubo na ibigay ang FPIC at papasukin sa mga komunidad ang mga kompanya.

Kapag may umalma, kalimitang pinaparatangang terorista ang mga aktibista at mga apektadong residente sa tuwing nagsasagawa sila ng kilos-protesta para ipaglaban ang kanilang mga karapatan at iparinig ang kanilang mga boses.

“Kahit kailan, hindi tayo ang terorista o kriminal. Anumang paninira at atake ng estado, gobyerno, militar at pulisya sa atin, isipin pa rin natin na tayo ay aktibista at mamamayang nagpupursigi at nakikipaglaban para sa tama,” wika ni Bolinget.

Sa patuloy na pangre-red-tag sa mga katutubo, kasabay nito ang pagtindi ng kanilang  panawagan para sa makabuluhang pagbabago hindi lang para sa pangangalaga sa kapaligiran kundi pati na rin sa politika.

“Ang pagboto ay anyo ng paglaban. Kahit wala tayong ilusyon na lulutasin ng eleksiyon ang bulok na sistema, mahalaga ang hakbang na ito para isulong ang mga repormang para sa kagalingan ng mamamayan,” sabi ni Bolinget.

Si Windel Bolinget, tagapangulo ng Cordillera Peoples Alliance, sa pagbubukas ng programa ng People’s Cordillera Day sa Baguio City. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Sa nalalapit na halalan, bitbit ng mga katutubo ang paniniwalang hindi nagmumula sa mga kandidato ang pagbabago kundi mula sa bawat botante at sa pagboto nang tama.

“Para sa halalan sa Mayo 12, 2025, itinataguyod ng Aldaw Kordilyera 2025 ang Cordillera People’s Agenda. Kailangang mayroon tayong boses sa Senado at dumami pa ang mga kinatawan ng mamamayan sa Kongreso,” dagdag ni Bolingit. 

Nakiisa ang mga kandidatong senador at partylist ng Makabayan Coalition sa pagdiriwang ng a People’s Cordillera Day sa Baguio City. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Ito ang paraan ng mga katutubo para marinig ang kanilang mga boses ng mga nauukulan at para tuluyan nang mawakasan ang paggigipit sa kanila at kanilang mga karapatan.

“Taumbayan naman. Taumbayan sa Senado at Kongreso,” aniya.