Pambansang Minorya

Pagharang sa mga turista sa Pinatubo, naglantad ng matagal nang problema ng Aeta


Nagpoprotesta ang mga Aeta sa Tarlac dahil sa matagal nang pagkakait sa kanila ng mga benepisyo at ganansiya ng turismo sa sarili nilang lupa.

Kasama ang mga hiker na si *Maria at kanyang kasintahan sa napakaraming nakapag-book ng tour sa Mount Pinatubo nitong Abril 18. Sikat na pasyalan ang Pinatubo dahil sa magandang tanawin sa crater lake na nalikha dahil sa huling pagputok ng bulkan.

Sa jump-off point ng Pinatubo, mahigit isang dosenang sasakyan na puno ng mga turista ang napatigil nung biglang humarang ang malaking grupo ng mga lokal na Aeta.

“Nagagalit na sa inip ang mga turista,” kuwento ni Maria, 23. Nag-post si Maria sa social media tungkol sa insidente at naging viral ito. Nagrekwes siya na itago ang kanyang totoong pangalan matapos makaranas ng online harassment mula sa mga tour operator na hindi natuwa sa kanyang mga sinabi.

Nagpoprotesta ang mga Aeta dahil sa matagal nang pagkakait sa kanila ng mga benepisyo at ganansiya ng turismo sa sarili nilang lupa. Kahit pa matagal nang kinilala ang Pinatubo bilang bahagi ng kanilang lupang ninuno, halos eksklusibong kontrolado ng mga tour operator at tourism office ng munisipyo ng Capas, Tarlac ang pasyalan. Madalas nagiging tour guide lang ang mga Aeta, binabarat pa.

Pila ng mga hinarang na sasakyan ng mga turistang papunta sa Mt. Pinatubo. Kontribusyon

Tumagal ang barikada ng isang araw bago ito i-disperse ng lokal na pulisya.

Kadalasang aabot sa P7,000 ang halaga ng isang tour para sa limang tao. Kasama na diyan ang P700 na environmental protection fee at Botolan fee para sa munisipyo pati ang P500 para sa Aeta na giya sa isang tour. Pero ayon sa mga lokal, kadalasang nasa P350 lang kada araw ang kanilang nakukuha.

Mahigit 20,000 ang Aeta sa Gitnang Luzon kung nasaan ang Pinatubo. Kahit pa sila’y kabilang sa mga pinakaunang nanirahan sa bansa, paulit-ulit silang inaagawan at kinakalimutan ng estado. Naglabas lang ng Certificate of Ancestral Domain Title ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) noong 2009.

Ayon kay Chito Balintay, isa sa mga lider-Aeta, “Sa mahabang panahon, ang turismo sa Pinatubo ay pinagkakakitaan ng mga tour operator, negosyo at lokal na opisyal, lahat sa kapinsalaan ng katutubong Aeta.”

Liban sa tour, nagsulputan din ang mga kainan at tuluyan para sa mga turista, bahagi ng isang lumalagong industriya. Binanggit din ng Department of Tourism ang Pinatubo bilang isa sa “favorite destinations” ng mga Pilipino.

“Matagal nang binabaliwala at sinasaktan ang aming lupa,” ani Balintay. “Ginawang tanawin pero ni isang kusing ng kompensasyon o pagpayag ay ‘di ibinigay. Kinukunsinti pa ng NCIP, Tarlac at Zambales.”

Ayon pa sa lider, ilang ulit na silang dumalaw sa mga opisina ng NCIP para bigyang aksiyon ang kanilang hinaing, pero hindi sila pinakikinggan.

“Nakakabahala ang pananahimik ng NCIP,” aniya. “Maraming beses na kami pumunta sa maraming opisina, pero lahat iyan ay dumadaan sa burukrasya. Ganito namamatay ang karapatan ng katutubo.”

Nagpadala ng notice sa munisipyo ang mga nagbarikadang Aeta isang araw bago ang kanilang aksiyon, pero hindi raw ito pinansin.

Isang linggo matapos ang barikada, naglabas ng pahayag ang NCIP na sinasabing mula pa noong Oktubre 2024 sila may diyalogo sa mga Aeta para sa “makakuha sila ng patas na benepisyo.”

Sabi pa ng ahensiya, ang insidente ay “nagtatampok sa pangangailangan ng makabuluhang diyalogo hinggil sa karapatan sa lupang ninuno at patas na pamamalakad sa turismo.”

“Na-disappoint dahil hindi nakapag-hike, pero mas na-disappoint ako sa tourism office at tour operators,“ kuwento ni Maria.

Bilang nakikiisa sa mga Aeta, nagsabi si Maria “isipin natin ang pinagdaanan nila. Dapat silang marinig.”

Sinikap ng mga awtoridad na kausapin ang mga nagbarikada. Pero dumulo ito sa pang-aaraesto sa dalawang Aeta. Pinakawalan din sa parehong araw nang walang kaso.

Dinig sa isang video ang sigaw ng isang pulis kaharap ng mga nakaharang na Aeta, “Kung hindi kayo sasama, pipilitin namin kayo!”

Nanawagan naman si Beverly Longid ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas na parusahan ang mga pulis na nanghuli sa dalawang Aeta. May pananagutan din aniya ang NCIP sa matagalang kapabayaan sa mga Aeta.

“‘Di nakikita ng NCIP ang punto,” ani Longid. Higit pa sa kompensasyon, ang insidente raw ay tanda ng “pangangailangan para sa tunay na pagkilala sa Aeta at karapatan nila sa lupang ninuno at teritoryo. Higit pa sa stakeholders, sila’y right holders.”

Naaalala ni Maria ang “bad vibe” pagdating ng mga taga tourism office, patawa-tawa at ginagawang maliit na usapin.

“Tinatakot pa kami, kesyo may dalang itak raw ang mga Aeta. E ano ine-expect n’yo, mananahimik lang sila?” hirit ni Maria.

Noong Abril 19, isang araw matapos ang barikada, nag-post sa social media ang ilang tour operator na “good news” dahil naresolba na umano ang isyu sa tulong ng pulisya at munisipyo.

“Bakit sila nagdedesisyon sa lupang hindi naman sa kanila?” tanong ni Maria.