Pambansang Minorya

Paglaban para sa pananatili ng mga Aeta sa Clark


“Nandito na kami bago pa man ang mga Amerikano, bago pa man ang mga Kastila,” ani Petronila Capiz, 60, pinuno ng tribong Aeta Hungey sa Sapang Kawayan. “Patuloy na kinukuha ang lupaing ito sa amin.”

Mula pa 2019, sa malawak na lupain ng dating Clark Airbase na kilala bilang dating base militar ng United States (US), itinutulak ng gobyerno ang mga plano para sa isang New Clark City (NCC). Hihirangin bilang “smart city” na may halagang bilyon-bilyon. Inaasahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na gawing isang “mecca” para sa mga turista at “magnet para sa mga investors.”

Ang NCC ay sentro ng pagsisikap ng gobyerno na makaakit ng dayuhang pamumuhunan at mabawasan ang congestion sa Maynila.

Kasabay ng pagpapatayo ng lungsod, naglatag din ang gobyerno ng isang ambisyosong serye ng mga proyekto sa paligid ng Clark International Airport—mga bagong linya ng tren, pinalawak na runway ng paliparan, at isang $515 milyon na modernong stadium na makakaakit ng pagtatanghal ang mula kay Taylor Swift at iba pang sikat na international artist.

Sa pagitan ng umuusbong na NCC at puwesto ng stadium matatagpuan ang nayon ng mga katutubong Aeta ng Sapang Kawayan. Para sa humigit-kumulang 500 pamilyang naninirahan doon sa mga bahay na gawa sa nipa at yantok, kapahamakan ang dulot ng mga proyekto.

“Nandito na kami bago pa man ang mga Amerikano, bago pa man ang mga Kastila,” ani Petronila Capiz, 60, pinuno ng tribong Aeta Hungey sa Sapang Kawayan. “Patuloy na kinukuha ang lupaing ito sa amin.”

Ayon sa mga eksperto at historyador, kinuha ng mga Amerikanong mananakop ang 32,000 ektaryang lupain na naging Clark Air Base noong 1920s mula mga Aeta. Ang mga Aeta rin ay kinikilala kabilang sa mga unang Pilipino bilang unang naninirahan sa arkipelago.

Marami ang inagawan ng tirahan, bagama’t ang ilan napunta sa mga laylayan.

Ibinigay ng US ang base sa gobyerno ng Pilipinas noong 1991. Simula noon, ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ang namamahala sa lupain. Tinatayang nasa 20,000 Aeta ang nananatili sa lugar ng Clark ngayon, na nakakalat sa 32 na sitio.

Sa pangkalahatan, hindi kinikilala ang karapatan ng mga Aeta sa kanilang lupang ninuno.

Michael Beltran/Pinoy Weekly

Sa Sapang Kawayan, nangangamba ang mga residente na ang paglago ng proyekto ng gobyerno’y nangangahulugan ng mauuna pa silang palayasin sa sarili nilang lupang ninuno bago pa nila ito maangkin.

Ang komunidad, kasama ang iba pang mga sitio ng Aeta sa Clark, ay nakikipagtulungan sa mga mananaliksik mula sa University of the Philippines upang mapabilis ang matagal nang nakabinbing aplikasyon para sa isang Certificate of Ancestral Domain Title (CADT), isang legal na mekanismo na magpapahintulot sa kanila na igiit ang mga karapatan sa kanilang lupang ninuno.

Noong Enero, Hulyo at Setyembre ng nakaraang taon, nagtipon ang mga Aeta, bata at matanda, sa ilalim ng munting maisilungan para ipunin at isadokumento ang mga family tree kasabay ng pagbahagi ng mga kuwento at retrato na nagpapakita ng komunidad nila sa mga nagdaang henerasyon.

Ang kanilang 17,000 ektaryang claim sa lupang ninuno ay nakapatong sa halos lahat ng 9,450 ektaryang lupain ng NCC, habang nasa bandang 14 na kilometro sa timog ang airport complex kung saan nakatakdang itayo ang bagong linya ng riles, runway at stadium.

Magkasama, ang bagong lungsod at airport complex ay “kakainin ang mga bukid kung saan tayo nagsasaka, ang mga ilog kung saan tayo nangingisda, at ang mga bundok kung saan tayo kumukuha ng ating mga halamang gamot,” sabi ni Capiz.

Unang inanunsiyo ng gobyerno ng Pilipinas ang mga plano para sa NCC noong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Pinalalabas ng BCDA na ito’y isang “green, smart at resilient metropolis.”

Nagsimula ang konstruksiyon noong 2018 na may mga mayor na kalsada at isang sports complex para ma-host ang Southeast Asian Games noong 2019.

Dinisenyo para sa 1.2 milyong tao ang NCC at inaasahang aabutin ng hindi bababa sa 30 taon bago makumpleto.

Nagtatayo na ngayon ang BCDA ng tatlong highway na nagdurugtong sa NCC patungo sa airport complex, kung saan pinaplano ang “Taylor Swift–ready” stadium. Ipinagmamalaki ng mga opisyal na ang stadium, na itatayo pagsapit ng 2028, ay aakit kay Swift matapos niyang hindi bumisita sa Pilipinas noong bahagi ng kanyang Eras Tour sa Southeast Asia noong 2024.

“Isa sa mga pangunahing elemento na nagpapaganda sa Clark sa mga mamumuhunan ay ang walang kapantay na connectivity nito,” sabi ng pangulo ng BCDA na si Joshua Bingcang kamakailan, binabanggit ang paliparan, isang kalapit na daungan at mga pangunahing expressway. “Ngunit kailangan nating higit pang paunlarin ang connectivity na ito at mamuhunan pa para sa imprastruktura.”

Ang pagpapalawak na iyon ay may kaakibat na gastos para sa mga komunidad ng Aeta.

Tinatantya ng Counter-Mapping PH sa kanilang pananaliksik na daan-daang pamilyang Aeta ang nawalan ng tirahan simula nang magsimula ang pagtatayo ng lungsod, kabilang ang dose-dosenang mga pamilya na binigyan lamang ng isang linggo noong 2019 upang “kusang-loob” na umalis bago ang Southeast Asian Games.

Nagbabala sila na libo-libo pa ang maaaring mapalayas sa kanilang mga tahanan habang nagpapatuloy ang pag-unlad.

Nag-alok ang BCDA ng financial assistance na P30 kada square meter pati na rin ang resettlement para sa mga apektadong pamilya. Noong Hulyo, sinimulan nito ang pagtatayo ng 840 na yunit ng pabahay, bagama’t hindi malinaw kung para ba sa mga Aeta ito o hindi.

Michael Beltran/Pinoy Weekly

Pinaninindigan ng ahensiya na walang naganap na paglikas dahil ang mga Aeta ay walang napatunayang legal na pag-aangkin sa lugar. Sa isang pahayag, sinabi ng BCDA na “itinataguyod nito ang kapakanan at mga karapatan ng mga katutubo” at kinikilala ang kanilang “matagal nang makasaysayang presensiya” sa Gitnang Luzon. 

Gayunpaman, binanggit nito na ang mga hangganan ng Clark ay sumusunod sa “matagal nang inilatag na pagmamay-ari ng gobyerno” na nagmula pa sa base militar ng US.

Giit din ng BCDA na ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang humahawak sa mga aplikasyon para sa isang CADT at binigyang-diin na iginagalang nito ang “mga lupang iginawad sa mga katutubo.”

Ang Clark International Airport Corporation, na nangangasiwa sa airport complex, ay nag-alok ng mga katulad na katiyakan, na nagsabi na “walang mga kabahayan o komunidad na umiiral sa nasabing lokasyon.” Idinagdag ng grupo na habang ang pinalawak na lugar ng Clark ay may mga komunidad ng Aeta, wala sa loob mismo ng airport complex.

Iilan lang sa mga tribong Aeta ang ginawaran ng mga CADT.

Dalawang CADT ang naibigay sa labas ng Clark, habang hindi gumagalaw ang aplikasyon ng Sapang Kawayan mula pa noong 1986.

Sinabi ni Marcial Lengao, pinuno ng tanggapan ng NCIP sa Tarlac, na upang mabigyan ang mga Aeta sa Clark ng CADT, dapat nilang “patunayan na sila ay nariyan mula pa noong unang panahon.” Ibig sabihin, bago pa man dumating ang mga Kastila.

Tinutukoy ng komisyon, aniya, ang mga minimum na kinakailangan para sa isang CADT: isang tala ng at least limang angkan at sa hindi bababa sa tatlong henerasyon o sa panahon bago ang kolonyalismo, mga testimonya mula sa mga matatanda, mapa ng nasasakupan at isang census ng populasyon.

Sinabi ni Lengao na kulang pa ang mga ito sa ang aplikasyon ng Sapang Kawayan.

Ngunit kahit maaprubahan ang CADT ng Sapang Kawayan, dadaaan pa sila sa isa pang balakid. Dahil ang BCDA ang nagmamay-ari ng mga karapatan sa lupa sa Clark, ang anumang CADT na inaprubahan lugar ay ay nangangailangan pa rin ng pagsang-ayon ng pangulo ng Pilipinas.

“Sila ang magiging responsable sa paghahanap ng win-win solusyon,” sabi ni Lengao.

Gayunpaman, kinondena ng mga aktibista ang mga mabigat na rekisito ng NCIP at nagbabala na habang tumatagal na walang CADT ang mga Aeta, mas lumiliit ang puwang para igawad sa kanila ang lupang ninuno.

“Kung walang CADT at walang tunay na pagkilala mula sa gobyerno, ang mga Aeta ay patuloy na tratuhin na parang mga iskwater sa sarili nilang lupain,” sabi ni Pia Montalban ng Karapatan-Central Luzon.

Ang mga Aeta, na umaasa sa maliit na pagsasaka, ay kabilang sa mga inaaping mga Pilipino sa kasaysayan ng mga katutubong mamamayan sa Pilipinas. Walang opisyal na datos tungkol sa populasyon ng mga Aeta, pero naniniwala ang gobyerno na sila ay isang maliit na subset ng mga katutubong mamamayan ng Pilipinas na may bilang na sampu-sampung libo sa buong bansa.

Inilalarawan sila ng Aeta Tribe Foundation ang kanilang mga tribo bilang “pinakamahirap at pinakakinulang sa edukasyon.” 

“Kabilang sila sa mga pinaka-inaabusong katutubong Pilipino,” paliwanag ni Propesor Jeremiah Silvestre, isang eksperto mga katutubong Pilipino at dating nagtuturo sa Tarlac State University.

“Bahagi dahil sa kanilang mabubuting kultura, marami ang nagsamantala sa mga Aeta. Mas malala pa, nabubuhay sila sa isang lupang patuloy na kinukuha mula sa kanila.”

Inilarawan din ni Silvestre ang proseso ng CADT bilang “labis labis na akademiko,” na sinasabing kinakailangan nito ang mga matatandang katutubo na magpakita ng kumpletong geneaology at detalyadong mapa sa mga opisyal ng gobyerno. Hinalintulad niya ito sa “pagtatanggol sa iyong disertasyon.”

Ayon sa isang ulat ng World Bank, “madalas na nababara sa burukrasya ang proseso ng pagkuha ng CADT.” Dagdag ng World Bank na ang pagkilala at pagprotekta sa mga karapatan ng katutubo ay isang “mahalagang hakbang sa pagtugon sa kahirapan.”

“Walang safety net,” ani Silvestre. “Maaaring mas marami pa tayong makitang mga Aeta na namamalimos sa kalye kung magpapatuloy ito. Ang sistematikong kahirapan ay mangangahulugan din ng pagbubura ng isang katutubong kultura.”

Si Victor Valantin, isang Indigenous Peoples Mandatory Representative para sa lalawigan ng Tarlac, na kinabibilangan ng ilang bahagi ng Clark, ay nangangamba na ang pangkalahatang teritoryo para sa mga Aeta sa Clark ay lumiliit habang bumibilis ang mga bagong proyekto.

“Napakabilis ng mga proyekto ng BCDA,” aniya. “Ngunit anumang bagay para sa atin ay magiging napakabagal.” /Unang inilathala sa Al Jazeera