Balik operasyon ng PrimeWater sa La Union, kinondena


Ayon sa Water for the People Network-La Union, hindi katanggap-tanggap ang naging pasya ng korte dahil sa patong-patong na pasakit ang dinala ng kompanya sa mga residente.

Tinutulan ng consumer group na Water for the People Network (WPN)-La Union ang desisyon ng korte ng San Fernando City na bigyan ng protection order ang PrimeWater Infrastructure Corp. (PrimeWater) para ipagpatuloy ang serbisyo sa tubig ng lungsod nitong Hun. 25.

Ayon sa pahayag ng grupo, hindi katanggap-tanggap ang naging pasya ng korte dahil sa patong-patong na pasakit ang dinala ng kompanya sa mga residente. Nagdesisyon ang korte noong Hun. 11 at nakuha ang kopya nito noong Hun. 18. 

Kabilang sa mga problemang naitala ng WPN-La Union ang hindi maayos na serbisyo, madalas na aberya sa distribusyon ng tubig, mataas at ‘di makatuwirang bayarin, at hindi pagtupad sa mga kasunduan.

“Ang desisyon ng korte ng San Fernando ang nangangahulugang patuloy na paghihirap ng mga mamimili at residente sa masalimuot na serbisyo ng PrimeWater habang ginagatasan sila para sa pera,” pahayag ng WPN-La Union sa wikang Ingles.

Nadismaya ang grupo sa paglabag ng kompanya sa joint venture agreement (JVA) na nilagdaan noong 2016 kasama ang Metro San Fernando Water District (MSFWD).

Magpapatuloy ang operasyon ng PrimeWater sa limang lugar sa La Union, kabilang ang San Fernando City, Bauang, Bacnotan, San Juan at San Gabriel.

Tuluyang winakasan ng MSFWD ang JVA kasama ang PrimeWater matapos ang paglabag sa kontrata at pag-ani ng samu’t saring reklamo mula sa mga residente noong Mayo 8.

Pagdating ng Mayo 29, inanunsiyo ng MSFWD sa isang Facebook post ang pagbabalik ng kanilang operasyon sa bisa ng hatol ng korte. Sinundan ito ng ilan pang mga post na itinala ang mga pagkukulang at kapalpakan sa serbisyo ng PrimeWater mula 2016.  

“Nakakalungkot isipin na kahit kulang ang PrimeWater sa kakayahang panatilihin ang pasilidad ng MSFWD at hindi makapagbigay ng maayos na serbisyo, pilit pa rin nilang inaatim ang kontrol. Kaya napipigilan ang mga kinakailangang maayos at naaabala ang serbisyong nararapat para sa aming mga mamimili,” sabi ng MSFWD sa Ingles.

Ayon sa datos mula sa water district, hindi nagawa ng PrimeWater ang kanilang pangakong pataasin ang supply at produksiyon ng tubig na aabot sa 28.3 milyong litro kada araw pagdating ng 2021. Nasa 9.64 milyong litro kada araw lang ang nagawa ng kompanya pagsapit ng 2024 kumpara sa 11.7 milyong litro kada araw noong 2016. 

Ipinahayag ng MSFWD na gagawin nila ang lahat para protektahan ang serbisyo para sa publiko at ipagpatuloy ang mga legal na aksiyon laban sa PrimeWater.

“Titingnan namin ang lahat ng legal na paraan upang siguraduhin na makukuha ng mga tao ang kalidad na tubig at serbisyong para sa kanila,” sabi ng water district.

Hinimok ng WPN-La Union si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa mga aktibidad at panagutin ang PrimeWater. 

“Ang pagpapatuloy ng mahinang serbisyo at pagdadamot sa supply ng tubig na para sa mga mamamayan ay krimen at paglabag sa batas,” anila.Isinumite na ng Local Water Utilities Administration sa Malacañang ang ulat sa imbestigasyon ng mga beripikadong reklamo laban sa kompanya nitong Hun. 28. Inaasahan ng ahensiya ang pag-apruba ng pangulo sa kanilang mga rekomendasyon sa lalong madaling panahon.