Grupo ng tanggol-karapatan: Gawa-gawang kaso kay Niezel Velasco, ibasura


Nanawagan ang mga tanggol-katutubo at tanggol-karapatan na ibasura ang mga gawa-gawang kasong estafa na isinampa laban sa tanggol-katutubong si Niezel Velasco sa korte sa Quezon City.

Protesta para palayain si Niezel Velasco ukol sa kasong estafa. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Nanawagan ang mga tanggol-katutubo at tanggol-karapatan sa harap ng Quezon City Hall of Justice nitong Hun. 23 na ibasura ang mga gawa-gawang kasong estafa na isinampa laban sa tanggol-katutubong si Niezel Velasco sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 34.

Iginiit ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, Bai Indigenous Women’s Network, Siklab Philippine Indigenous Youth Network, Sandugo-Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-Determination, Bayan Muna Partylist at Kalikasan People’s Network for the Environment ang pagpapalaya kay Velasco at sa iba pang mga bilanggong politikal.

“Ito ay pakana lamang ng [pulisya] at Armed Forces of the Philippines dahil si Niezel Velasco ay tunay naming kilala na naglilingkod sa mga pamayanan ng mga katutubong [Lumad] sa Mindanao,” ani Kakay Tolentino, isang Dumagat at tagapag-ugnay ng Bai Indigenous Women’s Network.

Bukod sa estafa, may kinahaharap ding gawa-gawang kaso si Velasco na unjust vexation at maltreatment na isinampa sa Antipolo Trial Court in Cities Branch 1. 

Isinampa ang mga kasong ito laban sa isang “Mary Jane Velasco,” isang indibidwal na walang kaugnayan kay Velasco.

Halos apat na taon nang nakakulong si Velasco bago tuluyang ibinasura nitong Abril ang naunang kasong murder, attempted murder at illegal possession of firearms and explosives dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Hindi si Velasco ang una at nag-iisang biktima ng mga gawa-gawang kasong isinasampa ng estado laban sa mga aktibista. Mayroon nang 160 na bilanggong politikal mula nang maupo si Marcos Jr. ayon sa tala ng human rights watchdog na Karapatan. 

“Iuphold ang values and principles ng justice kasi kahit tayo pa ay sumasama sa legal battles ay lantaran naman kasi talaga na ito ay very political na kinasuhan siya for political means,” ani Funa-ay Claver, tagapagsalita ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan, wala pa rin desisyon ang korte sa Quezon City hinggil sa kaso ni Velasco.