Kasong estafa vs Niezel Velasco, ibinasura


Ayon sa Katribu, maling pinaratangan ng mga awtoridad si Niezel Velasco bilang “Mary Jane Velasco” na siyang tunay na dapat sanang isinasakdal. Unang isinampa ang kaso noong 2007 at muling binuhay noong Mayo 2024.

Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Ibinasura ng Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 34 nitong Hul. 3 ang  kasong estafa laban sa tanggol-katutubo na si Niezel Velasco matapos mabigong dumalo at ituloy ng nagrereklamo ang pag-uusig.

Bago ang desisyon, pinangunahan ng mga tanggol-katutubo at tanggol-karapatan ang isang protesta nitong Hun. 23 sa harap ng Quezon City Hall of Justice upang igiit ang pagbasura sa kasong anila’y gawa-gawa lang. 

“Malugod naming tinatanggap ang pagbasura ng kasong estafa na mali ang pagkakakabit kay Niezel Velasco,” ani Beverly Longid, national convenor ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (Katribu).

Ayon sa Katribu, maling pinaratangan ng mga awtoridad si Velasco bilang “Mary Jane Velasco” na siyang tunay na dapat sanang isinasakdal. Unang isinampa ang kaso noong 2007 at muling binuhay noong Mayo 2024. 

“Hindi si Niezel si Mary Jane Velasco at ang maling pagkakakilanlan ay nagdulot ng labis na pagkalito at perhuwisyo,” ani Longid. “Umaasa kami na ang resolusyong ito ay magsilbing paalala sa kahalagahan ng tamang pagkakakilanlan at pananagutan sa mga usaping legal,” dagdag nito.

Bukod sa kasong estafa, kinakaharap pa rin ni Velasco ang mga kasong unjust vexation at maltreatment na isinampa sa Antipolo Trial Court in Cities Branch 1 sa ilalim pa rin ng pangalang “Mary Jane Velasco.”

Halos apat na taong nakulong si Velasco bago tuluyang ibinasura nitong Abril ang naunang kasong murder, attempted murder at illegal possession of firearms and explosives dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Ayon sa mga aktibista, bahagi ito ng mas malawak na kampanya ng panliligalig at panggigipit sa mga katutubong lider at tagapagtanggol ng karapatang pantao. Mariing tinutulan ito ng Katribu na nanawagang itigil na ang sistematikong panliligalig sa mga aktibista.

“Ang pagbasura sa kasong estafa ay isang tagumpay, ngunit paalala rin ito sa kabulukan ng sistemang panghukuman sa bansa,” giit ng Katribu.