Nakatatandang tanggol-katutubo, inaresto sa Bulacan


Dati nang inaresto si Myrna Cruz-Abraham noong Mar. 22, 2010 sa mga gawa-gawang kasong murder at paglabag sa election gun ban. Ibinasura rin ang mga kaso dahil sa kawalan ng ebidensiya noong Disyembre 2010.

Inaresto ng mga nagpakilalang pulis ang tanggol-katutubo at aktibistang si Myrna Cruz-Abraham sa San Rafael, Bulacan nitong Ene. 27. Nahaharap siya sa kasong frustrated murder sa lalawigan ng Cagayan. Inaresto siya ilang araw bago ang kanyang ika-70 kaarawan sa Ene. 30.

Kuwento ng kanyang pamilya, bandang 10 a.m. noong Ene. 27 nang sapilitan siyang dinampot ng pito hanggang walong taong nakasibilyan na nagpakilalang mula sa Directorate of Criminal Investigation and Detection Management ng Philippine National Police, isinakay sa isang sasakyang walang plaka at dinala sa San Rafael Police Station.

Bandang 11 a.m., inilipat siya sa Quezon City General Hospital para sa pagsusuring medikal. May altapresyon at mataas na cholesterol si Cruz-Abraham dala na rin ng kanyang edad.

Matapos ang pagsusuri, inilipat siya sa Camp Karingal sa Quezon City bandang 1 p.m. kung saan dinetine siya sa Criminal Investigation and Detection Unit ng kampo. 

Kinondena ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas at Sandiwa Network of Advocates for National Minority Rights ang pag-aresto at patuloy na pampolitikang persekusyon kay Cruz-Abraham na matagal nang nagtataguyod ng mga karapatan ng mga pambansang minorya at marhinadong komunidad.

Dagdag pa ng Katribu, dati nang inaresto si Cruz-Abraham noong Mar. 22, 2010 sa mga gawa-gawang kasong murder at paglabag sa election gun ban. Ibinasura rin ang mga kaso dahil sa kawalan ng ebidensiya noong Disyembre 2010.

Ilang dekada na rin siyang naglingkod sa mga pambansang minorya, kababaihan, magsasaka at manggagawa.

Dating kasapi ng Anakpawis-Cagayan Valley at konsultant ng Danggayan Dagiti Mannalon ti Cagayan Valley, isang rehiyonal na grupo ng mga magbubukid, ang inarestong aktibista.

Naging aktibong kasapi si Cruz-Abraham ng Sandiwa mula nang naitatag ito noong 2017 kung saan naging bahagi siya ng iba’t ibang proyekto at aktibidad para suportahan ang mga kampanya ng mga katutubo at Morong komunidad.

Maraming organisasyon din ang pinaglingkuran ni Cruz-Abraham kabilang ang Management Advancement Systems Association, Women Industrial Workers’ Alliance at Kilusan ng Manggagawang Kababaihan.

Dati rin siyang manunulat sa isang parish newsletter sa Pasig City at naging aktibo sa Conference of Asian Women Newsletters.

Nanawagan ang Katribu at Sandiwa para sa agarang pagpapalaya kay Cruz-Abraham at itigil na ang red-tagging at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga tanggol-katutubo at aktibista.