Gawa-gawang kasong ‘terorismo’ vs sibilyan, kinondena


Ani Katribu national convenor Beverly Longid, ipinapakita ng mga kaso ang kababawan ng batas na ginagawang krimen kahit simpleng pagtitinda o pagbibigay ng pagkain.

Nagprotesta ang Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (Katribu) at Bai Indigenous Women’s Network sa labas ng Department of Justice (DOJ) upang kondenahin ang kasong “terrorist financing” na isinampa ng pulisya laban kina Marcylyn Pilala at Alaiza Lemita nitong Okt. 16.

Inakusahan si Pilala na nakatanggap umano ng kabuuang P100,000 at ginagamit ito upang pagbentahan ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ng mga grocery item mula sa kanyang sari-sari store sa Mountain Province.

Kinasuhan naman si Lemita dahil sa pagbibigay umano ng adobo at kanin sa mga NPA sa Nasugbu, Batangas. Sabay na naghain ng kontra-salaysay ang dalawang indibidwal sa DOJ.

Ani Katribu national convenor Beverly Longid, ipinapakita ng mga kaso ang kababawan ng batas na ginagawang krimen kahit simpleng pagtitinda o pagbibigay ng pagkain.

Nanawagan ang dalawang grupo na ibasura ang Anti-Terrorism Act at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act na ginagamit laban sa mga aktibista at maging sa mga karaniwang sibilyan.

“Humihingi kami ng hustisya para sa lahat ng mga maling naakusahan sa ilalim ng mga mapaniil na batas na ito at hinihikayat namin ang publiko na makiisa sa laban upang wakasan ang kriminalisasyon ng mga tagapagtanggol ng karapatan, kanilang mga pamilya, at mga ordinaryong mamamayan,” ani Longid.