Kasong ‘terorismo’ vs 4 na aktibista, devt worker, ibinasura ng korte sa Malolos
Ibinasura ng korte sa Malolos City, Bulacan ang mga kasong “terorismo” na isinampa laban sa apat na aktibista, manggagawang pangkaunlaran at manggagawang simbahan.
Ibinasura ng Malolos Regional Trial Court Branch 12 ang mga kasong “terorismo” na isinampa laban sa apat na lider-aktibista’t manggagawang pangkaunlaran dahil sa kawalan ng matibay na batayan.
“Pinatutunayan ng pagbasura sa mga kaso na walang sala sina Nathanael Santiago at iba pa at ipinapakita na walang basehan, arbitraryo at malisyoso ang pagsasampa ng mga kaso ng Department of Justice (DOJ) sa mga aktibista’t kritiko,” pahayag ni human rights watchdog Karapatan secretary general Cristina Palabay sa Ingles.
Sa joint order na may petsang Set. 3, 2024 ni Presiding Judge Julie Mercurio, ibinasura ang mga kasong murder, attempted murder at paglabag sa Anti-Terrorism Act at Terrorist Financing Prevention and Suppression Act laban kina Bayan Muna Partylist at Makabayan Coalition secretary general Nathanael Santiago, Anakpawis Partylist campaign director Servillano “Jun” Luna Jr., Assert Socio-Economic Initiatives Network (Ascent) convenor Rosario Brenda Gonzalez at manggagawang simbahan sa Bulacan na si Anasusa San Gabriel.
Isinampa ang mga kaso ng isang 1Lt. Michael J. Regario at iba pa mula sa 84th Infantry Battalion ng Philippine Army sa piskalya sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Iniuugnay ang apat sa isang engkuwentro sa pagitan ng New People’s Army at 84th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Brgy. San Fernando, Laur, Nueva Ecija noong Okt. 8, 2022.
Sinabi naman ng Karapatan sa DOJ na itigil na ang “judicial harassment” sa mga aktibista.
“Dapat tigilan na [ng DOJ] ang mga malisyosong praktika ng red-tagging, paglalabas ng mga mga baligho at walang batayang akusasyon, at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa [mga aktibista],” ani Palabay.