Main Story

Patuloy na martial law ngayon


Nakatatak na sa kaibuturan ng estado at mga ahente nito ang marahas na panunupil sa mga karapatan ng mamamayan na lalong sumidhi nang ipataw ang batas militar at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.

May 52 taon na ang lumipas nang ideklara ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang batas militar sa bansa para mangunyapit sa kapangyarihan. Bagaman tinanggal ito noong 1981, nagpatuloy ang pamumuno ng kamay na bakal hanggang sa patalsikin ng sama-samang pagkilos ng mamamayan noong 1986.

Resulta ng batas militar ang mga walang habas at walang pakundangang paglabag sa mga karapatang pantao ng mamamayan, mula sa kalayaan sa pagtitipon, pamamahayag at pagpapahayag, hanggang sa mga kaso ng pag-aresto, pagbilanggo, pagkawala at pagpatay sa mga lumaban sa diktadura.

Hanggang sa kasalukuyan, ramdam ng sambayanan ang mga iniwang bakas ng diktadurang Marcos Sr., lalo na ngayong bumalik sa poder ang kanyang angkan sa Malacañang para linisin at pabanguhin ang duguang legasiya ng diktadurang sama-sama nilang itinaguyod para angkinin ang poder at yaman ng bansa.

Matindi pa rin ang mga mala-batas militar na atake sa mga karapatan at kalayaan ng mamamayan sa porma ng mga mapanupil na batas at patakaran para patahimikin ang sigaw ng taumbayan para sa hustisyang panlipunan.

Walang deklaradong batas militar sa kasalukuyan, ngunit nananatili ang pagpapatupad sa maraming patakaran mula sa panahon ng diktadura. Kasama dito ang pagtatakda ng mga checkpoint, paglalagay ng restriksiyon sa pagsasagawa ng mapayapa at malayang pagtitipon, at sensura sa mga palabas na tumutuligsa sa gobyerno.

Ayon kay Cristina Palabay, secretary general ng human rights watchdog na Karapatan, “Ipinatutupad naman ni Marcos Jr. ang mga batas hinggil sa terorismo na sukdulang lumalabag sa karapatan sa due process, laban sa privacy at political dissent.”

Kabilang sa mga mapanupil na batas na patuloy na ipinapatupad ng rehimeng Marcos Jr. ang Anti-Terrorism Act of 2020 at Terrorist Financing Prevention and Suppression Act of 2012. Ginagamit ang mga batas na ito para pagmukhaing kapani-paniwala ang mga gawa-gawang kasong isinasampa sa mga aktibista at kritiko ng gobyerno.

“Sa pamamagitan ng paggamit ng mga bayarang witness at kanilang paglulubid ng kasinungalingan, kinakasuhan ang mga aktibistang tagapagtaguyod ng karapatang pantao (human rights workers) at silang nagbibigay ng humanitarian service para takutin ang mamamayang magsalita tungkol sa mga pang-araw-araw na kahirapang kanilang dinaranas,” ani Palabay.

Sa tala ng Karapatan, may 98 na aktibista, tanggol-karapatan, manggagawang pangkaunlaran (development worker) at taong simbahan ang kinasuhan ng paglabag ng isa sa dalawang batas na nabanggit at 31 ang kasalukuyang nakakulong.

Kasama sa mga inaresto’t ipiniit sina Frenchie Mae Cumpio na isang community journalist mula sa Eastern Vista at Marielle Domequil ng Rural Missionaries of the Philippines na inaresto sa Tacloban City noong Peb. 20, 2020 sa mga gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives at terrorist financing.

Kamakailan naman, ibinasura ng Malolos Regional Trial Court Branch 12 ang mga gawa-gawang kasong isinampa kina Bayan Muna Partylist at Makabayan Coalition secretary general Nathanael Santiago, Anakpawis Partylist campaign director Servillano “Jun” Luna Jr., Assert Socio-Economic Initiatives Network (Ascent) convenor Rosario Brenda Gonzalez at manggagawang simbahan sa Bulacan na si Anasusa San Gabriel.

May nakabinbin namang kasong terrorist financing ang 11 dati at kasalukuyang board member ng Rural Missionaries of the Philippines, isang pambansang organisasyon ng mga relihiyoso at layko na tumutulong sa mga mahihirap na komunidad sa kanayunan, at 27 dati at kasalukuyang board member ng Community Empowerment and Resource Network (Cernet), isang non-government organization (NGO) sa Cebu.

Maliban sa pagsasampa sa kanila ng gawa-gawang kaso ng terrorist financing, ipinag-utos din ng estado ang pag-freeze sa kanilang mga ari-arian at bank account.

“Kadalasan, walang natatanggap na subpoena ang mga kinakasuhan kaya nalalabag ang kanilang karapatan sa due process. Nilalabag din ang karapatan sa due process ng mga NGO at grupo ng mga taong simbahan na basta na lamang fini-freeze ang bank accounts, nang walang sinasabi o ipinapakitang ebidensiya laban sa kanila,” paliwanag ni Palabay.

Habang pinupuntirya ng gobyerno ang mga organisasyon at indibidwal na nagsusulong ng mga karapatan at kagalingan ng mamamayang hindi naaabot ng serbisyo ng pamahalaan, walang puknat din ang mga atake ng mga armadong puwersa ng estado sa mamamayan.

Ipinagmamayabang ni Marcos Jr. na “bloodless” umano ang giyera kontra droga ng kanyang administrasyon kumpara sa sinundan niyang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na pumaslang ng tinatayang nasa 20,000 katao.

Ngunit sa pagsubaybay ng Dahas Project ng University of the Philippines Third World Studies Center, mayroong 783 na kaso ng pamamaslang kaugnay ng ilegal na droga sa ilalim ni Marcos Jr. batay sa datos ng proyekto nitong Set. 15.

Ayon sa Dahas Project, mas mataas ang mga naiulat na kaso ng pamamaslang kaugnay ng ilegal na droga sa ikalawang taon ni Marcos Jr. sa poder.

“Sa aming ulat na sakop ang Hul. 1, 2023 hanggang Hun. 30 2024, nakapagtala kami ng 359 na pagpaslang kaugnay ng droga, kumpara sa 342 ng nakaraang taon. Responsable ang mga ahente ng estado sa 34.3% ng mga pagpatay sa ikalawang taon ng giyera kontra droga ni Marcos Jr.,” ayon sa ulat ng proyekto sa Ingles.

Maliban sa mga pagpatay kaugnay ng giyera kontra droga, nakapagtala ang Karapatan ng 105 kaso ng extrajudicial killing (EJK) mula Hul. 1, 2022 hanggang Hun. 2024.

Marami sa mga biktima’y mula sa mga komunidad sa kanayunan na pinaslang sa mga operasyon ng pulisya o militar na ipinalalabas na mga engkuwentro sa New People’s Army (NPA) o pinararatangang tagasuporta ng mga rebelde.

“Mula Enero hanggang Mayo 2024, may 11 na pinatay ang mga sundalo ng rehimeng Marcos Jr., anim sa mga biktima ang mula sa Negros Occidental. Kasunod nito ang tatlong kaso ng pamamaslang sa Masbate. May kabuuang 20 kaso ng EJK sa islang lalawigan mula nang manungkulan sa Marcos Jr.,” ayon sa ulat ng Karapatan sa Ingles.

Liban sa mga kaso ng pagpatay ng mga hinihinalang rebelde, may 42,426 na biktima ng sapilitang pagpapalikas, 63,379 na biktima ng walang habas na pamamaril at 44,065 na biktima ng pambobomba ng mga puwersa ng gobyerno sa iba’t ibang komunidad sa kanayunan para umano pulbusin ang NPA.

Kasama sa mga karapatang niyuyurakan ng estado ang mga karapatan ng mga sibilyan na labag sa International Humanitarian Law. Sa pagtugis ng mga armadong puwersa ng estado sa NPA, laging napagbubuntunan ang mamamayan at pinararatangang mga tagasuporta ng mga rebelde.

Madalas ding gamitin ng militar ang dahilang NPA umano ang mga residente sa mga komunidad sa kanayunan para bigyang katuwiran ang takot at karahasang inihahasik nila sa mamamayan.

Katulad noong panahon ng diktadura, walang tigil din ang gobyerno ng anak ng diktador sa pag-aresto at pagpiit sa mga aktibista’t kritiko ng pamahalaan.

Nitong Hun. 30, may kabuuang 755 na bilanggong politikal sa bansa, 103 dito ang inaresto sa panahon ni Marcos Jr. Nasa 90 sa kanila ang may sakit, 102 ang nakatatanda at apat na inaresto noong menor de edad pa lang. May 15 ring peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines ang nakakulong.

Hindi rin gumugulong ang mga kaso ng maraming bilanggong politikal para pahabain ang kanilang pananatili sa loob ng kulungan.

Isang matingkad na halimbawa ng ganitong inhustisya sa pinakabulnerable at marhinadong mamamayan kina Rocky Torres at Avellardo Avellanida, mga katutubong Dumagat na hindi man lang dininig ng korte ang gawa-gawang kasong pagpatay at rebelyon mula nang inaresto sila sa Infanta, Quezon noong Mayo 14, 2018.

Maliban sa hindi makatarungang pagpapakulong sa dalawa, nakaranas din sila ng matinding tortyur nang sila’y maaresto. Nagkaroon na sila ng tuberculosis dahil sa masalimuot na kondisyon sa detensiyon.

Ayon sa Samahan ng Ex-Detainees Laban Detensiyon at Aresto (Selda), karaniwan ang sakit na tuberculosis at iba pang nakahahawang sakit sa mga kulungan dahil sa pagsisiksikan, pagkaing hindi angkop para sa tao, kawalan ng maayos na palikuran at pagkakait sa serbisyong medikal. Lumulubha rin ang kalusugan ng mga nakatatanda’t may sakit dahil sa ‘di makataong kalagayan sa piitan.

Sa kasamaang palad, apat na mga bilanggong politikal ang binawian ng buhay sa kustodiya ng estado dahil sa malalang sakit ngayong taon na sina Roy dela Cruz, Generoso Granado Jr., Antonio Legaspi at Ernesto Jude Rimando.

“Kalunos-lunos ang kalagayan sa ating mga kulungan. Pinababayaan lang ang mga bilanggo kung paano sila mananatiling buhay. Nasaan ang pagkamakatao at dignidad sa ganoon?” ani Bonifacio Ilagan, tagapagsalita ng Selda at dating bilanggong politikal noong diktadurang Marcos Sr.

Dagdag pa ni Ilagan, walang maayos na serbisyong medikal sa mga kulungan kaya lalong lumulubha ang kalusugan ng mga nakatatanda at may sakit at dinadala lang sa ospital kung kailan malalang-malala na ang kalagayan ng bilanggo.

Sa dami ng mga biktima ni Marcos Jr. sa paglabag sa karapatan pantao, walang nananagot sa lahat ng kalapastanganang nararanasan ng mamamayan sa kamay ng estado.

“Mas malala ang klima ng impunidad o kawalang-pananagutan sa kasalukuyang rehimen dahil hindi napapanagot ang mga berdugong nagsagawa ng mga paglabag sa karapatang pantao noong rehimeng Duterte at maging mula noong diktadura ng kanyang ama na si Marcos Sr.,” wika ni Palabay.

“Ang tinatawag naming kumulatibong sitwasyon ng impunidad sa bansa sa ilalim ni Marcos Jr. ang siyang maituturing na higit na malalang bersyon ng kalunos-lunos na kalagayang ito,” dagdag niya.