Red-tagging, banta sa karapatan–SC
Maituturing na tagumpay ang sinabi ng Korte Suprema sa isang desisyon nito na labag sa karapatan ang ginagawang red-tagging ng mga elemento ng estado laban sa mga aktibista at kritiko ng gobyerno.
Sa isang makasaysayang desisyon, mapagpasyang idineklara ng Korte Suprema (Supreme Court o SC) na banta sa buhay, kalayaan at seguridad ang panre-red-tag, paninira, pagbabansag o pagkakasala batay sa ugnayan.
Kaugnay ito ng partial grant ng Kataas-taasang Hukuman sa petisyon ni dating Bayan Muna Partylist Rep. Siegfred Deduro para sa writ of amparo o proteksiyon laban sa mga banta sa buhay, kalayaan at seguridad na unang ibinasura ng Iloilo City Regional Trial Court (RTC) Branch 24 noong Okt. 26, 2020.
“Pinapabulaanan [ng desisyong ito] ang paggigiit ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) na hindi mapanganib na gawi ang umano’y ‘truth-tagging’ [na sa katotohana’y] walang habas na red-tagging sa mga aktibista,” sabi ni Deduro sa isang pahayag sa Ingles.
Ani Deduro, nagdulot ng takot para sa sariling buhay at seguridad ang ginagawang paninira at panre-red-tag ng militar sa kanya at iba pang kasamahang aktibista sa Western Visayas.
Sa desisyon ng Korte Suprema, binaliktad nito ang naunang desisyon ng Iloilo City RTC at inatasan ito na magsagawa ng pagdinig sa petisyon upang ganap na magawaran ng proteksiyon si Deduro.
Inatasan din ng korte na magsumite si Deduro ng supplemental petition para sa Alliance of Victims of the CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines) at Western Visayas Alliance of Victims of the CPP-NPA-NDF na sangkot sa panre-red-tag sa kanya at iba pang aktibista.
Mula 2017, sunod-sunod ang paninira sa publiko at terrorist-tagging ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army (3rd IBPA) kay Deduro at iba pang aktibista sa rehiyon. Nagkalat sa mga lansangan ng Iloilo City at social media ang mga paskil na may mga larawan ng mga personalidad na ‘di umano’y mga kasapi ng CPP-NPA-NDF. Sinasabi din ng mga ito na isang mataas na opisyal umano si Deduro ng CPP.
Kabilang sa mga personalidad na pinaratangang “terorista” ang mga pinatay na aktibistang sina Jory Porquia ng Bayan Muna Partylist-Iloilo na pinaslang noong Abril 30, 2020 sa Villa de Arevalo, Iloilo City at Zara Alvarez ng Karapatan-Negros na pinaslang noong Ago. 17, 2020 sa Bacolod City, Negros Occidental. Pinagbabaril ng mga ‘di kilalang gunman ang parehong biktima.
Maliban sa pagpapakalat ng mga paskil sa mga pampublikong lugar at social media, ginamit din ng militar ang midya kagaya ng Bombo Radyo para i-red-tag sina Deduro at ang iba pang mga kilalang aktibista, abogado at manggagawang pangkaularan (development worker) sa Western Visayas.
NTF-Elcac, buwagin
Muling iginiit ng mga progresibong grupo ang pagbuwag sa NTF-Elcac matapos ilabas ng Korte Suprema ang desisyon sa red-tagging.
“Mapanganib na mga praktika ng mga puwersa ng estado [ang red-tagging, paninira at pagbabansag na terorista] na matagal nang nilalagay sa peligro ang buhay, seguridad at kalayaan ng laksa-laksang human rights activist, political dissenter at ordinaryong Pilipino,” wika ni Karapatan secretary general Cristina Palabay sa Ingles.
Dagdag ni Palabay, marami sa mga na-red-tag ang naging biktima ng pamamaslang, sapilitang pagkawala, tortyur, ilegal at arbitraryong aresto at detensiyon at iba pang porma ng paglabag sa karapatang pantao, kasama na ang mga human rights worker ng Karapatan.
“Ang desisyong ito ng Korte Suprema legitimizes ‘yong matagal nang assertion [ng mga aktibista] na red-tagging poses serious threats hindi lang sa buhay ng mga aktibista kundi ng demokrasya natin,” wika ng human rights worker at Karapatan national council member Jose Mari Callueng sa isang panayam sa Pinoy Weekly.
Isa si Callueng sa 10 human rights defender na sinampahan ng kasong perjury ni dating National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. noong 2019. Napawalang-sala sila noong Enero 2023 at may nakabinbin ding petisyon para sa mga writ of amparo at habeas data upang proteksiyonan ang kanilang buhay, kalayaan, seguridad, personal na impormasyon at pribasiya.
Positibo rin ang naging reaksiyon ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa desisyon ng Korte Suprema.
“Sa wakas, wala nang magtatago sa likod ng mapanlinlang na depensa na walang batas na tumutukoy at nagbabawal sa masasamang aksiyon ng mga kilalang red-tagger—na gumagamit ng mga opisyal at iba pang plataporma para umiwas sa pananagutan sa kanilang gawain,” pahayag sa Ingles ni Bayan chairperson emeritus Carol Araullo na biktima ng panre-red-tag ni dating NTF-Elcac spokesperson Lorraine Badoy-Partosa.
Nagsampa si Araullo ng kaso para sa P2 milyon danyos perhuwisyo noong Hul. 20, 2023 laban kina Badoy-Partosa at Jeffrey Celiz dahil sa red-tagging, paninira at maling impormasyon na ipinakalat ng dalawa sa kanilang programa sa telebisyon. Nagsampa rin ng kasong paninirang puri laban kina Badoy-Partosa at Celiz ang anak niyang mamamahayag na si Atom Araullo noong Set. 11, 2023.
Nanawagan ang nakatatandang Araullo sa mga kapwa aktibista at human rights worker na magsampa ng mga kaukulang kaso laban sa mga kilalang red-tagger upang ligtas na makapagpatuloy sa kanilang gawain.
Patuloy ang matatag na paninindigan ng Karapatan at Bayan na buwagin ang NTF-Elcac dahil sa masahol na rekord nito sa paglabag sa karapatang pantao sa tabing ng pagsusulong umano ng kapayapaan at kaunlaran.
Sa internasyonal na antas, nagrekomenda sa pamahalaan sina United Nations (UN) Special Rapporteur for human rights and climate change Ian Fry at UN Special Rapporteur for freedom of opinion and expression Irene Khan sa kanilang magkahiwalay na pagdalaw sa bansa kamakailan na dapat nang buwagin ang nasabing task force dahil sa mga paglabag nito sa mga karapatan ng mamamayan.
“Nangyayari na [ang mga pag-atake sa kalayaan sa pagpapahayag] noon pa man, na mas tumindi sa termino ni dating Pangulong [Rodrigo] Duterte, lalo na noong nabuo ang NTF-Elcac,” sabi ni Khan sa wikang Ingles sa kanyang exit statement.
Bago pa man ang mga pinakabagong rekomendasyon nina Fry at Khan, ipinahayag na rin ng mga independyenteng obserbasyon ng mga eksperto ng UN, kabilang si UN Human Rights High Commissioner Michelle Bachelet, na labag sa karapatang pantao ang red-tagging at dapat na itong wakasan.
“Tuluyan nang nadinig at naaksiyonan ang mga lokal, pambansa at internasyonal na pagsisikap. Positibo kami na magiging katotohanan sa hinaharap ang panawagan naming buwagin ang NTF-Elcac, pagbabasura sa [Anti-Terrorism Act] at pagwawakas ng pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista,” ani Bayan Panay secretary general Elmer Forro.
Anti-Terrorism Act, ibasura
Maliban sa pagbuwag sa NTF-Elcac, patuloy din ang panawagan ng mga progresibong grupo na ibasura na ang mga batas na kinakasangkapan ng mga puwersa ng estado upang ikriminalisa ang lehitimong pampolitikang pagtunggali ng mga kritiko at aktibista.
Nagsumite nitong Mayo 3 ng counter-affidavit ang apat na aktibista at manggagawang pangkaunlaran sa piskalya ng Cabanatuan City, Nueva Ecija laban sa mga gawa-gawang kasong isinampa ng 84th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Sinampahan sina Bayan Muna Partylist at Makabayan Coalition secretary general Nathanael Santiago, Anakpawis Partylist campaign director Servillano “Jun” Luna Jr., Assert Socio-Economic Initiatives Network (Ascent) convenor Rosario Brenda Gonzalez at Anasusa San Gabriel, manggagawang simbahan sa Bulacan, ng murder, attempted murder at paglabag umano sa Anti-Terrorism Act (ATA) at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act (TFPSA).
Sa Timog Katagalugan, kinasuhan ang dalawang kabataang aktibistang sina Fritz Jay Labiano ng Kabataan Partylist-Quezon at Adrian Paul Tagle ng Tanggol Quezon ng paglabag umano sa TFPSA nitong Abril 28.
Nagmula ang kaso sa pagbibigay nina Labiano at Tagle ng humanitarian aid sa environmental defender na si Miguela Peniero at indigenous peoples rights advocate Rowena Dasig na inaresto noong Hul. 12, 2023.
Umabot na sa 36 ang bilang ng mga aktibista at human rights worker sa Calabarzon at Mimaropa na kinasuhan ng mga gawa-gawang kaso ng paglabag umano sa ATA at TFPSA.
Nasa 17 ng mga kaso sa Timog Katagalugan ang naibasura na. Kabilang sa mga ibinasurang kaso ang kina Hailey Pecayo, paralegal at spokesperson ng Tanggol Batangan; John Peter Angelo “Jpeg” Garcia, tagapangulo ng Youth Advocates for Peace and Justice sa University of the Philippines Los Baños; Rev. Edwin Egar, pastor ng United Church of Christ in the Philippines sa Batangas; at Alaiza Lemita na kapatid ni Ana Mariz Evangelista, biktima ng insidenteng “Bloody Sunday” noong Mar. 7, 2021.
Binansagan naman ng Anti-Terrorism Council (ATC) na mga “terorista” ang apat na lider ng Cordillera Peoples Alliance (CPA) na sina Jennifer Awingan-Taggaoa, Steve Tauli, Sarah Abellon-Alikes at Windel Bolinget noong Hunyo 2023.
Patuloy na nilalabanan sa korte sa Baguio City ang pagbabansag ng ATC gamit ang ATA na “terorista” ang apat na lider-katutubo. Nagdulot ito ng takot at pangamba sa kanilang buhay at seguridad at napilitang mawalay sa mga kaibigan, katrabaho at mahal sa buhay. Nawalan din sila ng akses sa kanilang mga ari-arian at bank account.
Ayon sa Karapatan, ginagawang sandata ang magkakambal na batas at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso para sa kriminalisasyon ng kritisismo sa pamahalaan at pagpapasama sa imahen ng mga aktibista.
Nitong Marso, nakapagtala ang human rights watchdog ng aabot sa 91 indibidwal na kinasuhan ng paglabag sa ATA at TFPSA sa buong bansa, nasa 27 dito ang mga bilanggong politikal na may kaso sa ilalim ng parehong batas
Ani Karapatan legal counsel Ma. Sol Taule, walang kagyat na legal na epekto ang deklarasyon ng Korte Suprema sa red-tagging.
“Politically ay sana mag-open ng doors para makapag-ingay at muling bisitahin ang pag-review sa constitutionality ng ATA at TFPSA dahil ito naman ang ginagamit sa mga aktibista not just to red-tag, but to terror-tag as well,” wika ni Taule sa panayam sa Pinoy Weekly.
Dagdag ni Taule, magandang pagkakataon din ito para itulak ang pagpasa sa Human Rights Defenders Bill para protektahan ang mga karapatan at kalayaan ng mga human rights worker.
Inihain ng Makabayan bloc ang panukalang batas sa Kamara noong Hunyo 2022, habang may bersiyon din nito sa Senado na inihain ni Sen. Risa Hontiveros noong Setyembre 2023.
Sa ilalim ng panukala, papatawan ng parusa ang sinumang lalabag sa mga karapatan at kalayaan ng mga human rights worker na tupdin ang kanilang tungkulin para sa kapakanan ng mga karapatang pantao ng mamamayan.
Patuloy ang panawagan at pagigiit ng mga human rights defender, manggagawang pangkaularan, environmental advocate, indigenous peoples rights advocate at iba pang aktibista at mamamayan na panahon na para itigil ang red-tagging at terrorist-tagging na lumalabag sa mga batayang karapatan at kalayaan.
“Ipinakita natin sa ating kolektibong lakas [na] kaya nating magsulong ng pagbabago. Ngunit panandalian lang ang tagumpay na ito habang nagpapatuloy ang mga atake at paglabag sa mga karapatan ng mamamayan,” sabi ni Forro.
Ayon naman kay Taule, nakahandang tumugon ang mga grupo kagaya ng Karapatan sa anumang maaaring mangyari sa hinaharap kaugnay ng mga kaso sa red-tagging, terrorist-tagging at iba pang porma ng paglabag sa mga karapatan ng mamamayan.