Mumunting taas kamao
Cool pala ang mga magulang ko dahil hindi tipikal ang trabaho nila.

Anak ako ng aktibista.
Hindi ako nag-aral sa tipikal na daycare center tulad ng ibang bata. Sa pinasukan kong daycare, bukod sa tuturuan kang sumulat, bumasa, makipaghalubilo, maging independent at makipagkapwa-tao, ipapaliwanag rin ang trabaho ng mga magulang mo, pati na rin ang kalagayan ng ating lipunan.
Mga kanta ang naging daan upang ipaunawa sa aming mga bata ang mga isyung panlipunan. Sa kantang “Bahay Namin,” binanggit ang krisis sa edukasyon, mataas na presyo ng bilihin, mababang pasahod at pangambang mapaalis sa lugar na tinitirhan. Ito ang naging simula ng pagkamulat ko na siyang humubog sa aking prinsipyo at mga paniniwala.
Hindi ako pamilyar sa mga mall o mga pasyalan tulad ng ibang bata. Sa lansangan tuwing may rally kasama sila Mama, nakakasalamuha ko ang iba’t ibang marhinadong grupo at napakinggan ko ang kanilang mga karanasan at panawagan sa gobyerno.
Lalo pang nahubog ang kaalaman ko sa mga workshop na dinaluhan ko kasama ang ibang mga bata mula sa iba’t ibang sektor at lugar, nagsulat, gumuhit, umarte at naglaro kami. Ang ilan sa kanila, imbis na kuwento tungkol sa kanilang pagkabata na naglalaro at nag-aaral lang, naibahagi rin nila ang dinanas ng karahasan sa lugar na tinatawag nilang tahanan. Mas lumalim ang pag-unawa ko sa kung papaano nakaaapekto ang kalagayang panlipunan sa aming mga bata.
Hindi gabi-gabi umuuwi ang mga magulang ko. Minsan kinakailangan nila ng mahabang panahon sa mga lugar na kanilang pinupuntahan. Minsan wala sila sa mga mahahalagang araw o minsan gusto mong kasama lang sila. Bagaman may lungkot, naiintindihan ko naman bakit wala sila. Pagbalik nila, may baon silang mga kuwento na halong saya, lungkot at pag-asa.
Kaya noong high school ako, pakiramdam ko iba ako sa mga kaklase ko. Hindi alam ng mga magulang nila ‘yong alam ng mga magulang ko. “Ang cool pala ng mga magulang ko,” dahil hindi tipikal na trabaho ang mayroon sila.
Tuwing tinatanong ako kung anong trabaho ng mga magulang ko, hindi ko alam kung anong dapat sabihin o paano ipaliliwanag para mapaintindi sa kanila. Ang kadalasan kong sagot, sa NGO (non-government organization) sila, o ‘di kaya psychologist ang Mama ko at agriculturist ang trabaho ng Dada ko.
Hindi rin kami isang “tipikal na pamilya.” Madalas may family meeting kami para sa diskusyon, deliberasyon at desisyon para sa mga usaping pang pamilya. May laya kaming magpahayag, may laya ring magdesisyon pero may kaakibat na responsibilidad.
Hindi si Jose Rizal ang unang bayaning nakilala ko—mga manggagawa, mga magsasaka, mga mangingisda at mga karaniwang tao sa mga komunidad. Sila ang Andres Bonifacio ng kasalukuyang panahon na buong lakas at tapang na nakikibaka na siyang inspirasyon upang ipagpatuloy ang nasimulan ng mga dating nang lumaban para sa ating kasarinlan.
Sa nagpapatuloy ang kagutuman, kahirapan at panunupil, ramdam kong napapagod din sila, kaya hihinga lang ng saglit, at bago mo pa malaman, muli mo na silang makikita sa mga komunidad, pagawaan at sakahan. Higit sa lahat, sa lansangan.
Alam kong hindi naging at magiging madali ang mga pinagdaanan at pagdadaanan nila, may mga batas ang gobyerno na nagpapaliit ng espasyo para sa pagpapahayag at paglaban ng mga kagaya nilang aktibista. Pero nariyan, nakatindig pa rin sila.
Musmos man ang isipan, iminulat na ang kamalayan sa mga pang-aapi at pang-aabuso ng mga makapangyarihan sa mga naghihirap at nangangailangan. Mataas man ang kanilang posisyon sa lipunan, iilan lang sila kumpara sa mas nakararaming mamamayan na naghahangad ng lipunang may pagkakapantay-pantay.