Natural, hindi fake: Pagpreserba ng bulaklak
Imbis na itapon, may mga puwedeng paraan sa pagpreserba ng bulaklak.

Nagdaan ang mga ilang okasyon sa ating buhay, Valentine’s Day, Graduation Day, Mother’s Day at ngayong Mayo naman, Flores de Mayo.
Sa mga ganitong panahon, inaasahan na hindi mawawala ang mga sariwang bulaklak, panregalo man ito sa mga espesyal na tao sa ating buhay, pangdekorasyon sa mga karosa sa prusisyon o pang-alay sa mga simbahan.
Pero kung matapos na ito, ano pa nga ba puwedeng gawin sa mga bulaklak na ito? Imbis na itapon, may mga puwedeng paraan sa pagpreserba ng bulaklak.
Paano pa nga ito mas tatagal at maaari pa ring magamit at mabigyan ng panibagong pagtingin sa ganda ‘pag ito’y lanta at tuyo na. Mapapanatili pa nito ang aesthetic at sentimental value nito.
Narito ang mga ilang paraan paano mapepreserba ang ganda ng bulaklak na hindi kinakailangan gumastos.
Pressing
Iipit sa loob ng mabigat na libro o gamit ang flower press na may papel sa magkabilang panig. Siguraduhin na maipit ito maigi upang makamit ang flat na itsura ng bulaklak. Maaaring gumamit ng mga petal-type na bulaklak katulad ng daisy at rosas. Patuuin ito habang nakaipit sa loob ng isa hanggang dalawang linggo.
Natural air drying
Pumili ng sariwa at matitibay na bulaklak. Mas mainam kung bahagyang namumukadkad pa lang. Alisin ang labis na dahon at putulin ang sobrang tangkay. Pagkatapos, itali ang tatlo hanggang limang bulaklak sa isang kumpol gamit ang sinulid o goma. Isabit ito nang patiwarik sa isang tuyo at maaliwalas na lugar tulad ng imbakan o sulok ng silid na malayo sa direktang sikat ng araw upang mapanatili ang natural nitong kulay.
Hayaan itong matuyo sa loob ng isa hanggang tatlong linggo, depende sa kapal ng bulaklak. Kapag tuyo at magaan na sa pakiramdam, maaari na itong gamitin bilang palamuti, souvenir o dekorasyon sa scrapbook. Para mas tumagal at hindi agad malagas ang mga talulot, maaaring ispreyan ng clear hairspray o flower sealant.

Hindi lang bulaklak ang maaaring mapareserba sa mga ganitong paraan, maaari din ang ibang halaman at dahon.
Sa mga ganitong paraan, makikita ang rustic charm at mas malalim na kahulugan ng bulaklak, lalo na kung personal na pinili o inipon. Napapalalim din ng koneksiyon sa kalikasan.