Muni at Suri

Palakasin ang GE

Sa mga kurso sa General Education napapalalim ang holistikong pag-unawa sa ating identidad, pamayanan, bayan at daigdig. Hindi patas na sabihing nagagawa na ito sa basic education.

Nitong nagdaang linggo, lumitaw sa pandinig ng House Committee on Basic Education ang isang ulat mula sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) hinggil sa pagiging “GE-heavy” [maraming General Education subjects ng mga programa sa kolehiyo sa Pilipinas kung ihahambing sa ilang mga bansa sa ASEAN, Australia at Europa. 

Sa mahigit isang dekadang pagtuturo sa kolehiyo, pamilyar na ako sa mga patutsadang kaakibat ng kasalukuyang pagpapatupad ng GE sa antas tersyarya. Masyado raw mabigat at “feeling major” ang mga kursong GE. Hindi naman daw kinakailangan ito sa trabaho. Naituro naman na raw ang mga paksang saklaw nito sa antas ng basic education.

Ang anti-GE na retorika ay bahagi ng espesyalistang tuon ng mga HEI na kumikiling sa pagluluwal ng mga graduates na magiging masunurin sa dikta ng industriya at merkado. Madalas nakapadron ang pananaw na ito sa wika ng pragmatismong kurikular—na congested na ang mga kurso, na puwedeng paikliin ang mga degree program sa kolehiyo, na distraction para sa mga estudyante ang mga non-major na kahingian.

Ngunit maraming ipinagkakait sa mga estudyante ang ganitong pragmatismo. Sa mga kurso sa GE napapalalim ang holistikong pag-unawa sa ating identidad, pamayanan, bayan at daigdig. Hindi patas na sabihing nagagawa na ito sa basic education; ibang-iba ang antas at lalim ng mga kaalamang inihahain ng GE sa kolehiyo sa mga kurikular na layuning ipinakikilala sa elementarya o sekundarya.

Sa mga kurso sa GE, natuturol ng mga mag-aaral ang mga mahahalagang usaping labas sa kanilang mga disiplina at espesyalisasyon. Sa GE, tinutulungang ipaunawa sa mga estudyante ng siyensya at pag-iinhinyero ang impact ng mga teknolohiya sa mga komunidad. Sa GE, naipakikilala sa mga taga-humanidades ang ugnayan ng kalikasan, agham at kultura. Sa GE, nagkikita-kita ang mga siyentista, sosyolohista, pilosopo at artista upang maunawaan ang halaga ng kanya-kanyang praktika at espesyalisasyon sa pagbuo ng mas patas na lipunan.

Kunsabagay, hindi yata kailangan ng mga industriya ng mga graduate na may holistikong pag-unawa sa mundo. Naipaskil ko tuloy bilang facebook post na ang pananaw na pabigat ang GE ay kaakibat ng pananaw na ang daigdig—o ang unibersidad mismo–ay pabrika ng mga walang kaluluwang commodity. 

Hindi itinatatwa na marami pa tayong puwedeng paunlarin sa usapin ng GE—halimbawa, sa bisa ng pagtuturo ng kaguruan, sa kalidad ng mga paksa, maging sa implementasyon sa level ng teaching load. Hindi matutugunan ang mga isyung ito ng pagbabawas ng GE na nakabatay sa hungkag na pag-ayon sa mga pamantayang dayuhan. 

Sa ngayon, hinaharap natin ang mga hamon ng AI, fake news, pambabaluktot ng kasaysayan, malawakang development aggression, at climate crisis. Dito ay mas nakikita natin ang halaga ng holistikong pag-unawa sa pagtatalaban ng siyensya, humanidades, agham panlipunan, etika at iba pang disiplina upang maunawaan at baguhin ang daigdig. Dito ay tumitingkad ang pangangailangang palakasin ang GE.