Pag-veto sa NPU Bill, tagumpay ng protesta ng mga estudyante ng PUP


Patuloy na naninindigan ang mga mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines sa pagtutol sa anumang porma ng pagsasabribado at komersyalisasyon ng pamantasan.

Tagumpay ang tuloy-tuloy na protesta ng mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) laban sa National Polytechnic University (NPU) Bill nang i-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa press briefing, kinumpirma ni tagapagsalita ng Palasyo na si Undersecretary Claire Castro na vetoed na ang NPU Bill. Sinasabing kinakailangan pa raw ng panibagong assessment dahil taong 2016 pa ang direktiba nito.

Ayon naman kay Kabataan Partylist Rep. Renee Co, “Sa katunayan, ang NPU ay Neglect and Privatization of Universities Bill. Tinutulak nito ang PUP sa ilalim ng fiscal autonomy na makipagnegosyo at maningil ng bayarin para kumita, masagasaan man ang kapakanan ng komunidad at estudyante, para pagtakpan ang deka-dekadang pagkakait ng sapat na pondo ng gobyerno.” 

Sa nilabas na pahayag ng administrasyon ng PUP, dismayado ang unibersidad sa naging desisyon ng pangulo. Sinabi ng paaralan na ang pag-veto sa bill ay hindi pagtanggap sa panawagang mapalawak ang maaabutan ng kalidad, inklusibo at mataas na kalidad ng edukasyon.

Dagdag pa rito, ang pag-veto rin anila’y nangangahulugang walang paninindigan ang estado sa kalidad ng edukasyon. Ang desisyong ito’y hindi umano kumilala sa daang taong paghuhulma ng mahuhusay na mag-aaral ng PUP.

Pero naninindigan ang mga mag-aaral ng PUP na tinututulan nila ang anumang porma ng pagsasabribado at komersyalisasyon ng pamantasan na hindi naman sinasagot ang mga pangangailangan ng unibersidad tulad ng mas mataas na badyet.

Sa pahayag ni PUP Student Regent Troy Cabangon, “Ito ay isang malaking tagumpay ng kolektibong aksiyon ng mga iskolar ng bayan. Kinikilala natin itong desisyon, pero dapat manatili tayong alisto.”

Sabi pa ni Cabangon, dapat matiling para sa publiko at para sa mamamayan ang PUP. Dapat aniyang tutulan ang lahat ng porma ng pribatisasyon at komersiyalisasyon ng pampublikong edukasyon.

Dagdag pa rito, panawagan din ng mga estudyante na patuloy nang ibasura ang NPU Bill kung sakaling maipapasa muli ito sa Ika-20 Kongreso.

“Tuloy ang laban para sa pagbibigay ng 100% na pondo sa PUP,” ani Cabangon.