Pagbawas ng bike lane sa Commonwealth, kinondena  


Tutol ang grupong CycleSavers sa plano ng Metro Manila Development Authority na pagbabawas ng bike lane sa Commonwealth Avenue sa Quezon City para umano masolusyonan ang mabigat na trapiko.

Mariing tinutulan ng mga siklista at road safety advocate ang plano ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na hatiin ang bike lane sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Pinangunahan ng CycleSavers, isang organisasyon ng mga siklista at mekaniko, ang 22 kilometrong “Buhay ang Bike Lane: Commonwealth Loop” protest ride nitong Hun. 5 para itampok ang kahalagahan ng bike lane at pagbibisikleta bilang transportasyon sa pang-araw-araw, lalong-lalo na sa mga komyuter.

Nakalaan ang karamihan sa walong lane ng Commonwealth Avenue para sa mga kotse at iba pang sasakyang de gasolina habang isang lane lang ang para sa mga bisikleta. Ayon sa MMDA, maaari umanong maging solusyon sa trapik dito ang pagtatapyas sa limang metrong bike lane para bigyang espasyo ang mga motorista.

“Parang pinagkakaitan nila ng karapatan iyong mga manggagawa saka ‘yong mga daily [user] na gumamit ng bike lane. Dapat magbawas na lang ng lane ng kotse,” ani Jasper Abunyawan, organisador sa CycleSavers.

Ayon kay Abunyawan, dalawa ang mensaheng ng Buhay ang Bike Lane: búhay (life) ng mga gumagamit ng bike lane para makarating sa kanilang kabuhayan at buháy (active) ang paggamit ng bike lane.

“‘Pag nakita natin kung gaano na katrapik ngayon tapos tumataas [ang presyo ng] gasolina, ito ‘yong pinakapraktikal kasi na mode of transportation natin,” ayon kay Coi Castillo, isa sa mga nakilahok.

Nanawagan din ng hustisya ang mga lumahok sa pagtitipon para sa kamakailang nasawing siklista na pauwi mula sa trabaho sa Pasig City.

“Naka-helmet naman siya, may ilaw naman siya, nasa loob siya ng bike lane. Maging mindful tayo sa kalsada,” sabi ni Abunyawan.

Bagaman malaking bagay ang pagkakaroon ng protected bike lane sa Commonwealth Avenue, hindi pa rin ligtas ang mga siklista sa kalsada. Isinaad ng CycleSavers na kaliwa’t kanan ang bantang hinarap ng mga siklista sa naganap na protest ride, mapakotse man o pedestrian.

Para sa karamihan ng mga siklista, isa sa mga dahilan ng kanilang pagbisikleta ang putol-putol at magulong sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa. Panawagan nila sa gobyerno na pahalagahan ang agarang pagtutok sa mga problema sa ligtas na transportasyon.

Ayon kay Abunyawan, marami pang bike lane ang nanganganib matanggal katulad ng sa EDSA. Ngunit hindi lang naman simpleng usapin ng bike lane ang punto ng protesta, kundi usapin tungkol sa pangkalahatang kaligtasan sa kalsada.

“Kung tutuusin, mas maraming komyuter kaysa sa mga gumagamit ng private cars. I-prioritize natin ang kaligtasan at ikagiginhawa ng karamihan,” aniya.