Kuwentong Kabataan

Apat na talampakan


Nakaalis na’t lahat ang mga bagyo, may tubig pa rin sa daanan namin. Gabaywang naman sa ibang barangay na mabababa ang lupa.

Mas nauna pa kami matuto mag-akyat ng gamit, kaysa matutuhan kung ano ang sanhi ng baha.

Hindi naman na kasi bago sa amin ang pagbaha. May kalendaryo kami na ginagamit para tignan kung gaano kataas ang high tide. Sa mga normal na araw o linggo, hindi lalagpas sa 1ft. ang tubig sa ilog. Kung panahon naman ng tag-ulan, kaya pang tiisin ang 3 ft.

Noong bata ako, katulong namin ang mga pinsan ko magtaas ng mga aparador at isang malaking divider na pinaglalagyan ng TV kapag sumasampa ang tubig nang mahigit sa 4 ft. Mag-aabang na rin ng mga sako na may lamang buhangin para ipangsangga sa papataas na tubig sa harap ng pintuan namin.

Masuwerte pa nga kami sa lugar namin kahit papano. Hindi gaano kataasan ang tubig sa amin kahit lagpas 4 ft. na ang tala sa high tide. Sa mga mabababang lugar sa Hagonoy, Bulacan tulad ng Mercado, ang 4 ft., para sa kanila, ay nangangahulugan na aabot sa dibdib ang baha.

Iniisip ko noon, normal lang ang pagbaha, napalilibutan kasi kami ng mga sapa at palaisdaan. Kaya tuwing may malakihang baha, maraming ang nagtitinda ng mga bangus. Kung minsan, mayroon ding mga alimango na nakakalabas sa mga palaisdaan. 

Ngayong nasa pangatlong taon ko na sa kolehiyo, binabaha pa rin naman ang Hagonoy. 

Nitong mga nakaraang linggo nang nanalasa ang mga Bagyong Crising, Dante at Emong, inabot ulit ang bahay namin. Ang high tide naglalaro lang sa 4ft. 3 in. hanggang 4 ft. 9 in. pero parang 6 ft. bersiyon ng 2012 ang asta kung maminsala sa bayan ng Hagonoy.

Nakaalis na’t lahat ang mga bagyo, may tubig pa rin sa daanan namin. Gabaywang naman sa ibang barangay na mabababa ang lupa. Kalakhan pa rin ng bayan ng Hagonoy ang nakikipagbuno pa rin sa pinsala ng mga nagdaang bagyo at habagat.

May inflation nga rin ata ang high tide. Ang dating 3 ft. na pagtaas nang tubig, halos 4 ft. na ngayon.

Hindi rin naman kasi maitatanggi na ang mas malalang pagbaha dito sa Hagonoy ay dahil sa mga proyektong reklamasyon tulad ng New Manila International Airport ng San Miguel Corporation sa Bulakan, Bulacan at sa paligid ng Manila Bay. Ang mga dating hindi binabaha tulad ng Paombong at Malolos, madalas na ring binabaha. 

Ngayong nasa kolehiyo na ako, malinaw na rin sa akin na hindi lang kalikasan ang kalaban ng mga naninirahan sa bayang malapit sa mga anyong tubig. Mas matinding delubyo ang hatid mga kompanya at korporasyon na nagtatago sa salitang “kaunlaran.”

Para sa akin, nabigyan na ng anyo at porma ang sanhi ng malalang pagbaha sa bansa, hindi lang partikular sa aming lugar. Kahugis nito ang malawak na paliparan sa Bulakan, Bulacan. Kawangis nito ang kalbong mga kalbong kabundukan sa bansa.