Katutubo ng Palawan, tagumpay sa pagpapaalis ng ‘blue guards’
Ayon sa residenteng si Angelica Nasiron, nabawasan ang kaguluhan at tensiyon sa isla nang umalis ang mga “blue guard.” Umaasa siya na manatili ang kapayapaan sa lugar at makabalik sa kanilang pamumuhay.
Tuluyan nang napaalis ng mga katutubong Molbog, Palaw’an at Cagayanen ang mga guwardiya ng JMV Security Services matapos ang mahigit 397 araw nilang pagmamanman at okupasyon sa Sitio Marihangin sa Bugsuk Island sa Balabac, Palawan. Kinontrata ang JMV ng kompanyang Bricktree Properties Inc. na subsidyaryo sa ilalim ng San Miguel Corporation.
Balak pagtayuan ng kompanya ang 5,500 ektaryang lupain ng ecotourism project na Bugsuk Island Resort. Pumasok ang mga armadong guwardiya noong Hun. 29, 2024 sa pampang ng isla at nagpaputok na muntik nang tamaan ang dalawang batang katutubo.
Bumuo naman ng barikada ang mahigit 200 katutubo upang harangan ang mga guwardiya.
Mula noon, pansamantalang naninirahan sa pampang ng kanilang lupang ninuno ang mga katutubo ng Sitio Marihangin upang bantayan ang mga galaw ng mga guwardiya.
Nang mapaalis ang mga guwardiya, nagdiwang ang mga residente, akma sa kanilang tradisyon ng panalangin at pag-aalay sa sagradong puno sa kanilang isla.
Nanguna si Palawan 2nd District Rep. Jose Alvarez para mamagitan sa mga residente at JMV Security Agency.
Bumuo sila ng kasunduang nagsasabi na hindi na maaaring makabalik ang mga katutubong nakatanggap na ng pera mula sa mga “partikular na kampo” at hindi raw maaari manirahan sa isla ang ibang dayo hangga’t hindi pa naaayos sa korte ang titulo ng lupa.
“Sa ngayon po pakiramdam namin kahit [papaano] naging maayos ang kalagayan namin,” ani Angelica Nasiron, lider-kabataan at katutubong Molbog, sa isang panayam sa Pinoy Weekly.
Kuwento niya, nabawasan ang kaguluhan at tensiyon sa isla nang umalis ang mga “blue guard.” Umaasa si Nasiron na manatili ang kapayapaan sa lugar at makabalik ang komunidad na kanilang pamumuhay.
Dagdag ni Nasiron, bagaman labis ang kanilang pasasalamat kay Alvarez, itutuloy nila ang pagbabantay ng mga aplaya. Matindi pa rin aniya ang takot ng mga residente na muling pasukin ang isla kaya patuloy silang magbabantay hanggang magkaroon ng desisyon ang korte.
“Hindi po kami mapapagod na bantayan at protektahan ang aming lupang ninuno,” wika ni Nasiron.
Sa pahayag ng Sambilog-Balik Bugsuk Movement, hindi nagtagal ang kasiyahan ng mga katutubo sapagkat nagpadala ng 10 tauhan ang kampo ni Alvarez nang walang paunang sabi nitong Ago. 1. Apat sa kanila ang mananatili sa isla upang siguraduhin raw na hindi daw babalik ang mga taga-JMV.
Iginiit ng grupo na direktang nilalabag nito ang kasunduan na pumayag sa dalawang beses lang na pagbisita ng mga tauhan ni Alvarez upang obserbahan ang isla. Matapos makipagnegosasyon ang mga katutubo, napaalis din ang mga tauhan noong gabi ng parehong araw.
Ibinahagi rin ni Nasiron na nag-umpisa na ang pagdinig ng kasong cyberlibel laban sa kanya nitong Ago. 8. Isinampa ang kaso nitong Hulyo ni Balabac Municipal Indigenous People Mandatory Representative Ariel Monsarapa sa Puerto Princesa City Regional Trial Court Branch 52.
Umuugat ito sa pagbabanta ng mga ahente ng San Miguel Corporation na idedemanda ang mga residente kung hindi nila tatanggapin ang alok ng kompanya upang manirahan sa ibang isla.
Sinabi ni Nasiron na ang mga patong-patong na kaso na isinampa sa kanya at sa kanyang mga kasama ay gawa-gawa lang para patahimikin at gipitin ang mga residente.