Mas maraming inaresto sa Mendiola, nakakulong pa 


Sa ulat ng mga abogado at tanggol-karapatan nitong Set. 26, nasa 48 na menor de edad na ang pinalaya ng pulisya. Pero karamihan sa mga hinuli, ilegal pa ring nakapiit sa iba’t ibang presinto sa Maynila nang walang kaso.

Mahigit isang linggo na ang nakalilipas ngunit hindi pa rin pinapalaya ang karamihan sa mga ilegal na inaresto sa Mendiola na nagprotesta kontra-korupsiyon noong Set. 21. 

Sa ulat ng mga abogado at tanggol-karapatan, nasa 48 na menor de edad na ang pinalaya. Pero karamihan sa mga hinuli, ilegal pa ring nakapiit nang walang kaso.

Ayon kay Maria Sol Taule, deputy secretary general ng Karapatan at isa sa mga abogado ng mga inaresto, higit pa sa 216 ang bilang ng mga inaresto, taliwas sa datos na ibinigay sa kanila ng Manila Police District (MPD). 

“No’ng nag-ikot-ikot pa po ‘yong mga [abogado] sa iba’t ibang [police] station [sa Maynila] kasi hindi po lahat ay naka-detain sa MPD dahil hindi daw kaya ng facility nila. [Ikinalat] pa po nila ‘yong iba sa iba’t ibang [presinto]. Nakatisod pa po kami ng ibang pangalan na wala doon sa list na ibinigay ng MPD,” sabi ni Taule.   

Ibinahagi rin ni Taule na nahirapan ang mga abogado na makapasok sa mga presinto at kinondena nila ang pang-aabusong ginawa ng mga pulis.

Ani Taule, maximum violence ang ginawa ng mga ito, baliktad sa sinasabi nilang isinagawang maximum tolerance.

Ipinakita ni Maria Sol Taule, deputy secretary General ng Karapatan, ang mga sugat na tinamo ng mga inarestong nagprotesta mula sa mga pulis noong Set. 21. Karapatan/Facebook

Isa si Myra, nanay ni Edzel na isa sa mga inaresto, ang makapagsasabing dahas ang naging tugon ng mga pulis sa mga nagprotesta. Nakausap niya ang kanyang anak na nagsalaysay ng hirap na dinanas habang nasa kustodiya ng mga pulis. 

“Noong nag-inquest po sila, ‘yong iyak po talaga ng anak ko, hindi maganda. Ang sabi niya, ‘Ma, binugbog nila ako, ma. Sinaktan nila ako. Kinaladkad nila ko,’” sabi ni Myra. 

Dagdag pa niya, sinakluban din daw ng sako ang mukha ni Edzel at pagkatapos ay sinaktan at sinikmuraan. Dumating din ang puntong nawalan na ito ng malay at nagising na lang na sakay na ng ambulansya.

Sa kabila ng pagkakaroon ng maraming pasa at sugat, lumipas pa ang apat na araw bago sumailalim sa pagsusuring medikal si Edzel. Labis ang pag-aalala ni Myra sa anak dahil si ito ay person with disability. 

Imbis na agad isailalim sa pagsusuring medikal ang mga hinuli, nitong Set. 24 lang sila nakita ng doktor. Paniwala ni Myra, pinatagal ang proseso para hindi mapansin ang tindi ng mga sugat na natamo sa marahas na dispersal sa Mendiola.

Hindi rin nakaligtas sa pang-aabuso ang mga dumadaan lang sa lugar ng protesta.

Habang pauwi galing sa kanyang pinagtatrabahuhan sa Pasay, binaril ng mga pulis ang construction worker na si Erick Saber pagkababa niya sa Recto Avenue.

Pagdalaw ng abogadong si Neri Colmenares sa burol ni Erick Saber, isang manggagawang binaril ng pulisya sa Recto Avenue sa gitna ng marahas ng dispersal noong Set. 21. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Kinondena ng Karapatan ang pagpaslang kay Saber. Sa inilabas nilang pahayag, kinuwestiyon ng grupo kung bakit laging ang mga mahihirap ang pumapasan sa krisis habang ang mga politiko’t opisyal ay nagpapakasasa sa bilyong-bilyong ninakaw na pondo.

“Bakit kapag ang mga mahihirap ay lumaban, itinuturing silang kriminal?” pahayag ng Karapatan sa wikang Ingles.

Sinabi ni Baby, pamangkin ni Erick, na walang asawa at anak ang kaniyang tiyuhin kaya sa kanila ito umuuwi tuwing wala itong pasok sa trabaho. 

Nanawagan ang mga abogado at pamilya ng mga inaresto para sa agarang pagpapalaya sa mga nakakulong.

Anila, paglabag sa Article 125 ng Revised Penal Code ang patuloy na pagkakakulong sa mga hinuli nang higit sa 36 oras nang walang isinasampang kaso.

Sa kasalukuyan, naghihintay sila muling pagsasagawa ng inquest proceedings na nakatakdang ipagpatuloy sa Lunes, Set. 29.