Ang lente ng damdamin


Sa simpleng pagtingin sa isang black-and-white na larawan, maaaring huminto ang isip sa ingay at takbo ng modernong buhay.

Sa gitna ng mabilis at makulay na mundo, naghahanap ang mga mata ng katahimikan. Ang isip na naghahangad ng hinga sa mga pangyayari sa paligid, mga emosyon na ‘di mawari paano mabibigkas sa mga simpleng salita. May mga sandali sa buhay na mas sa larawan maisisigaw ang laman ng damdamin.

Sa umaga na makikita ang araw, sa simpleng pagbiyahe sakay sa pampublikong transportasyon papasok sa eskuwelahan o trabaho at masasaksihan sa bintana ang trapik o nagsisiksikan pasahero o kahit sa simpleng naka-upo sa isang coffee shop.

Lahat ng ito ay nag-iiwan ng marka sa damdamin at ito rin ang hinahabi sa sining ng naratibong poetikong gamit ang black-and-white photography. Sa paggamit ng black-and-white photography sa naratibong paraan, nagiging buhay ang emosyon at karanasan mula sa simpleng galaw ng tao sa lansangan hanggang sa mga tahimik na eksena ng kalikasan. Ang ganitong sining ay hindi lang nakikita, ito ay nararamdaman—isang tulay ng damdamin, alaala at inspirasyon. 

Sa bawat imahen ay tila may sariling hininga, may ritmo na sinusundan, unti-unting nilalantad ang mga damdaming madalas ay nananatiling tahimik sa ating mga salita. Ang ganitong uri ng sining ay hindi lang nakatuon sa visual na aspekto ng imahen, ito rin ay instrumento ng damdamin, kuwento at inspirasyon, nag-aanyaya sa tumitingin na tumigil, magmuni-muni, at damhin ang bawat detalye sa paligid.

Para mas maunawaan ito, narito ang ilang mga tips para makagawa ng ganitong sining.

Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Maghanap ng natural light sa umaga o hapon para sa mas malalambot at malalim na texture. Ang contrast ng liwanag at anino ang bumubuo sa dramatikong kuwento.

Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Maaring gumamit ng leading lines, framing o negative space para magbigay diin sa paksa. Ang bawat elemento sa frame ay parang salita sa isang tula na may kuwento at halaga.

Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Magmasid muna sa paligid at huwag magmadali sa pagpindot ng shutter button sa camera na gamit. Hayaan ang paksa o eksena na magkuwento. Ang mga natural na galaw ang kadalasang mas puno ng emosyon kaysa sa staged.

Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Sa bawat imahen na makikita ng mga mata, maiging isipin ang bawat elemento bilang simbolo. Halimbawa, ang mga natutuyong bulaklak ay nagpapaalala ng nakaraan na damdamin, mga bintana na may liwanag na nanggagaling sa labas ay nagbibigay ng pag-asa o ang pagpatak ng ulan na dumadampi sa bintana sasakyan habang bumabiyahe ay paglilinis o pagbibigay bigat sa damdamin.

Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Sa pag-edit ng retrato, huwag kalimutan panatilihin ang natural na binibigay ng paksa. I-adjust ng nararapat ang contrast at exposure na natatama lang sa gustong ipaabot na emosyon ng larawan.

Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Maaaring ipakita ang mga kuwento sa karapatang pantao, pangangalaga sa kalikasan o pakikibaka ng komunidad. Tandaan na ang lente at salita ay magkasabay na nagbibigay boses sa mga tinig na madalas hindi naririnig.


Sa simpleng pagtingin sa isang black-and-white na larawan, maaaring huminto ang isip sa ingay at takbo ng modernong buhay. Maaari rin na makapagpukaw ng alaala at makaugnay sa ipinakita ng larawan.

Sa kabuuan, ang black-and-white photography sa naratibong paraan ay higit pa sa sining ng imahen, ito’y paglalantad ng damdamin, pagpapahalaga sa pang-araw-araw, pagbibigay boses sa adbokasiya at paglikha ng sandali inspirasyon at kapayapaan.