Gabi ng pagyanig sa Cebu
“Nawala ang aming tahanan noong bagyo dalawang taon na ang nakakaraan,” sabi ng isang nakaligtas. “Ngayon, nawala na naman ang aming bahay. Hindi ko na alam kung hanggang kailan kami magtatagal.”
Sa ganap na 9:59 ng gabi noong Set. 30, malakas na yumanig ang lupa sa hilagang bahagi ng Cebu.
Isang lindol na may lakas na magnitude 6.9, na ang sentro ay 17 kilometro sa hilagang-silangan ng Bogo City ang nag-udyok sa libo-libong residente na tumakbo palabas ng kanilang mga tahanan sa kadiliman.
Sa loob lang ng ilang saglit, gumuho ang mga gusali, bumagsak ang mga pader at nabago ang anyo ng isa sa pinakahilagang siyudad sa Cebu.
Pagsikat ng araw, lumitaw ang malubhang pinsala ng trahedya. Ideneklarang 63 ang nasawi, daan-daan ang sugatan at marami ang pamilyang nawalan ng tirahan. Ayon sa paunang ulat, 30 ang patay sa Bogo, 12 sa Medellin, 20 sa San Remigio at isa sa Tabuelan.
Sentro ng sakuna sa Bogo City
Hinagupit nang labis ang Bogo City ng lindol. Nabiyak ang mga kongkretong kalsada, bumagsak ang mga poste ng kuryente at bahagyang nasira ang lokal na istasyon ng bumbero.
Ang mga ospital, na limitado na ang kapasidad, ay umabot na sa kanilang sukdulan. Ang mga pasyenteng may bali at sugat sa ulo ay inilipat sa mga paradahan kung saan ang mga doktor at nars ay nagbigay ng pangunang lunas sa ilalim ng mga floodlight.
Sa sentro ng Bogo City, wala na ang mga tindahan at establisimyento habang ang mga bahay ay nabagsakan ng mga pader at bubong. Maraming barangay ang walang kuryente at putol ang daloy ng tubig.
Para sa mga pamilyang nagsisimula pa lang muling bumangon mula sa mga bagyong dumaan, isa itong karagdagang dagok.
“Nawala ang aming tahanan noong bagyo dalawang taon na ang nakakaraan,”? sabi ng isang nakaligtas. “Ngayon, nawala na naman ang aming bahay. Hindi ko na alam kung hanggang kailan kami magtatagal.”
Dalamhati sa mga kalapit bayan
Hindi rin nakaligtas ang mga kalapit na bayan sa hilaga ng Cebu. Bandang alas-11 ng umaga, inirekord ng Department of Health ang 63 na nasawi, kabilang ang 30 sa Bogo City.
Sa Medellin, 12 residente ang namatay nang bumagsak ang kisame sa isang gymnasium sa barangay.
Sa San Remigio, iniulat ang 20 na nasawi, kabilang ang mga tauhan ng Coast Guard at isang bumbero na naipit nang bumagsak ang isang pasilidad.
Isang biktima rin ang naiulat sa Tabuelan, isang bayan sa tabing dagat, kung saan nagkaroon ng mga landslide na nagputol sa daan papunta sa mga maliit na barangay.
Sa Daanbantayan, napinsala ang makasaysayang Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima, isang paalala kung paano nilulupig ng sakuna hindi lang ang mga buhay kundi pati ang pamana ng bayan.
Pamahalaang panlalawigan, nasa krisis
Agad na nagdeklara ng state of calamity ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu, pinangunahan ni Gob. Pamela Baricuatro, para sa San Remigio at iba pang malubhang nasalanta.
Ang hakbang na ito ang nagbukas ng pondo para sa relief operation, pinabilis ang mga proseso sa procurement at nagbigay-daan sa mabilis na pagkilos ng mga ahensiya.
Agad na nagsimula ang operasyon ng Joint Operations Center kung saan pinag-ugnay ang mga inhinyero, health personnel at social worker. Ang mga inhinyero ng lalawigan ay naglibot upang mag-inspeksiyon sa mga pangunahing imprastruktura—mga kalsada, tulay at paaralan—habang ang Provincial Health Office nama’y nagpadala ng trauma teams at psychosocial support sa mga evacuee.
“Nasa full crisis mode kami,” ani Baricuatro. “Ang aming priyoridad ay mailigtas ang buhay, maibalik ang access sa mga lugar, at maibigay ang pansamantalang tirahan at pangangalaga sa mga nawalan.”
Nagmadaling pumunta sa hilaga
Dahil sa laki ng pinsala, dumami ang mga puwersa ng gobyerno at militar na tumulong. Mahigit 1,300 pulis ang ipinadala sa mga bayan ng Bogo City, Medellin at San Remigio upang magsagawa ng search and rescue, magpatupad ng kaayusan at siguraduhin ang kaligtasan ng mga convoy ng ayuda.
Nagdatingan din ang mga inhinyero ng militar na may mga mabibigat na kagamitan upang linisin ang debris, buksan ang mga harang na kalsada at patibayin ang mga tulay na kritikal sa linya ng suplay.
Ipinadala ng Philippine Coast Guard ng BRP Teresa Magbanua na may kasamang mga doktor, nars at kagamitan upang umalalay sa hilaga ng isla.
Sa kabila ng mga dagdag na puwersa, nahaharap ang mga rescuer sa panganib. Ang mga sumunod na aftershock ay nagpilit sa mga rescue team na umatras mula sa mga gumuho at hindi matibay na lugar.
Ang mga landslide sa mga barangay sa kabundukan ay nagpapahirap sa pag-access ng mga daan kaya mga helicopter at bangka na lang ang tanging paraan para makarating ang tulong sa ilang komunidad.
Pagpapakilos ng tulong sa Metro Cebu
Sa timog naman, ang Cebu City at Mandaue City ay nagsagawa ng mga hakbang pangkaligtasan, tulad ng pagsuspinde ng klase at mga hindi mahahalagang trabaho sa gobyerno habang isinasagawa ang structural inspection.
Nag-admit ang mga ospital sa Cebu City, kabilang ang Vicente Sotto Memorial Medical Center, ng maraming pasyenteng galing sa Bogo City at Medellin. Nagpadala rin ng mga trauma surgeon at orthopedic team patungong hilaga.
Nagawa ng Mandaue City na i-activate ang disaster risk reduction office, mga kawani ng social welfare at mga yunit ng kalusugan para ihanda ang mga evacuation center at mga programang psychosocial support.
Naging sentro rin ito ng logistics para sa mga relief pack at coordination ng mga convoy.
Mga buhay sa bingit
Sa buong hilagang Cebu, mga pamilya ang nananatili sa mga bukirin at gilid ng kalsada, takot na bumalik sa mga bahay na gumuho.
Napuno ang mga evacuation center ng mga bata, matatanda at nawalan ng tirahan. Ang mga community kitchen na madalas pinapagana ng mga volunteer ay patuloy na pinanggagalingan ng pagkain habang naghihintay ng tulong.
Sa Bogo City, isang ina ang mahigpit na nilalambing ang sugatang anak sa labas ng masikip na provincial hospital.
“Buong gabi na kaming narito,” aniya. “Kailangan lang namin ng gamot at tubig.”
Politika ng sakuna
Habang umaagapay ang mga emergency operation, muling lumabas ang mas malalim na diskurso tungkol sa pamamahala.
Sinasabi ng mga kritiko na ang katiwalian sa mga lokal na proyekto sa imprastruktura, mula sa substandard na materyales hanggang sa hindi masyadong binabantayang mga permit, ay nagpapahina sa kaligtasan ng mga komunidad sa harap ng sakuna.
Kasabay nito, ang paulit-ulit na pagbaha sa Metro Cebu, na dulot ng mahina na pagpapatupad ng zoning laws, ilegal na reklamasyon at baradong drainage, ay nagpapalala sa epekto ng mga natural na kalamidad.
Para sa mga residente, ang lindol ay higit pa sa isang natural na sakuna. Isa rin itong paghimok na harapin ang sistemikong mga pagkukulang na pinapabayaang tuluyang maging biktima ang mga karaniwang Cebuano.
Pagbangon sa gitna ng nasirang tiwala
Habang patuloy ang pag-akyat ng bilang ng mga nasawi at paghahanap sa mga nakaligtas, isang tanong ang bumabagabag: Muling bang babangon ang Cebu nang mas matatag o mauulit ang mga kahinaan?
Aabutin ng buwan, marahil taon, bago tuluyang maayos ang mga kalsada, tulay, tahanan at ospital. Ngunit hangga’t hindi tinutugunan ang mga totoong suliranin at walang seryosong pagtutok sa klima at kaligtasan, natatakot ang marami na mauulit ulit ang siklo ng kalamidad, ayuda at pagkawala.
Para sa mga pamilyan sa Bogo City at mga karatig lugar, ang pagbangon ay hindi lang tungkol sa pagtayo muli ng mga pader at bahay, kundi tungkol sa paghingi ng pananagutan, paggarantiya ng kaligtasan at paglaya sa pagkukulang na lalong nagpahirap sa trahedyang ito. /Salin ni Marc Lino J. Abila
*Unang inilathala sa wikang Ingles ng Kodao Productions noong Okt. 1, 2025.