Guro bilang manggagawang intelektuwal
Madalas ilugar ang mga guro bilang mga tradisyonal na intelektuwal: mga tagapasa lang ng impormasyon at walang kinalaman sa politika. Ngunit sa reyalidad ng kanilang paggawa, mas malapit sila sa uring manggagawa kaysa sa naghaharing uri.
Madalas ilarawan ang guro bilang isang marangal na propesyonal—may sakripisyo, may pasensiya, at lubos na iniaalay ang sarili sa paghubog ng isipan. Ngunit sa likod ng imaheng ito ng kabayanihan, may nakatagong kontradiksyon: ang guro ay manggagawa rin. Ipinagbibili niya ang kaniyang lakas-paggawa sa estado o sa mga pribadong institusyon kung saan sinusukat, sinusuri, at ginagantimpalaan ang kanilang “output.”
Ang mga ideyal ng bokasyon at paglilingkod—na madalas gamiting pangpurí sa propesyon—ang siyang nagkukubli sa materyal na katotohanan na ito. Ang guro ay hindi lang tagapagturo ng kaalaman, kundi isang manggagawang intelektuwal sa sistemang ginagawang kalakal ang pagkatuto.
Sa panahon ng kolonyalismo, ang edukasyon ay naging sandata ng imperyo. Inatasan ang mga guro na ipalaganap ang pananaw ng mananakop at sanayin ang mamamayan sa disiplina at pagkamasunurin. Nang ideklara ang “kalayaan” (sa patnubay pa rin ng imperyo), lumitaw ang bagong retorika—ang guro bilang “tagapagtatag ng bansa”—ngunit nanatili ang estruktura sa interes ng naghaharing uri.
Sa kasalukuyang panahon ng neoliberalismo, nakabalot ito sa wikang “kompetensiya,” “output,” at “pandaigdigang kahusayan.” Ang pagsasamantala ay nariyan pa rin, nakatago sa likod ng mga panukat at “performance indicators.”
Inilarawan ni Karl Marx ang alienadong paggawa bilang kalagayan kung saan ang manggagawa ay nahihiwalay sa bunga ng kanyang paggawa, sa mismong proseso ng paggawa, sa kaniyang pagkatao, at sa kanyang kapwa manggagawa.
Sa loob ng silid-aralan, lumilitaw ito sa mga banayad ngunit malaganap na anyo. Ang bunga—ang pagkatuto ng estudyante—ay inaangkin ng institusyon; nagiging datos, marka o “learning outcome.”
Ang akto ng pagtuturo ay itinatakda ng rubrics at administratibong pagmamanman. Maging ang ugnayang propesyonal sa kapwa guro ay nahahadlangan ng kompetisyon sa promosyon o sa ratings. Ang malikhaing gawa ng pagtuturo ay nauuwi sa nasusukat na pagtatanghal.
Ang silid-aralan ay hindi na lang espasyo ng pagtuturo kundi larangan ng pagninilay, diyalogo at pagbabagong panlipunan. At sa isang lipunang madalas pinapahina ang kakayahang mag-isip, ang simpleng pagkatutong iyon ay isa nang gawaing mapanghimagsik.
Lalong lumalalim ang kabalintunaan kapag inisip na ang pagtuturo mismo ay likas na gawaing intelektuwal. Sa ilalim ng relasyong kapitalista, ang kaalaman ay itinuturing na pribadong pag-aari, hindi panlipunang yaman.
Ang mga unibersidad ay ipinagmamalaki ang sarili bilang mga “sentro ng kaalaman” habang umaasa sa kontraktuwal na guro at hindi binabayarang overtime. Ang mga guro sa pampublikong paaralan naman ay pasan ang bigat ng bayan ngunit salat sa sahod at kondisyon na karapat-dapat sa kanilang tungkulin. Ang tinatawag na “bokasyon” ay nagiging palusot sa walang katapusang pagsasakripisyo.
Madalas ilugar ang mga guro bilang mga tradisyonal na intelektuwal: mga tagapasa lang ng impormasyon at walang kinalaman sa politika. Ngunit sa reyalidad ng kanilang paggawa, mas malapit sila sa uring manggagawa kaysa sa naghaharing uri. Ang kanilang pagka-alienado, kawalang katiyakan at pakikibaka para sa dangal ay mga pansariling suliranin, kundi mga kondisyong hinubog ng pampolitikang ekonomiya ng edukasyon.
Ang pagkilala sa guro bilang manggagawang intelektuwal ay magbubukas sa posibilidad ng pagbabagong tungkulin mula sa pagiging piyesa ng makina tungo sa pagiging kasangkot sa panlipunang pagbabago. Ang pagtuturo, samakatuwid, ay hindi nyutral na gawain kundi politikal—maaaring maging instrumento ng panunupil o daluyan ng paglaya.
Dahil dito, hindi ganap ang pagka-alienado ng guro. Taglay nila ang binhi ng kamulatan. Sa muling pag-angkin ng kanilang paggawa bilang intelektuwal, inaangkin din nila ang kakayahang mag-isip nang kritikal hinggil sa lipunan—at kumilos sa loob nito.
Ang silid-aralan ay hindi na lang espasyo ng pagtuturo kundi larangan ng pagninilay, diyalogo at pagbabagong panlipunan. At sa isang lipunang madalas pinapahina ang kakayahang mag-isip, ang simpleng pagkatutong iyon ay isa nang gawaing mapanghimagsik.
Ang tanong ay hindi kung nakikilahok ba ang guro sa politika, kundi kung kaninong panig siya nakatindig. Ang pagkiling sa inaapi ay ang paggawa sa silid-aralan bilang larangan ng paglaban; ang pananatiling walang kibo ay ang pagpapatuloy ng umiiral na pang-aapi.
Sa ganitong pagtanaw, ang guro ay hindi lang sagisag ng sakripisyo at paglilingkod, kundi larawan ng potensiyal na kapangyarihan—ang kapangyarihang magmulat, magtanong at makiisa sa mahabang pakikibaka para sa paglaya.