Blackboards

Kung paano ilibing ang rebolusyon


Ipinangako ng trailer ng “Lakambini” ang isang matapang na pelikula. Ipinakita si Gregoria de Jesus hindi lang bilang asawa ni Andres Bonifacio, kundi bilang rebolusyonaryong nag-armas laban sa kolonyalismo.

Nais ng “Lakambini” na buhayin ang isang rebolusyonaryo—sa halip, inembalsamo niya ito.

Ang matagal nang naantalang dokumentaryo, pinagbibidahan nina Lovi Poe at Gina Pareño bilang Gregoria de Jesus, ay dumating matapos ang isang dekadang pagkaantala—at ngayo’y tila isang artipak: makinis, magalang, ngunit kakatwang walang pulso.

Ginawa ito para sa ika-150 kaarawan ng rebolusyonaryo—isang dekada sa paglikha, ayon sa mga tagapagtaguyod, at halos ganoon din katagal bago natagpuan ang layunin nito.

Ipinangako ng trailer ang isang matapang na pelikula. Ipinakita si Oryang hindi lang bilang asawa ni Andres Bonifacio, kundi bilang rebolusyonaryong nag-armas laban sa kolonyalismo.

Nang balaan siya ng mga kababaihan ng Katipunan—“Kung usisa lang ang nagdala sa iyo rito, umurong ka na”—tumugon siya nang mariin: “Hindi ako uurong.” Halos madama mo ang pelikulang nagtitipon ng tapang. Malinaw na ang Lakambining ito ay hindi mananatili sa anino ng mga lalaki. Ngunit nang magsimula ang pelikula, saka naman ito naduwag.

Hindi yata ito ang makabayang minsang nagkubli ng mga dokumento ng Katipunan, ni ang mandirigmang tumungo sa kabundukan. Tila ang mga pangyayari ay nagaganap sa kanya, sa paligid niya, at laban sa kanya.

Mula sa pagiging tagapaglikha ng kasaysayan, siya’y ginawang biktima nito. Binigyang-diin ang kaniyang dalamhati, ngunit hindi ang kanyang politika. Kinuha ng pelikula ang hilaw na materyal ng kanyang buhay at pinatag ito sa anyong diorama sa museo: maingat na inilawan, malungkot na isinalaysay at tinanggalan ng talas pampolitika.

Ipinapako ng mga “eksperto” ang pagkalumbay ni Oryang sa mga huling taon bilang likas na bunga ng pakikibaka—na wari bang ang kanyang dalamhati ay patunay ng kawalang-saysay ng paghimagsik. Maaaring tawagin itong malikhaing lisensiya, kung nanaisin mo, ngunit ito’y higit na kontra-rebolusyon kaysa pagiging malikhain.

Sapagkat ano nga ba talaga ang “nabigo” sa Rebolusyong Pilipino? Hindi ba’t ang burges na paksiyon ng Magdalo, sa pamumuno ni Emilio Aguinaldo, na nagtaksil sa masang Katipunan? Hindi ba’t ang huwad na kalayaang inilako ng mga Amerikano na sumira sa demokratiko at anti-imperyalistang ubod ng rebolusyon? Nasaan sa pelikula ang pagkilala na ang kabiguan ng rebolusyon ay hindi tadhana kundi kasaysayan—bunga ng pagtataksil ng umuusbong na naghaharing uri?

Ngunit tila allergic sa politika ang pelikula. Umiiwas ito sa ideya na si Gregoria de Jesus ay hindi lang balo, kundi isang kadre. Ginawang malambot na imahen ng dalamhati ang Lakambini, hindi isang mapagpasyang karakter ng kasaysayan.

Ipinagkaloob ng pelikula ang trahedyang bayani: marangal, nagdurusa, binusalan. Niluluwalhati ng pelikula ang pagtitiis niya habang inaagawan siya ng kapangyarihang rebolusyonaryo. Ang babaeng politikal ay ginawang simbolong apolitikal. Ang tinatawag nitong “pagpapakatao” ay, sa katotohanan, pagdepolitisa, ang liberal na pagbabalikwas ng pakikibaka tungo sa kalungkutan, ng paninindigan tungo sa pagsisisi.

Hindi natatangi sa “Lakambini” ang ganitong kalakaran. Mahaba na ang tradisyon ng pelikulang Pilipino inilalarawan ang rebolusyon bilang bagay na dapat iyakan, hindi ipagpatuloy. Ang militante ay laging “minumulto,” “napagod” o “nabasag.” Bihira nating makita siyang matagumpay.

Sa kabilang banda, ibinigay ni Gina Pareño sa matandang Oryang ang isang uri ng dignidad na hindi maibigay ng iskrip. Nanginginig sa pananalig ang kanyang tinig, kahit parang may pag-aalangan ang mga linya.

Maningning si Lovi Poe kahit tila nakakulong sa isang pelikulang hindi lubos na nagtitiwala sa kanyang kakayahang umarte nang lampas sa iskrip. Maingat ang sinematograpiya, halos may paggalang—sa sobrang paggalang, parang inihihimlay na nito ang paksa.

May sinseridad dito, bagaman hindi kayang iligtas ng sinseridad ang isang magulong politika.

Marahil nariyan ang kabalintunaan. Ang dekada ng produksiyon ng pelikula—ang mga napurnadang pagtatangka, ang mga kompromiso, ang walang katapusang paghihintay—ay sumasalamin sa kapalaran ng Rebolusyong 1896 mismo: naputol, naagaw at hindi pa tapos. Para bang itinadhana ng proyekto na ulitin ang pag-aatubiling nais nitong alalahanin.

Bumabalik sa akin ang matatag na tugon ni Oryang sa hamon ng rebolusyon: “Hindi ako uurong.” Isang linyang hindi natupad ng pelikula mismo. Sapagkat sa dulo, umurong ang Lakambini mula sa radikal na puso ng kanyang paksa. Ipinamalas nito ang isang babaeng hinubog ng sugat, hindi ng paninindigan.

Hindi elehiya ang kailangan ni Gregoria de Jesus, kundi isang sinemang may tapang tumindig at ipagpatuloy ang rebolusyong hindi pa natatapos na siya mismo ang tumulong pag-alabin.