Hinggil sa ‘tagumpay’ ng Frankfurt
Kung may inilantad ang Frankfurt Book Fair, ito ay ang delusyon ng mga manunulat hinggil sa Kadakilaan ng Panitikan na lumalampas sa anupamang historikal na karanasan at kalagayan.
Tagumpay ang pakikilahok sa Frankfurt Book Fair, ayon sa deklarasyon ng mga beteranong manunulat na sina Virgilio Almario at Jose Dalisay Jr. Ito ay sa kabila ng panawagan ng maraming manunulat sa loob at labas ng bansa na iboykot ito.
Para sa mga beteranong manunulat na ito, naipagmalaki ang panitikan ng bansa sa pandaigdigang plataporma. Nabuksan ang mga oportunidad sa kolaborasyon at network. Naipakilala ang mga akdang Pilipino sa mga dayuhang mambabasa.
Gayunpaman, sa laki ng halaga mula sa buwis ng sambayanan na ibinuhos para sa paglahok sa fair, hindi malinaw kung paano matutugunan ng isang magastos na panlabas na networking na event na ito ang krisis ng pagbabasa sa bansa.
Kaugnay nito, matingkad na usapin pa kung sapat ba ang ipinagmamalaking ganansiya sa partisipasyon dito upang mabigyan ng moral at etikal na katuwiran ang pagtanggi sa boykot.
Ngunit kung babalikan ang mga pahayag nina Almario at Dalisay, mababakas ang makitid na pag-unawa sa boykot. Sa pananaw ni Almario, itinulak ito ng “politika ng poot.” Para naman kay Dalisay, ngitngit ito ng mga “acerbic o self-righteous critic.”
Maaari naman sanang tumutol nang hindi nangmamaliit o nang-iinsulto. Mula sa mga pahayag na ito, tila walang pagkilala ang dalawang manunulat na ang boykot ay bahagi ng isang malawak na kampanyang masa ng kilusang BDS (Boycott, Divestment, Sanctions) at pakikipagtulungan ng iba’t ibang institusyon sa mundo ng palimbagan.
Kalabisan bang hanapin sa ating mga manunulat ang pagiging makatao—maging sa pamamagitan ng pinakaiingatan nilang instrumento, ang mga salita?
Ang sinasabing pambihirang pagkakataong ipakilala ang panitikang Pilipino sa buong mundo ay pambihirang pagkakataon ding makapag-ambag nang mas malakas sa pagtutol sa pang-aaping dinaranas ng mga Palestino.
Higit na mababakas pa sa pahayag ni Almario ang pangmamaliit hindi lang sa boykot kundi sa pangkalahatang pakikibakang Palestino.
Hinggil sa kanyang engkuwentro sa mga kababayang nakasama sa Frankfurt, nawika niya, “Hindi ko ipagpapalit sa estadong Palestinian ang ngiti nilang kasiyahan at pagmamalaki sa akin.”
Kung may inilantad ang Frankfurt Book Fair, ito ay ang delusyon ng mga manunulat hinggil sa Kadakilaan ng Panitikan na lumalampas sa anupamang historikal na karanasan at kalagayan. Ito’y ang pagkiling sa pantasya na maibilang sa Pandaigdigang Republika ng Letra at mapatunayan sa mga Europeo na, sa mismong salita ni Almario, ay “may sariling kultura at sining ang mga Filipino.”
Ito ay ang pagbibigay ng pangunahing pagpapahalaga sa panitikan na tila ba walang nagaganap na henosidyo at pagbubura ng mga bayan.
Sa pinakamapanganib, ito ay ang lubusang pagyakap ng umano’y mga kinatawan ng Panitikan sa kanilang sariling interes at damdamin nang walang pagsasaalang-alang sa iba pang mas mabigat na konsiderasyon, gaya ng mga krimen sa giyera, apartheid o henosidyo.
Ngunit ano ang halaga ng panitikan kundi bilang teknolohiya ng pagpapakatao?
Sa gayon, kalabisan bang hanapin sa ating mga manunulat ang pagiging makatao—maging sa pamamagitan ng pinakaiingatan nilang instrumento, ang mga salita?
Walang duda, sa ibang isyung pampulitika at sa iba nilang sulatin, ipinakita nila ito, pero napakahalagang usapin ng Palestina, na “moral litmus test for the world” sa mga salita ng Amerikanong aktibistang si Angela Y. Davis.*
At kung babasahin natin ang mga pahayag nina Dalisay at Almario, nasaan ito?
*Pasasalamat kay Teo Marasigan para sa siping ito at mga puna sa artikulong ito