Pagtatahi ng alaala at imahinasyon


Sa pagsama ng dalawang anyo ay lumilikha ng sining na hindi lamang nakikita, kundi higit na nararamdaman.

Ngayong nariyan na ang digital world, mabilis na ang lahat at mas madali na kumuha ng retrato sa pamamagitan ng cellphone at mga digital na kamera. Mas madali na ang pagpreserba ng mga alaala.

Madali na rin ang dokumentasyon ng kagandahan ng paligid, mga selebrasyon na nagsasama-sama ang pamilya at magkaibigan. At sa dulo nito, madali na i-save sa ating mga computer at maari ilagay sa mga social media ang mga retrato.

Pero iba pa rin ang may naka-imprentang retrato colored man o black and white—mas nababalik nito ang alaala ng mga pangyayari. May ibang ganda ang mga retrato lalo kung ito ay nahahawakan at naipapakita sa iba. 

Dagdag rin sa ganda nito kung tatahian ng iba’t ibang disenyo. Ang paggamit ng photo embroidery o proseso ng pagtatahi o pagbuburda gamit ang makukulay na sinulid at karayom sa ibabaw ng naka-print na retrato. 

Ito ang dalawang anyo ng sining na nagbibigay ng ibang perspektibo sa isang retrato. Kung ang photography ay kilala bilang paghawak sa sandali, memorya o dokumentasyon, ang embroidery naman ay simbolo ng tiyaga, pasensya, personal na paglalapat ng kamay at malikhaing interpretasyon. Kapag nagsama, lumilikha ito ng diyalogo: ang mekanikal na imahe laban sa organikong marka ng sinulid.

Ang isang retrato—madalas kupas, minsan simpleng portrait—ay nagiging canvas ng bagong imahinasyon. Ang sinulid ay nagiging tanda ng damdamin: bulaklak na sumisibol, linyang sugat na tinatahi, o abstraktong hugis na tila musika ng alaala. Sa ganitong proseso, ang retrato ay hindi na lang nakapirming sandali kundi isang tuloy-tuloy na pag-uusap sa pagitan ng nakaraan at kasalukuyan.

Sa photo embroidery nagbibigay din ito ng ibang dimensyon sa isang retrato. Ang pagbuburda ay nagiging dagdag na kwento na minsan pumupuno ng detalye o minsan naman sinasadyang mag-iwan ng hiwaga.

  1. Una, kailangang pumili ng retratong may potensyal na maging canvas. Mas mainam kung ito ay black and white o minimal na imahe.  Kadalasan, mas simple ang mas mabisa. 
  2. Sunod, kailangan ito i-print sa mas matibay na photo paper o tela upang kayanin ang karayom. 
  3. Maaring gumamit ng tracing paper at ipatong ito sa retrato at dito maari iguhit ang pattern na gustong itahi o iburda. Maaring gumuhit ng mga linya, mga iba’t ibang disenyo na maaaring makadagdag sa retrato. 
  4. Puwedeng iba’t ibang kulay ng sinulid ang gamitin,o kaya iisang kulay lang. Sundan lang ang pattern o mag-improvise habang nagtatahi. Doon magsisimula ang masinsinang pagtatahi: bawat tusok ay nagiging marka ng intensyon, bawat kulay ay simbolo ng emosyon.

Ang photo embroidery ay hindi lamang dekorasyon. Sa bawat mabagal na tusok ng karayom sa retrato, tila isinasalin ang sariling emosyon, pasensya, at alaala. Ang mismong proseso ay nagiging ritwal ng pagninilay—isang tahimik na pag-uusap sa sarili. Ang mga butas na iniwan ng karayom, ang mga hiblang nakalitaw, at ang tekstura ay nagsisilbing tala ng damdamin. Minsan masalimuot, minsan payapa.

Sa pagsama ng dalawang anyo ay lumilikha ng sining na hindi lamang nakikita, kundi higit na nararamdaman.

At sa huli, ang photo embroidery ay hindi lang basta pagsasanib ng dalawang medium. Isa itong paraan ng pagbuhay muli ng alaala—kung saan ang lumang retrato ay nagiging sariwa, hindi dahil sa pagbabalik sa nakaraan, kundi dahil sa bagong pananaw na idinagdag ng sining ng burda.