Pambabarat ng Wyeth Phils, Kowloon House, iprinotesta ng manggagawa


Nagkilos-protesta ang mga obrero ng Wyeth Philippines sa Cabuyao City, Laguna at Kowloon House sa Quezon City dahil sa pambabarat ng kani-kanilang manedsment sa makatarungnang umento sa sahod.

Muling nagprotesta ang Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU) sa harap ng planta ng Wyeth Philippines sa Cabuyao City, Laguna nitong Okt. 24 para kondenahin ang patuloy na pagtanggi ng pamunuan ng kompanya na ibigay ang panawagan nilang makatarungang sahod at regularisasyon sa halos apat na buwan nang negosasyon sa collective bargaining agreement (CBA).

Hindi nagkasundo ang management ng Wyeth at WPPWU sa ginawang negosasyon para sa ika-16 CBA noong Okt. 21. Ito’y kahit pumayag na ang unyon na ibaba sa P10,000 mula sa unang hiling ng mga manggagawa na P15,000 na dagdag-sahod para sa tatlong taon. Naninindigan ang pamunuan ng Wyeth sa package proposal nito na P4,500 at retained benefits.

“Sobra-sobra pa ang kakayahan ng kompanya na ibigay ang kahilingang dagdag sahod,” ani Debie Faigmani, tagapangulo ng WPPWU.

Maliit lang aniya ang hinihiling ng mga manggagawa. Batay sa financial statement ng kompanya mula sa Securities and Exchange Commission, P19 bilyon ang kabuuang kinita ng Wyeth-Nestlé noong 2024. Ang hinihingi naman ng mga manggagawa ay aabot lang sa P1,320,000 para sa 132 miyembro ng unyon, na aniya’y katumbas lang ng 0.069% ng kinita ng kompanya.

“Kumita ang kompanya ng [P19 bilyon] noong 2024 mula sa pagtatrabaho ng manggagawa. Doon humihingi ang manggagawa ng kabahagi para sa pinagtrabahuhan nila. Malaking bagay din na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, dapat ‘yong sahod ay tumataas din,” ani Faigmani.

Paulit-ulit tinawag na “buraot” ng unyon ang pamunuan ng Wyeth Philippines.

“Hindi naman kami hihingi kung ‘di namin na-compute kung paano kunin ‘yong sweldo o ‘yong increase na dapat makuha namin. Every three years lang naman kami humihingi ng umento sa sahod,” sabi ni Ulysses Capole, miyembro ng unyon.

Mariin ding kinondena ng unyon ang inanunsyo ng Nestlé, mother company ng Wyeth Philippines, hinggil sa planong malawakang tanggalan ng 16,000 manggagawa nito sa buong mundo sa loob ng susunod na dalawang taon bilang bahagi umano ng “cost savings” at digital transformation ng kompanya.

Kasabay ng kanilang panawagan para sa makatarungang CBA, nakibahagi ang unyon sa Black Friday Protest upang kondenahin ang talamak na korupsiyon sa gobyerno.

Samantala, nagkasa din ng kilos-protesta ang Kowloon House West Chapter ng Genuine Labor Organization of Workers in Hotel, Restaurant, and Allied Industries-Kilusang Mayo Uno (Glowhrain-KMU) noong Okt. 23 sa harap ng Kowloon House West sa West Avenue, Quezon City upang kondenahin ang pagwawalang-bahala ng pamunuan ng restawran sa mga karapatan at kasunduang nakasaad sa kanilang CBA.

Ayon sa mga manggagawa, hindi pa ibinibigay ng manedsment ng Kowloon House ang dagdag-sahod na itinakda ng Wage Order No. 23 mula pa 2022 hanggang sa Wage Order No. 26 ngayong taon, kahit nakasaad ito sa kanilang CBA.

Nangako naman ang unyon na magpapatuloy sila sa kanilang protesta hangga’t patuloy na tinatakasan ng management ang responsibilidad nito sa mga manggagawa.