Sining at paninindigan sa bawat ukit


Naniniwala ang Prints Para sa Bayan na ang printmaking ay higit pa sa sining kundi kasangkapan din sa pagbabagong panlipunan.

Siyentista, guro, artista at iba pa—ito ang mga indibidwal na bumubuo sa art collective na Prints Para sa Bayan, isang samahan na piniling gamitin ang medium ng printmaking upang ipakita ang kasalukuyang kalagayan at mga mithiin ng sambayanang Pilipino.

Naniniwala ang Prints Para sa Bayan na ang printmaking ay higit pa sa sining. Para sa kanila, ito’y kasangkapan para sa panlipunang pagbabago, isang anyo ng sining na dapat dumadaloy sa lansangan at komunidad: nakikita sa mga poster, nahahawakan sa mga placard at nararamdaman sa bawat obrang nagdadala ng tinig ng bayan.

Nagsimula ang grupo mula sa isang simpleng koneksiyon sa social media. Ayon kay Ina Palacio, isang artista at miyembro ng kolektibo, nag-post lang siya ng ilang gawa sa internet at doon nagsimula ang lahat. Sa ganitong paraan siya nakilala at nagkaroon ng ugnayan kina Jona Yang at Joyce Caubat, na kalauna’y naging katuwang niya sa pagbubuo ng Prints Para sa Bayan. 

Ngayon, binubuo ang art collective ng karamihang kababaihan at ilang kalalakihan, na lahat ay nagdadala ng kani-kanilang karanasan at pananaw sa pagpapaunlad ng kanilang kolektibong praktika sa printmaking.

Bagaman limitado ang kanilang kagamitan, rekurso at walang permanenteng studio, nakahanap sila ng paraan upang makapagpatuloy.

“Kung saan may available space doon kami magca-carve,” paliwanag ni Ina. Mula rito, nakakalikha sila ng mga obrang nagtatampok ng malalalim na isyung panlipunan—mula sa militarisasyon at imperyalistang pandarambong hanggang sa patuloy na paglubha ng korupsiyon.

Noong Set. 20, isang araw bago ang malaking anti-corruption protest sa Luneta, inilunsad ng grupo ang isang libreng printmaking workshop sa Library Una.

Amoy tinta ang maliit na silid at nakalatag sa mga mesa ang mga linoleum block at carving tools. Karamihan sa mga lumahok ay unang beses humawak ng pang-ukit, ngunit matapos ang ilang oras, nabuo nila ang makukulay at witty na placards na kanilang bitbit sa Luneta kinabukasan.

“Ang pinaka-fruit ng workshops namin, mula sa komunidad ang makikinabang. Issues nila ang maitatampok,” paliwanag ni Joyce, isang guro sa University of Sto. Tomas.

Bawat ukit sa linoleum, bawat hagod ng tinta at bawat imprinta sa papel ay bunga ng pawis at tiyaga, isang sining na literal na pinaghihirapan. Kapag ginagawa nang sama-sama, nagiging mas mabilis at mas abot-kaya ang proseso, at higit sa lahat, mas bukas para sa lahat.

Mahalaga rin para sa Prints Para sa Bayan ang pagbuwag sa konsepto ng awtoridad na nakatuon lang sa iisang artist. Dahil sa reproducibility ng printmaking, nagiging demokratiko ang sining: maaaring magpalitan ng ideya, mag-ambag ng lakas at sabay-sabay lumikha ng obrang may iisang mensahe. Sa ganitong proseso, nababasag ang ideya ng individual authorship. Sa halip, ang bawat gawa’y nagiging bunga ng maraming kamay at isip.

Sa huli, malinaw ang kanilang adhikain: gawing bukas at abot-kamay ang printmaking, at gamitin ito bilang kasangkapan ng paglaban at pagkakaisa.

Bahagi nito ang patuloy na pagpapalaganap ng kaalaman sa printmaking sa pamamagitan ng mga workshop sa mga komunidad, paaralan at iba pang espasyo kung saan maaaring magturo at magbahagi.

Sa kabila ng mahal at matrabahong proseso nito, sa kamay ng kolektibo, ang sining ay nagiging mas mura, mas mabilis, at higit sa lahat, mas makabuluhan.