Abuso sa PDLs sa Neg Occ, imbestigahan–Selda
Hinimok ng mga dating bilanggong politikal ang Bureau of Jail Management and Penology na siyasatin ang mga ulat ng paulit-ulit na abuso sa mga bilanggo sa Negros Occidental District Jail Male Dormitory sa Bago City.
Hinimok ng mga dating bilanggong politikal ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na siyasatin ang mga ulat ng paulit-ulit na abuso sa mga person deprived of liberty (PDL), kasama ang mga bilanggong politikal, sa Negros Occidental District Jail Male Dormitory sa Bago City.
Iginiit ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) at mga tanggol-karapatan sa isang protestsa sa tapat ng BJMP National Headquarters sa Quezon City noong Nob. 6 ang agaran at independiyenteng imbestigasyon sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga bilanggo sa nasabing piitan na pinamumunuan ni Jail Chief Insp. Crisyrel Awe.
Ayon sa mga pamilya at abogado ng mga PDL, may mga insidente ng panliligalig, matagal na pagkulong nang mag-isa, paghihigpit sa pagdalaw, kakulangan ng serbisyong medikal at iba pang porma ng malupit, ‘di makakatao at nakapanliliit pagtrato.
“Kaming mga dating bilanggong politikal, alam namin ang pagmamalupit ng isang sistemang binabaliwala ang dignidad ng tao. Hindi dapat hayaan ang mga paglabag na ito,” ani Selda spokesperson Bonifacio Ilagan.
Dagdag ni Ilagan, kailangang imbestigahan at panagutin si Awe at iba pang responsableng opisyal.
Nauna nang nagsumite ng pormal na reklamo ang Selda sa Commission on Human Rights (CHR) at BJMP sa mga seryosong alegasyon ng pagmamalupit at pagkakait sa mga batayang karapatan ng mga bilanggo.
Sinabi ng Selda at bantay-karapatang pantao na Karapatan na ginagarantiya ng mga domestiko at pandaigdigang batas sa karapatang pantao ang mga karapatan ng mga bilanggo.
Ipinasa ng United Nations (UN) General Assembly ang Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners, mas kilalang Nelson Mandela Rules, noong 2015 bilang rebisyon at update sa naunang patakaran noong 1957. Naging kabahagi ang Pilipinas sa pagpapatupad nito noong 2023.
Sang-ayon sa Nelson Mandela Rules, may likas na dignidad ang bawat tao, kabilang ang mga PDL, at nararapat na bigyan ng makataong pagtrato. Ipinagbabawal ng nasabing pandaigdigang patakaran ng UN ang tortyur, pagmamalupit, ‘di makakatao at nakapanliliit na trato sa mga bilanggo.
Ani Ilagan, may tungkulin ang mga namamahala sa mga piitan na tiyakin ang makataong trato at kaligtasan ng mga PDL, anuman ang kanilang pampolitikang paniniwala o kaso.
Nanawagan si Ilagan sa CHR at BJMP na agad magsagawa ng imbestigasyon sa nasabing pasilidad, kompidensiyal na kapanayamin ang mga detenido at magbigay ng proteksiyon sa mga biktima at saksi mula sa paghihiganti.