Migrante

Kapag nanganganib ang tagapag-alaga, sino ang poprotekta?


Sa kabila ng mga sakripisyo ng mga Pilipinong migrante, wala silang maasahan sa gobyerno ng Pilipinas para protektahan ang kanilang mga karapatan at kapakanan.

Kung tunay ang bansag na “bagong bayani” sa kanila dahil sa hirap at sakripisyong kanilang dinaranas, sino naman ang magtatanggol sa mga bayaning ito kapag sila mismo ang nangangailangan ng tulong? Sino ang makikiisa sa panawagan nila para sa katarungan, disenteng sahod, at dangal?

Nitong Nob. 5, mahigit 260 caregiver mula sa iba’t ibang bahagi ng United States (US) ang nagtipon upang ilunsad ang kampanyang Justice for Filipino Caregivers. Isa itong makabuluhang hakbang tungo sa pagkakaisa ng mga Pilipinong manggagawa sa US upang ipaglaban ang kanilang karapatan, hanapbuhay at dignidad.

Batay sa datos ng Migrante USA, tinatayang 84% ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa US ay kabilang sa sektor ng serbisyo kung saan malaking bahagi ay nasa larangan ng pangangalaga na mabigat ang responsibilidad ngunit madalas kulang sa proteksiyon.

Sa pangunguna ng Migrante USA at Gabriela USA, nagsilbing bukas na entablado ang pagtitipon para sa mga kuwentong matagal nang kinikimkim. Sa bawat salaysay, muling nabuksan ang mga sugat ng pang-aabuso: mga ninakaw na sahod, ‘di bayad na overtime, panggigipit ng mga employer, at mga pangakong napako. Lahat ng ito ay bahagi ng kolektibong hinagpis ng mga Pilipinong tagapag-alaga sa Amerika.

Ilan sa mga nagbahagi sina Lei at Jay, mula Central Luzon at Visayas, na kapwa higit walo hanggang siyam taon nang nagtatrabaho sa US. Pareho silang napilitang mangibang-bansa dulot ng matinding kahirapan sa Pilipinas.

Si Lei, isang dating guro at breadwinner na may limang anak. Si Jay naman, nagsumikap sa Pilipinas ngunit hindi kailanman lumaki ang kita upang mabuhay nang may dignidad ang kanyang pamilya.

Pareho nilang naranasan ang pang-aabuso ng mga amo. Nagtatrabaho nang 24 oras, ngunit ang sahod ay para lang sa walong oras. 

“Pinakamasakit ‘yong pakiramdam na parang hindi ka tao. Hindi iyon respeto. Hindi iyon dignidad. At hindi iyon buhay na nararapat para sa kahit sinong manggagawa,” sabi ni Jay.

Sa kabila ng lahat, nakatagpo ng lakas sina Lei at Jay sa tulong ng mga organisasyon at mga komunidad na sandigan nila. Anila, kung hindi man nila maasahan ang mismong gobyerno ng Pilipinas, sapat na ang samahan ng kapwa manggagawang lumalaban para sa karapatan.

Malinaw para kina Lei at Jay na inuuna ng mga nasa poder ang pansariling interes. Sa mata ng gobyerno, tila mas mahalaga ang ipinapadalang dolyar kaysa sa mismong buhay ng mga overseas Filipino worker (OFW).

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, umabot sa $3.02 bilyon ang personal remittances ng mga OFW nitong Pebrero 2025, mas mataas kaysa $2.95 bilyon noong nakaraang taon. Sa unang dalawang buwan pa lang ng 2025, nasa $6.27 bilyon na ang naipadala ng mga OFW mula sa ibayong dagat.

“Makinig kayo sa amin. Hindi lang kami numero sa listahan ng remittances. Tao kami—may pamilya, may pagod, may sakit, may pangarap. Kung tunay na serbisyo sa tao ang layunin ninyo, unahin ninyo kaming manggagawa,” ani Jay.

Ang mukha nina Lei at Jay ang naging inspirasyon ng patuloy na pag-oorganisa at pagkilos ng mga Pilipinong manggagawa sa Amerika. Ngunit sa bawat panawagan para sa kanila, lumilitaw ang mas mabigat na tanong: Paano kung marami pa ang nakakaranas ng ganitong pang-aabuso?

Bilang bahagi ng kanilang 2nd General Assembly, mas itinutok ng Migrante USA ang kanilang programa sa tarangkahan ng Philippine Consulate General noong May 2025. Larawan mula sa Migrante USA

Noong Okt.1, halos 250 manggagawa at kasapi ng komunidad ang nagtipon sa harap ng Portland City Hall upang ipanawagan ang hustisya para kay Tita Maria, isang lumitaw na mukha ng inabusong caregiver sa US.

Si Maria Buella, 68, tubong Naga City, ay mahigit 14 taon nang nagtatrabaho sa Wellcare Adult Foster Home na pagmamay-ari nina Jaime at Dory Lim. Sa panahong iyon, tiniis niya ang mababang pasahod at kakulangan ng benepisyo.

Ayon sa ulat, umabot sa halos $195,000 ang kabuuang halaga ng kanyang hindi natanggap na sahod.

“Ako ang pinakamatagal nilang empleyado. Ngayon, humihingi ako ng sahod na ninakaw sa akin. Tumanggi sila at pinagbantaan pa ako ng deportasyon,” ani Buella.

Hindi rin ito unang senyales ng iregularidad. Bago pa man lumabas ang kaso ni Buella, pinatawan na ng parusa ang kanyang mga employer ng Adult Care Home Program dahil sa paglabag sa Multnomah County Administrative Rules, kabilang ang pagsusumite ng staffing plans na may maling datos tungkol sa aktuwal na bilang ng tauhan sa kanilang pasilidad.

Samantala si Maria Mendoza, 57 anyos, tubong Camarines Norte, ay mahigit 11 taon nang nagtatrabaho bilang caregiver sa US. Noong 2014, napadpad siya sa California bilang kapalit ng kaibigan sa trabaho. Sa simula, maayos ang trato sa kanya, ngunit kalaunan ay naranasan niya rin ang pang-aabuso at hindi tamang pasahod. Pinakamatindi ang karanasan niya noong kasagsagan ng pandemya.

“Pinipilit akong pagtrabahuin ng employer ko kahit may Covid ang pasyente, at hindi nila ako binigyan ng mask. Sinabihan lang akong i-microwave ang mask at gamitin uli,” ani Mendoza.

Dahil dito, inilapit niya ang kanyang kaso sa Filipino Migrant Center upang mag-file ng wage claim. Na-cite ang employer sa $2.3 milyon na sahod mula sa mga caregiver. Hanggang ngayon, kasama ang kanyang mga dating kasamahan, patuloy silang lumalaban upang mabawi ang mga sahod na ninakaw sa kanila.

Ayon sa ulat ng Business and Human Rights Resource Centre, kabilang ang mga Pilipino sa mga madalas maging biktima ng human at labor rights abuses sa mga migranteng mangggawa.

Batay sa datos mula Dis. 1, 2022 hanggang Nob. 30, 2023, tinatayang 7% ng mga naiuulat na kaso sa Asya ay kinasasangkutan ng mga Pilipino. Kabilang sa mga naitalang kaso ang wage theft (30%), paglabag sa occupational health and safety (29%), pananakot at panggigipit (22%), at hindi angkop o delikadong kalagayan sa tirahan (18%).

Ayon kay Migrante USA chairperson Kai Marie, sa dami ng mga naiuulat na kaso ng pang-aabuso sa mga OFW, hindi nila nararamdaman ang tulong o suporta man lang ng gobyerno.

“Kumikita ng daan-daang dolyar mula sa bawat Pilipinong umaalis ng bansa araw-araw. Kung imu-multiply mo iyon sa mahigit 8,000 na umaalis araw-araw, malaki ang kinikita nila—parang negosyo nila ang migrasyon natin. Pero kapag nakaranas ng pang-aabuso ang mga manggagawa sa ibang bansa, tinitingnan lang nila ito at hindi tumutulong. Ganito na ito simula pa noong panahon ni Marcos Sr., at ganito pa rin ngayon sa ilalim ni Marcos Jr.,” aniya.

Para kina Lei, Jay, Buella at Mendoza, kung tunay ngang “bagong bayani” sila, bakit kailangang magbakasakali pa na marinig ang kanilang tinig ng mga nakaupo sa kapangyarihan sa oras ng kanilang pangangailangan. 

Noong tinagurian silang mga “bagong bayani,” malinaw ang kanilang tapang at sakripisyo ng isang tunay na bayani. Ngunit sa likod ng bansag na iyon, nakatago ang mga kuwentong puno ng pang-aabuso, kakulangan sa sahod at panganib sa buhay.

Ang tunay na pagkilala sa kanilang sakripisyo ay hindi nasusukat sa remittance na ipinapadala, kundi sa proteksiyon, katarungan at dignidad na nararapat sa bawat Pilipinong manggagawa.