Manggagawa, may karapatang lumiban sa panahon ng kalamidad
Ayon sa Occupational Safety and Health Law at DOLE Labor Advisory No. 17-22, may karapatan ang mga manggagawa na hindi pumasok sa trabaho kapag delikado ang lagay ng panahon.
Sa gitna ng pananalasa ng Super Bagyong Uwan, patuloy pa rin ang business-as-usual na patakaran ng ilang kompanya ng business processing outsource (BPO).
Sa inilabas na listahan ng BPO Industry Employees’ Network (BIEN), mahigit 40 na kompanya ng BPO ang tuloy ang trabaho sa kabila ng mapanganib na lagay ng panahon.
Pitong kompanya ang nagdeklara ng pamsamantalang work-from-home (WFH) at hindi sapilitang pagpapasok pero walang kaukulang incentive at tulong. May 13 kompanya naman ang on-site ang trabaho na may ilang “considerations” katulad ng libreng shuttle at pagkain, habang 23 ang mga kompanyang walang kahit anong konsiderasyon at sapilitan ang pagpapapasok.
May ilang kondisyon din sa mga konsiderasyon na ibinigay ng mga kompanyang Cognizant Quezon City, Sutherland Taguig at iQor Fairview tulad ng Notice to Explain (NTE) sa mga hindi pumasok on-site o lumiban at epekto sa regularisasyon ng mga empleyadong probationary.
Ang kompanyang Genpact sa Bonifacio Global City sa Taguig City, hindi naman hinayaan na umuwi nang maaga ang mga empleyado, habang ang Foundever WCC-Shaw, inaatasan ang mga manggagawa na magpakita ng larawan ng baha para mapatunayang lehitimo ang pagliban sa trabaho.
Sa mga kompanyang Enshored, Staff Outsourcing Solutions at TTEC naman sa Cebu, tuloy ang business-as-usual na walang anumang konsiderasyon.
Para sa BIEN, ang iilang konsiderasyon na ibinibigay ng mga kompanya ay hindi gawa ng malasakit at mga pansamantalang hakbang lang upang mapanatili ang pagpapatuloy ng negosyo, kapalit ng kaligtasan ng mga manggagawa.
Binanggit din ng grupo na wala pa rin silang natatanggap na tugon at kongkretong aksiyon mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay ng parehong paglabag noong Bagyong Tino.
“This silence and inaction have forced us to bring these issues directly to the public. If DOLE will not listen behind closed doors, perhaps they will listen when workers speak out together and online,” pahayag ng grupo sa kanilang Facebook post.
Ayon sa Occupational Safety and Health Law at DOLE Labor Advisory No. 17-22, may karapatan ang mga manggagawa na hindi pumasok sa trabaho kapag delikado ang lagay ng panahon, gaya ng malakas na ulan at matinding pagbaha dulot ng bagyo. Ipinagbabawal ng batas ang anumang parusa sa mga empleyadong pipiliing hindi pumasok.
Ang mga empleyadong pumasok naman sa kabila ng panganib ay may karapatan na makatanggap ng regular na sahod kung nakapagtrabaho ng hindi bababa sa anim na oras.
Nanawagan naman ang Institute for Occupational Health and Safety Development sa gobyerno na huwag ibigay ang mga kritikal na desisyon katulad ng suspensiyon sa trabaho sa mga pribadong kompanya dahil kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa ang nakasalalay.