Temporary layoff sa Wipro, kinondena ng BIEN Cebu


Pinuna ng BPO Industry Employees Network Cebu ang pagpapataw ng floating status sa nasa 400 empleyado ng Wipro Cebu na naglalagay sa alanganin sa kanilang kabuhayan sa gitna ng pagbangon matapos ang lindol at bagyo.

Nasa 400 manggagawa ang nakatakdang ilagay ng Wipro Cebu, isang kompanya ng business process outsourcing (BPO), sa temporary layoff o no work, no pay floating status simula Dis. 15.

Hindi pa man nakakabangon ang mga empleyado mula sa sunod-sunod na lindol, pananalasa ng Bagyong Tino at malawakang pagbaha, bibigyan na naman sila ng panibagong dagok sa pamamagitan ng pag-alis ng kanilang pangunahing hanapbuhay.

Para sa BPO Industry Employees Network (BIEN) Cebu, hindi makatarungan ang desisyon ng kompanya lalo’t lubhang nasalanta ang mga manggagawa sa Cebu at kasalukuyang umaasa sa kanilang trabaho para makabangon mula sa pinsala ng mga nagdaang kalamidad.

Marami sa mga apektadong obrero ang mahigit anim na taon nang nagtatrabaho sa kompanya ngunit nananatiling mababa ang sahod at malayo sa tunay na living wage na P1,200 ang natatanggap.

Ipinahayag din umano ng pamunuan ng Wipro na tungkol sa “performance issues” ang plano nilang paglalagay sa floating status, kahit na mga top performing agent ang kabilang sa mga matatamaan ng temporary layoff.

Bagaman nagsimula na ang reprofiling process, tumatanggi pa rin umano ang manedsment na pakinggan ang hiling ng mga empleyado na bigyan sila ng separation pay at tuluyang umalis na sa kompanya.

Ayon kay BIEN Cebu chairperson Kyle Enero, sistematikong pag-atake ito sa karapatan sa kasiguraduhan sa trabaho ng mga manggagawa. Dagdag pa niya, isang kalakaran ito na talamak na sa mga kompanyang BPO para maiwasan ang pagbibigay ng mas mataas na separation pay at iba pang mga benepisyong dapat natatanggap ng mga obrero.

Hinihimok din nila ang Department of Labor and Employment (DOLE) at ang pamahalaan na protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa sa gitna ng pangangailangang pangkabuhayan.

“Nananawagan kami na ibigay ngayon ang severance o separation pay sa mga manggagawa na mas mataas sa standard para maka-recover ang mga manggagawa mula sa lindol at bagyo. Nananawagan din kami magkaisa ang mga manggagawa sa BPO industry para itigil na ang iskemang ito,” sabi ni Enero sa wikang Cebuano.