Baha sa Laguna, gawa ng tao, hindi ng ulan
Sa Laguna, patuloy na lumulubog ang ilang bayan habang lumalaki ang pondo para sa proyektong dapat sana ay pumigil sa pagbaha. Para sa mga residente, ang tanging nakikita nila ay tubig na hindi humuhupa at mga pangakong hindi natutupad.
Sa unang tingin, tila ordinaryong tag-ulan lang ang tumama sa mga bayan sa paligid ng Laguna de Bay nitong mga nakaraang buwan.
Ngunit para sa mga residente ng mga bayan ng Pakil, Pangil, Paete at iba pang kanugnog na munisipyo, ibang kwento ang umiiral. Hindi na humuhupa ang tubig sa dati nitong bilis. Ang mga pamilyang dati ay hindi kailanman inilikas, ngayo’y tumatagal sa evacuation center na kulang sa pagkain, tubig at espasyp.
Sa Paete, inalala ni Hannah, isang senior high school studentang senior highschool na estudyante mula, kung paano lumubog ang highway sa huling bagyo.
“Ang laki po talaga ng baha. Walang chance na makadaan ‘yong ibang sasakyan,” ani Hannah. Dahil rito, ang ilang residente ay nag-e-evacuate habang pati sila mismo ay hindi makapasok sa paaralan dahil “wala [nang] madaanan.”
At habang umaalingawngaw ang sigawan ng mga bata sa loob ng mga gym at barangay hall, malinaw sa mga lokal ang tanong: Bakit ganito ang kalagayan na mukhang hindi na natural?
Ang laging tinatawag na “natural disaster” ay resulta ng mga gawain ng tao. Sa loob ng maraming taon, unti-unting humihina ang kakayahan ng Sierra Madre na magsilbing panangga ng Luzon sa hagupit ng mga bagyo.
Sa ilalim nito, ang Laguna de Bay na siyang pinakamalaking imbakan ng tubig ulan ay pinapagaan, pinapakitid at pinupuno ng basura at mga mapanirang proyektong nakakubli sa salitang development. Nagsilbing kasangga ang parehong kabundukan at lawa sa mga komunidad ngunit unti-unti itong nawawalan ng kakayahang gumampan sa kanilang tungkulin.
Sa hilaga at gitnang bahagi ng Sierra Madre, patuloy ang illegal logging, quarrying at pagmimina.
Sa mga lalawigan ng Quezon at Rizal, nagmistulang tinapyas ang mga bundok para sa malapad na kalsada, real estate at dam.

Sa Laguna, ang Ahunan Hydropower Project sa Pakil ay kumakalbo na ng mahigit 100 ektarya ng kagubatan at nagbubutas ng lupa nang halos 500 metro ang lalim.
Sa Pangil, malinaw na ang pagpuputol ng mga puno ang sanhi ng mga landslide. Ayon kay John Paul Aliperio, 24, mismong mga customer niya sa kanilang barber shop na taga-Pakil ang nagkukuwento tungkol sa lawak ng pagputol ng puno.
“Tatlong libo na [raw] mahigit ‘yong napuputol nila. Binibilang nila ‘yong mga napuputol doon,” aniya.
Habang pinahihina ang bundok, pinipiga naman ang lawa.
Sa Laguna de Bay, sunod-sunod ang naglalakihang proyekto na nagtataguyod ng imahen ng kaunlaran. Magtatayo ang Laguna Lakeshore Road Network Project ng kalsada, tulay at embankment na babagtas sa mismong gilid ng lawa. May 2,000 ektarya naman ng katubigan ang ilalaan para sa floating solar farm ng malalaking kompanya.
Kasabay nito, nakuhanan ng satellite images ng Department of Environment and Natural Resources ang mga pagtambak at pagpapatag ng lupa sa mismong lawa na ipinapasa bilang flood control ngunit lumalabas na reclamation.

Dulot ng mga proyektong ito ang pagliit ng espasyo ng lawa. Kapag lumiit ang lawa, umaangat ang tubig at nagiging sanhi ng pagbaha kahit katamtaman lamang ang ulan.
Kita at ramdam ito ng mga mangingisda at residente. Sa Pangil, sabi ni John Paul, posibleng “magkaroon ng pagbaha” at maraming maaapektuhan kapag nagkaroon ng landslide sahil sa patuloy na pagpuputol ng mga puno.
Sa Paete naman, araw-araw na nasasaksihan ng retiradong si Claro Pacalda, 65, ang pagbabago sa daloy ng tubig.
“‘Pag laging [may pagguho ng lupa] dudumi ng dudumi ang ilog at dagat,” sabi ni Claro.

Hindi lang pisikal na pagbabago ang problema.
May krisis din sa kalidad ng tubig. Ayon sa isang anim na buwang imbestigasyon ng Earth Journalism Network, nananatiling mataas ang fecal contamination sa iba’t ibang bahagi ng Laguna de Bay.
Diretso sa lawa ang bawat bulwak mula sa mga septic tank na umaapaw, pati dumi mula sa mga kanal at pabrika. Ito ang dahilan kung bakit bumabagsak ang bilang ng isda at iniuugnay ng ilang residente ang pangangati, pagsusuka at iba pang sakit sa tubig nito.
Sa gitna ng mga proyektong ito, umiigting din ang usapin ng katiwalian. Sa Senado, inakusahan ang ilang mambabatas at opisyal ng paghingi ng porsiyento mula sa mga flood control project.
Ayon sa mga contractor, ang ganitong sistema ay nagreresulta sa pagnipis ng pondo para sa aktuwal na trabaho. Kapag bumaba ang kalidad ng flood control structures, ang komunidad ang sumasalo ng perhuwisyong dulot nito.
Sa Laguna, patuloy na lumulubog ang ilang bayan habang lumalaki ang pondo para sa proyektong dapat sana ay pumigil sa pagbaha.
Para sa mga residente, ang tanging nakikita nila ay tubig na hindi humuhupa at mga pangakong hindi natutupad.
Sa Barangay Dela Paz at Malaban sa Biñan City, may mga ulat na tatlong buwan nang nasa evacuation center ang ilang pamilya. Sa Pakil, patuloy ang takot na kapag lumakas ang ulan ay baka hindi na sila makabalik sa kanilang bahay.

Mas ramdam pa ang kalamidad sa Paete. Habang pinalalawak ang mga kalsada para makadaan ang malalaking truck, si Claro ay hindi kumbinsido.
“‘Di magkasiya ‘yong nagkakarga ng windmill kaya pinalalawak ‘yong mga daan. Gano’n nangyayari,” ani Claro.
Tanong niya, para saan ang lahat ng ito kung matapos? “Nagba-brownout pa rin naman,” wika niya, sabay dagdag na ang tanging makikinabang lang sa mga proyekto ay ang mga nasa itaas.
Para naman sa mga maybahay tulad ni Theresa Ramos Bolante, 36, hindi ramdam ng mamamayan ang konsultasyon sa mga proyektong ipinapatupad sa Pangil.
“Ipaalam muna ng mayor kung ano yung ginagawa sa [lugar namin] Kasi tayong mamamayan ang maaagrabyado,” sabi ni Theresa. Tinatanong din niya kung “sino ba ang magbe-benefit” at kung saan mapupunta ang kaligtasan nila kung pagsasabayin ang windmill at dam.
“Kahit sabihin mong [1,000] megawatts ‘yong isa at 800 [megawatts] ‘yong isa, parehas lang ‘yang disgrasyang mangyayari,” dagdag pa niya.
Sa kabila ng lahat ng ito, malinaw din ang lumalakas na tinig ng pagtutol.
Ang mga grupo tulad ng Pamalakaya Bay, Save Laguna Lake Movement at Mamamayang Nagmamahal sa Pakil ay kumikilos upang ipagtanggol ang lawa at kabundukan.
Hindi tututol ang mga tao kung ang proyekto ay tunay na magbibigay ng proteksiyon. Ang ipinaglalaban nila ay ang karapatan nilang mabuhay sa ligtas, malusog at makatarungang pamayanan.

Paano uunlad ang isang bayan kung sa bawat proyekto ay may nawawalan ng lupa, hanapbuhay at kapayapaan? Paano magiging makabago ang imprastruktura kung ang kapalit ay ang pagkalunod ng kalikasan at komunidad?
Habang bumabalik ang araw sa mga pumapaloob na barangay sa tabi ng lawa, unti unting bumabalik ang tubig sa dating antas nito. Ngunit alam ng mga tao na babalik itong muli. At sa susunod, baka mas malala pa.
Ang tanging malinaw ay hindi nila kailangan ng mas maraming kongkretong pader na itinatayo nang walang paalam. Ang kailngan nila ay proteksiyong nakabatay sa siyensya, pamamahala na hindi kinakalawang ng korupsiyon at mga proyektong tunay na nakikinig sa kanilang tinig.