Gabriela, kinondena ang korupsiyon, karahasan sa kababaihan
Sa International Day for the Elimination of Violence Against Women, kinondena ng Gabriela ang katiwalian at korupsiyon na nagluluwal ng mga paglabag sa mga karapatan ng kababaihan.
Inilunsad ng mga organisasyon ng kababaihan at iba pang sektor ang One Billion Rising (OBR) 2026 nitong Nob. 25, International Day for the Elimination of Violence Against Women bilang pagkondena sa korupsiyon na nagluluwal ng mga paglabag sa mga karapatan ng kababaihan.
Sa pangunguna ng grupong Gabriela, sinimulan ang kampanyang OBR 2026 na may temang “Women of the World, Rise Against Corruption and Fascism!”, binibigyang nila diin ang magkakaugnay na krisis na kinahaharap ng kababaihan sa bansa.
Ayon sa grupo, nagdudulot ng araw-araw at nakamamatay na karahasan laban sa kababaihan ang lumalang korupsiyon sa bansa. Makikita umano ito sa kakulangan sa serbisyong pangkalusugan, kapos na serbisyong panlipunan, malawakang disempleyo, kawalan ng mga programang pangkabuhayan at sa patuloy na paglobo ng pondong militar na ginagamit upang manakot sa mga komunidad.
Naniniwala ang mga alyansa ng kababaihang lumahok na magwawakas lang ang karahasan laban sa kababaihan kapag nilansag ang kuropsiyon at balangkas ng pasismong nagpapairal nto.
“Hindi kami titigil hanggang hindi nawawakasan ang bulok na sistemang nagpapahirap at nang-aapi sa kababaihan!” ani Gabriela secretary general Clarice Palce.
Bilang pagpapakita ng sama-samang lakas ng kababaihang tumitindig laban sa sistematikong pang-aabuso, nagsagawa ang Gabriela ng mga protestang sayaw na nilahukan ng kababaihan mula sa mga komunidad ng maralitang lungsod, unyon ng mga manggagawa, organisasyon ng magsasaka, kabataan at mga nakaligtas sa karahasan.
Sinimulan din sa parehong araw ang 18-Day Campaign to End Violence Against Women, isang pambansang inisyatiba ng Philippine Commission on Women na naglalayong taasan ang kamalayan, itaguyod ang karapatan at labanan ang karahasan laban sa kababaihan at bata. Magtatagal ang kampanya hanggang Dis.12.
“Hindi hiwalay ang aming pakikibaka para sa mga karapatan ng kababaihan sa laban para sa pambansang soberanya, tunay na demokrasya at katarungang panlipunan,” ani Palce sa wikang Ingles.