Mga maliliit at malalaking kuwento
Tungkol saan ito, sino ang iniisip sa paggugupit at pagsusulat, bakit gustong sariwain at gustong mahawakan, bakit gustong ibahagi.
Lumaki akong magkarugtong ang pagkain at kuwento.
Sa agahan, ang plano para sa araw—anong gagawin mo, anong oras ka uuwi. Sa tanghalian, kung Sabado o Linggo at hindi kumakain ng baon sa school o opisina—sino ang mga kinita at nakausap, saan ka pa pupunta; sa merienda—anong ulam mamayang gabi. At sa hapunan—nagtagumpay ba ngayong araw, anong balita ang nasagap.
Kalaunan ay magpapatuloy ang usapan sa hatinggabi, kapag naisipang bumili ng pagkain sa bayan o sinipag magpainit ng bahaw. Kumbaga sa five-course meal, ang kuwento ang pampagana, pero hindi lang sa simula, kundi sa pagitan ng bawat subo. Makikinig habang ngumunguya, sasagot pagkalunok.
Ang maliit
Marahil walang pagdadalawang-isip sa tanong na magsisilbing mitsa ng zine-making workshop sa Casa San Miguel, San Antonio, Zambales.
“Anong paborito mong pagkain?”
Madaling nakasagot ang lahat ng dumalo na haluan ng edad: ang pinakamatanda, 18 taong gulang, mga estudyanteng senior high school na intern mismo sa Casa; ang pinakabata, limang taon, kailangan pang alalayan sa pagugupit at pagtutupi ng papel.
Nilista nila ang mga ulam: dinuguan, sinigang (naglalaban ang baboy, hipon at isda), pritong manok ni Mama, pritong manok sa malapit na fast food, luto ng lola, ng malayong kamag-anak.
Sa tanong matatagpuan ang ubod ng workshop: pagkukuwento tungkol sa pagkain, sa araw-araw na pag-iral sa probinsiya.

Mula roon, tuturuan naming mga facilitator ang mga estudyante kung ano ang zine (mula sa salitang magazine, maihahalintulad sa booklet, pamphlet, polyeto), ano ang maaaring hitsura ng zine at paano gumawa ng sarili nilang maliit na libro, na siyang maglalaman ng mga maliliit nilang kuwento.
Dahil haluan ang edad ng mga naroroon, at unang beses magkakilala, sinubukan naming lagyan ng direksiyon ang paggawa ng zine. Mula sa unang tanong na nagsilbing pagpapakilala, sinubukang isapapel ng mga kalahok ang mga alaala nila tungkol sa pagkain, partikular sa Zambales. Hiraman ang lahat ng mga pangkulay, gunting, lumang magazine na gugupitan ng mga larawan.
Parte ang workshop sa serye ng mga aktibidad panimula ng Zambulat, taunang festival na nagtatampok ng mga sining mula sa mga mamamayan ng Zambales. Malalim ang ugnayan ng Casa sa mga taga-San Antonio, partikular sa kabataang nagnanais na lumahok sa paglikha.
Sa mahigit tatlong dekada ng Casa San Miguel, ang paunang pagtuturo sa mga musikero ay lumawak patungo sa iba pang malikhaing praktika. May espasyo na ngayon ang mga artista upang linangin ang kakayahan sa biswal na sining at pagsusulat.
Tumitingkad lalo sa bawat programa ang kagustuhang pakintalin ang kasaysayan, pagyamanin ang mga kuwento ng maliit na barangay, sa maliit na bayan, sa maliit na probinsya ng Zambales at umuugat sa paggigiit ng buhay at karapatan ng bawat mamamayan nito.
Ang zine ay likas na mas malaya, dahil sa diwa ntiong do-it-yourself. Sariling sikap ang mga salita at larawan, sariling lakas ang kakailanganin sa pagtutupi ng papel at paggugupit at pagdidikit muli para makabuo ng isang libro. Mas kakaunti ang kopya ngunit hindi nakatali sa negosasyon sa publisher at merkado kumpara sa tipikal na hitsura ng paglilimbag.

Ang kondisyon ng paggawa ng zine ay hitik para sa paghaharaya, kaya’t mas madaling maging tungtungan ng kabataan (o sinumang nagsisimulang magkuwento) para maisapapel ang mga nais sabihin. Dahil mura ang materyales na ginamit, mas mura ring maipagbibili (kung hindi man libre, na madalas gawin ng mga aktibista sa pamomolyeto) at mas madaling maibahagi sa iba.
Sa ganitong diwa rin lumaki ang pagtingin sa pagkukuwento. Lumaki ako sa pamilyang hitik sa kuwento, at sa komunidad na sanay magbahagi ng pagkain—may sobra man o sapat lang—lalo na sa mga kapitbahay na kinulang ang maihahain sa hapag. Mistulang imbitasyon ang bawat salaysay: “Intayon makipangan.” Ang kuwento, tulad ng pagkain, ay pinagsasaluhan, binabalikan, at pinagkukunan ng lakas para sa susunod na araw.
Sa unang tingin, parang napakaliit ng mga salaysay tungkol sa paboritong pagkain, malayo sa mas mabibigat na usaping kinakaharap ng Zambales: ang patuloy na environmental degradation dulot ng pagmimina, dredging at quarrying na pinahihintulutan ng lokal at pambansang pamahalaan; ang kurapsyon; ang usapin ng pambansang soberanya, mula sa muling pag-iral ng impluwensiya ng dating base militar ng Estados Unidos hanggang sa unti-unting paglapit ng mga barkong Tsino sa mga karagatang dati’y malayang nilalayagan ng mga mangingisda.
Ngunit naniniwala akong may bigat at lugar ang tanong—may malalim na ugnayan sa mga nabanggit na isyu sa taas—kundi man panimula sa paggalugad ng puno at nagsasanga-sangang mga suliranin.
Ang malaki
Dalawang linggo pagkatapos ng zine workshop sa Zambales ay inilunsad naman sa Quezon City ang ika-16 na taon ng Better Living Through Xeroxography (BLTX), na taunang dinadaluhan ng iba’t ibang manlilikha para magbenta, bumili, at makipagpalitan ng mga katha at ideya.
Matampok sa BLTX ngayon ang diwa ng pagsuporta sa mamamayang Palestino. Ngayong taon din nagsimula ang BLTX sa pagkokonsolida ng mga babasahin at iba pang katha para sa isang Palestine Zine Library, kung saan lahat ay malayang umupo at magbasa ng mga kathang gawa ng mga Palestinong manunulat at artista, kundi man nilikha ng mga Pilipino upang tumindig para sa kanilang laban.
Nagkaroon din ng espasyo ang iba’t ibang pormasyong sumusuporta sa Palestina gaya ng Salam Palestine upang ilunsad ang kanilang mga zine at maglatag ng kongkretong paraan ng pakikilahok sa mga kampanya.
Sa mga diskusyong pinangunahan ng ilang mga organizer ng BLTX, lalong lilitaw ang pulitika ng independent publishing. Sariwa pa sa isipan ng mga naroroon ang paglahok ng mga kilalang manunulat at publisher sa katatapos na Frankfurt Book Fair o Frankfurter Buchmesse (FBM), kung saan guest of honor ang Pilipinas.

Bago pa ang event sa Germany (na pinaglaanan ng malaking pondo ng gobyerno), sumiklab na ang panawagang boykot bilang pagtutol sa patuloy na suporta ng mga institusyong Europeo sa Israel at sa genocide ng mga Palestino, na kung hindi nadaan sa direktang pambobomba ng mga tahanan at paaralan ay idadaan sa pilit na pagkagutom—dalawang milyong mamamayan ng Gaza na walang makain dahil sa food blockade ng Israel.
Sa kabila nito, tumuloy ang delegasyon at umuwi na tila ba walang nangyari, isang panaginip lang o bangungot. Kung tunay ngang nakatali ang kamay ng mga manunulat at publisher sa kumpas ng merkado, kinakalag ng independent publishing ang taling ito.
Sa nobela ng Palestinong si Adania Shibli na “A Minor Detail”—at sa mga kinaharap nitong suliranin pagtapos ng pagpapalimbag—pinapaalala sa mga mambabasa kung paano binubura ng kasaysayan ang maliliit na buhay ng mga Palestino at ginagawang talababa ang kanilang pagdurusa.
Mismong si Shibli rin naman ang sasagot nito sa isang bukas na liham para sa mga Pilipinong tumitindig para sa Palestine: may silbi ang pakikiisa, ang paghawak ng kamay sa gitna ng pagkawasak ng isang bayan.
Ang kuwento
Natutuhan ko kay Mama kung paano magkuwento—ano ang sapat na detalye para mabigyan ng konteksto ang isasalaysay, ano ang magandang simula para manabik ang nakikinig, saan titigil para sa dagdag na drama, at paano tatapusin para sa wakas, palakpakan o hagalpakan o pareho.
Natutuhan ko naman kay Papa ang ligaya ng pagkukuwento—na kahit mali-mali ang detalye, o kahit hindi ko alam kung saan sisimulan, paano idurugtong ang isang bagay sa isa pa, may lugod pa rin sa pagbabahagi.
Sa dulo ng workshop, ibabahagi ng mga kalahok ang natapos na zine. Tungkol saan ito, sino ang iniisip sa paggugupit at pagsusulat, bakit gustong sariwain at gustong mahawakan, bakit gustong ibahagi.

Pinagninilayan ko, ngayon, kung anong lakas pa ang maaaring matagpuan ng mga taga-San Miguel, o saanmang barangay o munisipyo ng Zambales, kung may rekurso at lakas para isapapel ang mga kuwento at kasaysayang dala nila.
Madali sigurong maimamapa ang galaw ng mga tao, ang labas-pasok sa lugar na ito. Masaya sigurong ilarawan ang tunay na lawak ng dagat at langit, iyong naaabot ng tanaw mula dalampasigan at lagpas pa. Anong laya kaya ang naibibigay sa imahinasyon para makapaglayag nang hindi pinipigilan ng bingit at hanggahan, kung alam ko, noon pa, ang self-publishing, na aba, puwede pala ito.
Mas madali sigurong maalala kung sino ang mga taong nasa lumang larawan; anong parte ng bahay ang bumigay noong sumabog ang bulkan; ilang buhay ang tinangay ng mga bagyo, dulot ng kalikasan man o gawa ng tao; mas madaling balikan kung anong mga kabiguan at tagumpay ng maliit naming barangay na kalong ng dagat. Anong saya siguro, sa madaling palitan at malayang salusalo ng mga kuwentong parang pagkain at pagkaing parang kuwento.