Kalmang naibibigay ng pag-inom ng kape
Para sa marami, ang tunay na hudyat ng simula ng araw ay ang pagtitimpla ng kape. Sa isang mainit na tasa, matatagpuan ang lakas na kailangan bago sumabak sa hamon ng buhay.
Sa mga Pilipino, ang umaga’y hindi lang pagsalubong sa pagsikat ng araw, hindi lang maririnig ang pagtilaok ng manok o paglanghap sa nilulutong almusal. Tradisyonal itong kapiling ng almusal o kaya’y katuwang sa pagbabasa ng diyaryo at maaari ring habang nakikinig o nanonood ng balita.
Bahagi na ng ating buhay ang ritwal ng pagtitimpla ng kape. Pampainit ng tiyan para sa nagmamadaling makaalis ng bahay. Para sa marami, ang tunay na hudyat ng simula ng araw ay ang pagtitimpla ng kape. Sa isang mainit na tasa, matatagpuan ang lakas na kailangan bago sumabak sa hamon ng buhay.
Sa paglipas ng panahon, nagbago ang anyo ng ating pakikipag-ugnayan sa kape. Hindi na ito limitado sa mainit na tasa sa umaga. Ngayon, ang kape ay maaaring lagyan ng yelo, haluan ng gatas o dagdagan ng pampatamis na naaayon sa ating panlasa. Higit sa lahat, ang pag-inom nito’y lumabas na sa bakuran ng ating mga tahanan.
Ang pag-usbong ng mga coffee shop ay nagbukas ng mas maraming opsiyon. Mula sa tapang ng isang simpleng black coffee hanggang sa may tamis ng paggamit ng iba’t ibang uri ng gatas, naging destinasyon ang mga lugar na ito hindi lang para sa sapat na caffeine, kundi para sa isang partikular na karanasan.
Para sa karamihan nakakasama na rin ito sa nakagawian bago pumasok sa opisina o habang nasa opisina. Ang pag-inom ng kape, mainit man o malamig, ang naging katuwang upang tahakin ang buong maghapon ng trabaho.
Ngunit sa kabila ng mga pagbabagong ito, may isang bagay na nananatiling totoo. Ang kape ay higit pa sa pampagising. Ang kape ay hindi lang tradisyon ng pagsisimula ng pagbabana’t ng buto. Ngunit sa likod ng mga bagong lasang ito, nananatili ang esensiya ng kape na ang magbigay ng katahimikan sa isip sa gitna ng ingay ng mundo.
Ang kape ay tulay ng koneksiyon. Nagsisilbi itong simula ng mga diskusyon sa pagitan ng mga kaibigan o katrabaho. Mula sa simpleng kumustahan ng mga matagal nang hindi nagkita, hanggang sa malalim na usapin tungkol sa buhay, karapatan at kalagayan ng mga manggagawa, ang kape ang nagpapalambot sa ating mga puso upang makipag-ugnayan nang tapat sa kapwa.
Ito’y sandali ng pagtigil. Ang pag-inom ng kape ay isang pagkakataon na huminga at humiwalay muna sa mga naghahabol na deadline sa eskuwelahan o trabaho. Sa ilang sandali ng paghawak sa tasa, binibigyan natin ang ating sarili ng pahintulot na huminto sa gitna ng nakakapagod na mga gawain.
Ito’y espasyo para sa sarili. Nagbibigay ang kape ng bihirang panahon upang kausapin ang ating sarili. Sa bawat higop, nagkakaroon tayo ng pagkakataong pagnilayan ang mga nangyayari sa ating buhay, ayusin ang ating mga isip at muling kilalanin ang ating sarili bago muling sumabak sa mga hamon.
Sa huli, ang kape ay hindi lang isang inumin. Ito ay isang paalala na sa gitna ng pagmamadali ng mundo, karapatan nating huminto, huminga at magmuni-muni.