Paano sumisibol ang pakikibaka ng kababaihan?
Para sa isang komunidad ng mga kababaihan, ang pakikilahok ay nangangahulugang paggawa at pagbahagi ng kanilang sining.
Sa ilang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas, matatagpuang walang kapangyariahan ang mga kababaihan sa lipunan. Nakatali sila sa sa loob ng tahanan—nagluluto, nag-aalaga sa mga anak at sumasalo sa iba pang gawaing bahay.
Sa kasalukuyan, kahit paano’y malayo na ang kanilang naging pag-usad. Mayroon nang espasyo para makilahok sa mga gawaing panlipunan. Pero dapat itong higit pang pagyamanin, ipaglaban at tindigan.
Para sa isang komunidad ng mga kababaihan, ang pakikilahok ay nangangahulugang paggawa at pagbahagi ng kanilang sining.
Taong 2004 nang sumibol ang Bloom Women Artists, isang grupo ng mga kababaihang lumilikha ng iba’t ibang porma ng sining sumasalamin sa reyalidad ng lipunan.
Isa si Aba Lluch Dalena, 53, sa mga unang nag-isip at bumuo ng konsepto ng grupo. Kuwento niya, kasama niya ang kapwa-artista na sina Cynthia Alexander at Vivian Limpin sa pagbuo nito.
Naging saksi ang Conspiracy Garden Cafe, isang dating artist-run space sa Quezon City sa pagsisimula ng grupo. Sa espasyong ito, nabuo ang kagustuhan nilang magtipon-tipon ang mga kababaihang artista para sa kolektibong paglikha at pakikibaka.
Binhi

Halos 22 taon na ang Bloom Women Artists ngayong taon. Sa tagal na ito, nagkaroon na sila ng mahigit 300 na mga miyembro mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Kuwento ni Dalena, nadadagdagan ang bilang ng grupo dahil sa pag-eengganyo ng mga naunang miyembro nito sa mga iba pa nilang kilalang mga naninindigang artista.
“Maganda ‘yong may personal kaming pagkakakilanlan sa mga nagjo-join sa Bloom,” sabi ni Dalena.
Para mapanatiling matatag ang paninindigan ng grupo, naniniwala si Dalena na mahalagang kilala ng mga miyembro ang pinanghahawakang prinsipyo ng bawat isa.
“Ang isang pinag-iingatan namin, hindi maiiba ‘yong member or magjo-join when it comes to the worldview, mga prinsipyo, especially ‘yong politics ng bansa. Kasi kailangan hindi lang women artist ang bloom, kung hindi magma-matter rin siya sa arts scene,” sabi niya.
Pagtatanim
Iba’t ibang porma ng sining ang ginagawa ng Bloom Women Artists. Mayroong pagtugtog, pagpipinta, pagpepelikula at iba pa.
Bilang grupo ng mga babaeng artista, ang pinakaitinatampok nilang gawain ay ang art exhibitions tuwing Marso, Buwan ng Kababaihan.
Sa panahong ito, tinitipon nila ang iba’t ibang likhang sining na umiikot sa iisang napapanahong tema.
Para sa nalalapit na pagdiriwang na ito ngayong taon, pinili ng Bloom na isentro ang tema sa pagkilos kontra-korupsiyon sa bansa.
“Ang korupsiyon ay isang puwersang sumisira sa pundasyon ng ating lipunan. Kami, bilang mga babaeng alagad ng sining, ay tumatangging pumikit at magbulag-bulagan,” pahayag ng grupo sa Ingles.
Naniniwala ang Bloom na sa pamamagitan ng kanilang mga obra na itatampok sa Marso, mapapatunayan nilang kaya ng sining na magbigay kaalaman at mang-udyok sa publiko na kumilos.

Pagyabong
Sa iba’t ibang lugar na nakapagdaos ng mga art exhibitions ang Bloom. Hindi na lang sila limitado sa espasyo ng Maynila, nakarating na rin sila sa Cagayan de Oro City noong 2025 at inaasahang papuntang Bohol sa taong ito.
Marami na rin silang pinagdaanan sa paglipas ng mga taon. May mga miyembrong umaalis at may mga pagkakataong humaharap sila sa mga problemang pinansiyal tuwing may mga exhibition.
Gayunpaman, nananatili pa rin sila sa pagsasama-sama sa paglikha dala ng paniniwalang mahalaga ang ganitong puwersa sa pakikibaka.
“Mahalaga talaga ‘yong magkaroon ng community of women artists kasi nagtutulungan, pare-parehas kayo ng mga [concern],” sabi ni Aba. “Ang women empowerment ay nangyayari kapag may komunidad na tulad nito.”