4-day work week, tinututulan ng KMU


Iginiit ng Kilusang Mayo Uno na sa halip na ipatupad ang four-day work week, dapat itaas ang sahod ng mga manggagawa sa nakabubuhay na antas. Nanawagan din silang ibasura ang value-added tax at excise tax sa langis.

Tutol ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa panukalang four-day work week ng pamahalaan bilang tugon sa tumataas na presyo ng langis at krisis sa enerhiya.

Ayon sa sentrong unyon, magdudulot ito ng mas mababang kita at mas mahabang oras ng paggawa para sa mga manggagawa. Sa ilalim ng eskema, ipagkakasya ang kabuuang 48 oras ng trabaho sa mas kaunting araw kaya aabot sa 12 oras ang isang araw na trabaho. Dahil dito, magiging regular na oras ang ika-siyam hanggang ika-12 oras ng paggawa na karaniwang binabayaran bilang overtime. 

Dagdag pa ng KMU, kung mababawasan ng araw ang pasok sa trabaho, maaaring matapyasan ang buwanang sahod mula P2,780 hanggang P5,560. Mas matitinding epekto umano ang mararanasan ng mga manggagawang pakyawan, piece rate at kontraktuwal na kadalasang mas mababa pa sa minimum wage ang kinikita. 

Iginiit ng grupo na sa halip na ipatupad ang four-day work week, dapat itaas ang sahod ng mga manggagawa sa nakabubuhay na antas. Nanawagan din sila na ibasura ang mga patakarang nagpapabigat sa gastusin ng mamamayan tulad ng excise tax sa langis at ang 12% value-added tax o VAT.