Kawani ng gobyerno tutol sa 4-day work week


Mabubura ng panukalang apat-na-araw na trabaho ang mga karapatan at benepisyong matagal nang ipinaglaban ng kilusang paggawa sa pampubliko at pampribadong sektor.

Ferdinand Gaite ng Courage. (PW File Photo)
Ferdinand Gaite ng Courage. (PW File Photo)

Mabubura ng panukalang apat-na-araw na trabaho ang mga karapatan at benepisyong matagal nang ipinaglaban ng kilusang paggawa sa pampubliko at pampribadong sektor.

Ito ang reaksiyon ng mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) sa panukala ng gobyernong Aquino na bawasan ang araw ng trabaho ng mga manggagawa sa pampubliko at pampribadong sektor at dagdagan nang isang oras ng kanilang trabaho sa isang araw.

“Sa kasaysayan, ibinunga ng masikhay na pakikibaka ng kilusang paggawa ang 8-oras na trabaho, at dahil dito’y nananatili itong mahalagang hangarin ng uring manggagawa,” sabi ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Courage, na may 1.4 milyong miyembro na kawani ng gobyerno.

Sinabi pa ni Gaite na kung maipapatupad ang “10/4 workweek,” mabubura rin nito ang matagal-nang-ipinaglabang mga benepisyo tulad ng karapatan sa overtime pay at night shift differential pay.

Makakaapekto rin umano ang panukalang ito sa pagseserbisyo ng mga kawani, dahil may kaunti na ang panahon ng mga opisina ng gobyerno para maglingkod sa publiko.

“Magdudulot din ito ng mas matinding pisikal na stress sa underpaid at overworked na ngang rank-and-file na mga manggagawa sa gobyerno, at magreresulta sa pagbabao ng produktibidad at morale nila,” paliwanag ni Gaite.

Kung gusto talaga ng gobyerno na iangat ang efficiency at produktibidad ng mga manggagawa, sinabi ni Gaite na dapat agaranng magpatupad siya ng makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pampribado at pampublikong sektor.

“Naninindigan kami sa paggkiit ng P6,000 dagdag sa minimum na suweldo ng lahat ng mga kawani ng gobyerno at P125 across-the-board na dagdag-sahod sa mga manggagawa sa pampribadong sektor para makabigay ng ekonomikong pag-alwan sa kabila ng tumataas na mga presyo ng batayang mga bilihin,” aniya.

Naunang ipinanukala ng Department of Labor and Employment ang iskemang “4-day workweek” para iangat umano ang produktibidad ng mga manggagawa at makabawas sa gastos ng manedsment sa operasyon nito.

Sinabi ni Labor Sec. Rosalinda Baldoz na “nakabuti sa produktibidad ng mga manggagawa” nang boluntaryong ipatupad ito sa ilang empresa at pagawaan noong kasagsagan ng global financial crisis noong 2008 hanggang noong nakaraang taon.