Gabriela, nagsampa ng reklamo laban kay Suntay


Inireklamo ng mga lider-kababaihan si Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay sa House Ethics Committee dahil sa mga bastos na pananalita ng mambabatas sa pagdinig ng House Committee on Justice.

Naghain ng ethics complaint nitong Marso 5 sa Kamara ang iba’t ibang grupo ng kababaihan na inendorso ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, laban kay Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay.

Ito’y matapos panindigan ni Suntay ang malaswa at bastos niyang pahayag tungkol kay Anne Curtis sa pagdinig sa impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte noong Marso 3.

“Hindi katanggap-tanggap ang kanyang pahayag at dapat siya maglabas ng public apology,” ani Elago. 

Umani ng matinding batikos si Suntay mula sa publiko nang ihambing ang pagbabanta ni Duterte sa pamilya Marcos sa kanyang imahinasyon at pagnanasa sa aktres. Depensa pa ni Suntay, walang imoral at mali sa kanyang pahayag. Dagdag pa niya, dapat pa raw matuwa ang aktres sa kanyang papuri. 

Ayon sa mga nagsampa ng nagreklamo, nilabag ni Suntay ang Republic Act (RA) 11313 o Safe Spaces Act (Bawal Bastos Law) na nagbabawal sa anumang gender-based sexual harassment sa publiko, online, lugar-paggawa o paaralan. Kabilang sa mga ipinagbabawal ng batas ang catcalling, sexist remarks at panghihimasok sa personal na espasyo.

Binanggit din ng mga naghain ng reklamo na nilabag ni Suntay ang RA 9710 o Magna Carta of Women at RA 6713 o Code of Conduct for Government Officials.

Para kay Makabayan president Liza Maza, isa sa mga naghain ng reklamo, ang pahayag ni Suntay ay nagpatibay sa kultura ng kawalang pananagutan laban sa kababaihan at dapat patawan ito ng aksiyong disiplinaryo.

“Dapat isama sa disciplinary action kay Suntay ang pag-aaral sa mga batas na ito at paghingi ng paumanhin sa lahat ng kabababaihan,” ani Maza.

Sa kabila nito, pinanindigan pa rin ni Suntay ang kanyang mga pahayag. Sa isang panayam noong Marso 4, sinabi ni Suntay na wala siyang malisya sa ginamit niyang “analogy”. “[Pero] kung may nasaktan, humihingi tayo ng dispensa,” aniya. 

Gayunpaman, mismong ang kapatid ng aktres na si Jasmine Curtis-Smith ang pumuna sa mambabatas.

“Words matter. Your choice of words are showing your true colors and intention. Please consider being quiet. Not an apology. Do better,” ani Curtis-Smith sa X (dating Twitter). 

Naglabas rin nang pagsuporta ang Aktor: League of Filipino Actors kay Curtis. Ayon sa grupo sila ay tumitindig laban sa iba’t ibang porma ng misogyny laban sa kanilang mga miyembro.

“Respect for women is not optional. It is the minimum standard of public service,” ayon sa organisasyon.

Nagpahayag rin ng pagsuporta kay Curtis at pagkondena sa pahayag ni Suntay ang iba’t ibang mga personalidad katulad nina Karen Davila, Atom Araullo, Jodi Sta. Maria at Romick Sarmienta.

Nagsalita na rin si Curtis ng hinggil sa isyu. “Every time a remark like this goes unchallenged, we lower the bar for what leadership looks like,” aniya sa post sa Instagram.

Sa kasalukuyan, naglunsad na ng pormal na imbestigasyon ang ethics panel ng Kamara kay Suntay.