Maralitang Lungsod

Sa kusina ni Nanay Tess, tuloy ang laban ni Ka Karletz


Lubos na nagagalak si Nanay Tess sa mga kabataang ipinaglalaban ang karapatan ng mga maralita. Dahil sa patuloy nilang pagsulong, nabubuhay pa rin ang diwa ni Ka Karletz.

Kung hindi mo pa man nakilala si Nanay Tess, baka nakibahagi ka na ng pagkaing iniluto niya. Sa mga pulong, pagtitipon o mobilisasyon, baka natikman mo ang simpleng handa niyang gulay, biko o pancit. 

Hindi kaila na napakaraming nanay sa kasapian ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). Palagay ng iba, dahil sa tradisyonal at partriarkal na lipunan, sa babae nahuhulog ang pangangalaga ng tahanan. Pero bilang mga organisadong aktibista, naitatransporma ito bilang pangangalaga sa kapwa at paglaban sa karapatan sa paninirahan. 

Si Maria Tess Cabrillas-Badion o mas kilala bilang Nanay Tess ay ang tagapag-alaga ng opisina ng Kadamay. Sa kanyang pagluluto at pag-aalaga, tiyak na may nakakain ang mga aktibista pagkatapos ng mga kilos-protesta o pag-oorganisa ng mga homeless. Si Nanay Tess ang nagtitiyak na may laman-tiyan habang nagtutulungan ang mga maralitang taga-Kadamay ng effigy o karatula. At kahit sa mga okasyon, nagagawa pa rin niyang akayin ang mga hindi makapagpahingang mga kasamahan.

Bawat araw, gumigising siya ng 5 a.m., mas maaga pa kung may pagkilos. Maghahanda siya ng simpleng almusal para sa lahat at kanya-kanya na silang kukuha. Kapag nakaalis ang mga tao para gumampan ng tungkulin ang mga kasama, maglilinis siya, maglalaba o kaya mamamalengke kapag ubos na ang pagkain. Pagsapit ng hapon, magsisimula na siyang manundo ng mga anak ng ibang organisador sa eskuwelahan. Wala siyang nakaayos na schedule sa opis, aniya, “Hindi naman nauubusan ng gawain dito e.”

Sanay na sanay si Nanay Tess sa maramihang pagluluto, ngunit malaking problema ang pera. Ramdam na ramdam ni Nanay Tess ang patuloy na pagtaas ng bilihin; minsan pa, abonado pa siya para lang may makain ang mga aktibistang full-time sa opisina. 

“Madalang lang kaming magkarne, mahal kasi,” aniya. Paborito ni James, staff ng  Kadamay National, ang ginisang repolyo na may sardinas ni Nanay Tess. Pero sa pagkakataong pagpalain sila na may budget, chicken curry ang niluluto.

Noong una, hindi pinili ni Nanay Tess na maging bahagi ng Kadamay. Asawa siya ng dating secretary general na si Carlito Badion o si Ka Karletz. At noong simula, tutol pa siya sa pagiging aktibista ng kanyang mister dahil alam niyang may panganib ang lumalaban para sa kapwa mahihirap. 

Muling naramdaman ni Nanay Tess ang takot na iyon noong 2020. Habang nasa lockdown ang buong bansa, natagpuan ang bangkay ni Ka Karletz sa Ormoc City. Matagal nang target si Ka Karletz ng paniniktik ng mga elemento ng militar at biktima rin ng harassment. Hanggang ngayon, nananawagan ng hustisya ang Kadamay para sa kanilang mahusay na lider.

Hindi naniniwala si Nanay Tess sa ulat ng pulis na dalawang bata ang pumatay sa kanyang asawa. Aniya, mabait si Ka Karletz sa mga bata at mabait din ang mga bata sa kanya. Kahit noong mga panahon na sumasalungat si Nanay Tess sa pagkilos niya sa Kadamay, hinding-hindi niya siya nagpakita ng kahit anumang dahas.

Biro pa nga niya, “[Tinututukan ko na] nga ng kutsilyo noon e, mapatigil lang sa pagkilos,” pero hindi pa rin siya papatulan, makapagpatuloy lang si Ka Karletz sa pagiging aktibista. Ganoon kapanatag si Ka Karletz sa kanyang paninindigan, at ganoon niya rin minahal si Nanay Tess.

Pinili na lang ni Nanay Tess na suportahan siya dahil alam niyang walang magbabago sa piniling buhay ni Ka Karletz. Bago pa man daw sila maging mag-asawa, ganito na daw talaga ang disposisyon niya, malalim ang kanyang paninindigan. Noon pa lang, aminadong hangang-hanga na si Nanay Tess sa kanya. 

Patawang binahagi ni Nanay Tess ang kanyang mensahe sa mga aktibista ngayon, “Gumising nang maaga!”

Inaalala niya kasi ang kasipagan ni Ka Karletz sa anumang uri ng gawain. Kahit gabihin sa paggawa ng karatula para sa susunod na mobilisasyon, hindi siya papayag sa barabarang gawa. Mahigpit raw kasi siya sa oras at trabaho—walang nakakalusot sa kanya. Laging binibilang ang mga gamit, laging tinitiyak na walang nawawala.

Lubos na nagagalak si Nanay Tess sa mga kabataang ipinaglalaban ang karapatan ng mga maralita. Dahil sa patuloy nilang pagsulong, nabubuhay pa rin ang diwa ni Ka Karletz. Kahit ang mga aktibista na hindi naman daw siya naabutan ay lagi pa rin siyang inaalala. Pakiramdam niya’y umalis lang si Ka Karletz saglit para dumalo ng pulong at babalik rin.

Sa kabila ng pagpaslang ng kanyang asawa, nananatili siyang ilaw ng tahanan sa napakaraming mga aktibista at maralitang lungsod. Naaalala niya pa ang mga pangalan ng mga dating miyembrong nakadaupang-palad sa opisina. Sa tagal ng panahon, kahit ang mga anak nila ay inaalagaan niya na rin.

Para kay Nanay Tess, kahit na hindi lumabas sa kanyang sinapupunan ang mga batang inaalagaan niya, anak pa rin ang turing niya sa kanila. Kahit pa nga ang pagkuha ng grades ng bata ay siya na rin ang nag-aasikaso.

Ang kanyang tanging hiling ay maging malapit muli kay Ka Karletz, na makuha ang labi niya at ipa-cremate ito. Gusto niyang itago ang kanyang banga malapit sa mga nagtutuloy ng laban ni Ka Karletz—kasama niya sa Kadamay. 

Lahat tayo ay may iba’t ibang gampanin sa pagbabago ng lipunan. Marami tayong anyo ng pakikibaka. Hindi man maturing ni Nanay Tess na gawain pang-aktibista ang mga araw-araw niyang ambag sa mga kasama, ngunit mahalagang parte siya upang ipagpatuloy ang laban ng mga maralita. 

Si Nanay Tess, sa pinakasimpleng paliwanag, dahil sa kanyang sandamakmak na pang-araw-araw na ambag, ay naglalaan ng kanyang buhay at panahon para sa paglilingkod sa kapwa mahihirap at sa sambayanan. 

Ito pa lang daw ang pinakaunang pagkakataon na mainterbyu si Nanay Tess at akala niya pa noong una ay tatanungin namin siya tungkol sa kanyang asawa. 

Habang ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Kababaihan ngayong Marso, mahalaga rin na matukoy natin kung ano ang mga care work na madalas hindi nakikita o nakikilala sa ating pagkilos.  Kabilang dito ang mga gawaing bahay, pag-aalaga ng pamilya at palagiang pagtiyak ng pagkain.

Sa mga organisasyon naman, maaaring nasa porma ito ng pagmi-minutes, pag-aayos ng schedule ng mga kasama o kaya sa pag-aayos ng mga dokumento at papeles. Ang pamumuhay natin bilang aktibista ay pinapairal ng hindi kadalasang napapansing trabaho na ito.

Para sayo, sino ang Nanay Tess sa buhay ninyo?