Makapangyarihan ang maralita: Kilusang Occupy Pabahay
Buhat ng Occupy Pabahay, naisiwalat ang matagal nang kapabayaan sa pabahay para sa mga mahihirap sa bansa.
Sinadyang piliin ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang petsang Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis, para ilunsad ang makasaysayang Occupy Pabahay sa Pandi, Bulacan noong 2017.
Nag-okupa ang mahigit 12,000 pamilyang mga matagal nang tiwangwang at bakanteng socialized housing unit ng gobyerno sa iba’t ibang barangay ng munisipyo. Kagaya ng liderato ng Kadamay, kababaihan ang namuno sa paglulunsad ng aksiyon.
Buhat ng Occupy Pabahay, naisiwalat ang matagal nang kapabayaan sa pabahay para sa mga mahihirap sa bansa, ang bilyon-bilyong nalulustay na pera ng mga housing agency ng gobyerno at ang lumulubhang problema sa kawalan ng panirahan.
Resulta ang Occupy ng mga serye ng pumalpak na pakikipag-usap sa gobyerno mula pa noong Agosto 2016. Pinangunahan ng Kadamay ang iba’t ibang diyalogo at pagdinig sa National Housing Authority at iba pa.
Giit ng mga maralitang lungsod, ipamahagi at pakinabangan na ang matagal nang nabubulok na mga housing unit. Pero kailanman, hindi ito pinansin. Kung kaya’t walang ibang nakitang hakbang ang Kadamay kundi pangunahan ang mismong pag-okupa.
Dinepensahan ng mga nag-okupa ang mga housing unit mula sa panunupil ng pulisya at militar, kasama ang maraming samahan, simbahan at mga progresibong mambabatas.
Ilang linggo lang matapos ang okupasyon, napilitan si dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipagkaloob ang mga unit sa mga nag-okupa. Palihim namang inutos ni Duterte na takutin, saktan, ikulong at kampuhan ang mga pabahay ng mga sundalo at pulis upang sirain ang pagkakaisa ng mga maralitang nag-okupa.
Ipinagkait ang mismong ayuda noong panahon ng pandemya ipinagkait sa sinumang hindi “sumuko” at “magbalik-loob” muna sa pamahalaan ni Duterte.
Nagsilbing laboratoryo ang mga pabahay ng Pandi sa mga pamamaraan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Gayunpaman, nananatili ang pagkakaisa ng marami sa mga nag-okupa. Tanda ang mga pabahay sa Pandi ng kapangyarihan ng pagkakaisa ng karaniwang Pilipino.