Pagsisimula ng SDG Park sa UP Diliman, hinarangan ng komunidad


Patuloy na nakatindig ang barikada ng mga residente ng Pook Malantic, Pook Aguinaldo, Pook Libis at Area 17 matapos silang harasin ng pulisya at mga guwardiya ng University of the Philippines.

Patuloy na nakatindig ang barikada ng mga residente ng Pook Malantic, Pook Aguinaldo, Pook Libis at Area 17 matapos silang harasin ng pulisya at mga guwardiya ng University of the Philippines (UP) Diliman.

Hinaharangan ng mga residente ang pagtatangkang ipasok ng Megawide Corporation ang mga materyales para simulan ang pagpapatayo ng transition housing ng Sustainable Development Goals (SDG) Park noong Miyerkules, Hulyo 8.

Ayon kay Dionesio Villanueva, presidente ng Samahan ng Nagkakaisang Komunidad sa UP (Samanako UP), madaling-araw pa lang ng Miyerkules ay dumating na ang pulisya, mga guwardiya ng UP at mga tauhan ng Megawide nang walang paunang abiso sa komunidad. 

Dahil dito, agad na nagtipon ang mga residente at mga nakikiisang grupo upang itindig ang barikada.

Nagpinta ng panawagan kontra SDG Park si Dionesio Villanueva bilang pangulo ng Samanako UP. Janna Capule/Pinoy Weekly

“Parang binabastos naman ‘yong karapatang pantao ng mga komunidad dahil basta-basta na lang sila papasok,” ani Villanueva.

Ang SDG Park ay proyektong pinapangunahan ng UP katuwang ang pamahalaang lokal ng Quezon City na naglalayong itaguyod ang urban farming, transition housing at iba pang pasilidad sa loob ng pamantasan. Gayunman, mariin itong tinututulan ng mga residente sa pangambang magdudulot ito ng pagpapaalis sa kanilang komunidad para sa komersyalisasyon ng lugar.

Bagaman humigit-kumulang 50 pulis at 30 guwardiya ng UP ang idineploy sa Pook Malantic, napilitang iatras ng Megawide Corporation ang mga materyales ng konstruksiyon matapos harangin ng mga residente ang pagpasok ng mga ito.

Nauwi sa gitgitan ang sitwasyon matapos sapilitang baklasin ng mga awtoridad ang itinayong barikada. Ayon kay Villanueva, dalawa hanggang tatlong residente ang dinala sa UP Diliman Health Service matapos magtamo ng mga sugat.

“Nakakalungkot dahil dito mismo sa loob pa ng UP ito nangyayari. Ang UP ay may tatak na ‘serve the people,’ pero nakikita namin kung paano nagiging pasista ang mga pulis at prinoprotektahan ang interes ng malalaking negosyante,” sabi ni Villanueva.

Ayon kay Villanueva, dalawang kabataan ang inaresto ng pulisya noong Hulyo 8, kabilang ang isang estudyante ng UP na nakiisa sa barikada at isa pang napadaan lang sa lugar. Aniya, kapwa rin sila napalaya.

Nagsulat at nagpaskil ng mga panawagan ang komunidad sa kanilang barikada. Janna Capule/Pinoy Weekly

Para sa mga komunidad, tagumpay ang kanilang barikada dahil umatras ang trak ng kompanya at pansamantalang napigilan ang kanilang operasyon.

Sa kabila ng insidente at ng mga nasugatang residente, sinabi ni Villanueva na mananatiling nakatindig ang kanilang barikada upang ipagpatuloy ang pagtutol sa SDG Park.

“Matindi yung tensyon [noong Miyerkules], pero ngayon nananatili pa rin kaming nakatayo. Pinapanatili pa rin namin ang aming barikada na maging matibay pa rin dahil ang bahay ay buhay,” saad ni Villanueva.

Patuloy na iginigiit ng mga residente na dinggin ng administrasyon ng UP at pamahalaang lokal ng Quezon City ang kanilang panawagan para sa katiyakan sa paninirahan at pagbasura sa SDG Park na mapaminsala sa kanilang komunidad.