Komunidad ng Mayhaligue sa Tondo, nakaalerto sa demolisyon


Nananatiling nakaalerto ang mahigit 400 pamilya sa Mayhaligue Street, Tondo, Maynila matapos muling lumitaw ang banta ng demolisyon. Nakatanggap sila ng Notice to Vacate noong Hulyo 2.

Nananatiling nakaalerto ang mahigit 400 pamilya sa Mayhaligue Street, Tondo, Maynila matapos muling lumitaw ang banta ng demolisyon sa kanilang komunidad.

Nakatanggap ang mga residente noong Hulyo 2 ng Notice to Vacate na nagbibigay sa kanila ng limang araw upang lisanin ang lugar. Bagaman sinabi ng Manila Police District na hindi matutuloy ang nakatakdang demolisyon noong Hulyo 8, wala pa ring malinaw na abiso kung kailan ito maaaring ipatupad.

Ayon sa Kapitbahayan ng Mayhaligue Neighborhood Association Inc. (KNAI), patuloy na nagbabantay ang mga residente at nakahandang magtayo ng barikada sa harap at likod ng komunidad sakaling dumating ang demolition team.

Dalawang buwan pa lang ang nakalilipas mula nang tupukin ng sunog noong Abril 30 ang humigit-kumulang 300 bahay sa lugar.

Paglaban ng mga residente sa unang tangkang demolisyon sa Mayhaligue Street sa Tondo, Maynila noong Mayo 2025. Larawan mula sa Altermidya

Nagmumula ang demolisyon sa kasong ejectment na kinasasangkutan ng lupang inaangkin ng 2288 Ethan Realty Corporation. Noong Mayo 2025, nagtayo ng barikada ang mga residente laban sa tangkang demolisyon. Kalaunan, naglabas ang Manila Regional Trial Court ng 20 araw na temporary restraining order.

Samantala, ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang Ordinance No. 9192 na naglalaan ng P40 milyon bilang legal deposit para sa planong expropriation ng lupa at permanenteng pabahay ng mga residente. Gayunpaman, nananatiling hindi tiyak ang kinabukasan ng komunidad habang nagpapatuloy ang negosasyon sa pribadong kompanya.