80 manggagawang tinanggal sa Kowloon House, muling nagprotesta
Ilang araw lang matapos ipagdiwang ang tagumpay sa para sa wage compliance na P20, 80 manggagawa ng Kowloon House ang nakatanggap ng abiso ng terminasyon.
Muling sumiklab ang tensiyon sa pagitan ng mga manggagawa at manedsment ng Kowloon House sa West Avenue, Quezon City nitong Abril 24 matapos ikasa muli ang kilos-protesta laban sa tanggalan at pagsasara ng operasyon.
Ilang araw lang matapos ipagdiwang ang tagumpay sa para sa wage compliance na P20, 80 manggagawa ang nakatanggap ng abiso ng terminasyon dahil sa umano’y “health issues.”
Mariing binatikos ng unyong Genuine Labor Organization of Workers in Hotel, Restaurant, and Allied Industries-Kilusang Mayo Uno (Glowhrain-KMU) ang hakbang na ito bilang malinaw na paglabag sa memorandum of agreement matapos ang negosasyon sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) noong Abril 20 na nagbabawal sa anumang porma ng paghihiganti laban sa mga manggagawang sumama sa welga nitong nakaraang linggo.

Ayon sa unyon, hindi katanggap-tanggap ang idinadahilan ng Katipunan Food Services Inc. (KFSI) sa tanggalan at halatang palusot lang ito upang buwagin ang unyon at iwasan ang obligasyon na magbigay ng tamang benepisyo at katiyakan sa trabaho ng mga manggagawa.
?“Lantad itong panunupil. Marami sa amin, taon na sa trabaho pero minimum wage pa rin, palipat-lipat pa ng assignment,” ani Arnel Diwa, isa sa mga apektadong manggagawa.
Binigyang-diin ng mga manggagawa na kahit kinilala na sila sa NCMB, nananatili pa ring mababa ang kanilang sahod sa kabila ng mahabang panahon ng pagseserbisyo sa kompanya.
Nanindigan ang unyon na hindi sila matitinag sa kanilang panawagan para sa seguridad sa trabaho at nakabubuhay na sahod na P1,200.
?Bunsod ng panibagong atake na ito, nangako ang hanay ng mga manggagawa na itutuloy ang kanilang kolektibong aksiyon hanggang sa bawiin ang ilegal na tanggalan at igalang ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng batas.