Buhay at pagsisikap ng manggagawa, kilalanin at ipaglaban
Ginugunita tuwing Abril 28 ang Workers’ Memorial Day para alalahanin ang mga obrerong namatay dahil sa panganib sa trabaho at isulong ang kaligtasan sa lugar-paggawa.
“Remember the dead, fight for the living!”
Ito ang taunang panawagan ng mga kilusang paggawa sa buong mundo sa Workers’ Memorial Day tuwing Abril 28. Ginugunita sa araw na ito ang mga manggagawang namatay dahil sa mga panganib o sakit na nakukuha sa trabaho.
Nag-umpisa ito noong 1970 bilang kampanya ng mga manggagawang Amerikano laban sa matagalang exposure sa asbestos at iba pang kemikal sa mga pabrika. Ipinaglaban ng Oil, Chemical and Atomic Workers Union (OCAW) ang pagsasabatas ng Occupational Health and Safety Act (OSHA) sa United States at pagpapanagot sa mga manufacturer ng mga nakakalasong materyales.
Mula dekada ‘70 hanggang ngayon, patuloy na isinisiwalat ng pandaigdigang kilusang paggawa ang epekto ng mga mapanganib na materyales at kagamitan sa trabaho, ng mahabang oras ng paggawa, at ng mababang sahod sa kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa. Kumusta naman sa Pilipinas?
Inulat ng Institute for Occupational Health and Safety Development (IOHSAD) na 369 manggagawa ang namatay at 516 ang nasugatan o nagkaroon ng kapansanan noong 2025. Ayon sa tala, isang manggagawa ang namatay kada araw dahil sa mga peligro sa lugar-paggawa.
Ngunit maaaring mas marami pa ang aktuwal na bilang dahil sa pagpapabaya ng mga employer at kapos na inspeksiyon at pagpapatupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Republic Act 11058 o Occupational Safety and Health Standards Act.
Binigyang-diin ng IOHSAD na kailangang maging mahigpit ang gobyerno sa pagpapatupad ng mga pamantayan sa occupational safety and health at magpataw ng karampatang parusa para sa mga lumalabag na kompanya. Anila, dapat ding amiyendahan ang batas para magbigay ng sapat na proteksiyon sa mga manggagawa sa frontline at impormal na sektor at magkaroon ng mga hakbang na tutugon sa mga kalamidad at pagbabago sa klima.
Ngayong taon, alalahanin natin ang mga manggagawang binawian ng buhay habang nagsisikap sa hanapbuhay at tinitiis ang mababang sahod at masahol na kalagayan sa trabaho: ang gurong nahimatay sa gitna ng classroom observation, ang mga mangangalahig na nabaon sa gumuhong landfill, at ang motorcycle taxi rider na inatake sa puso habang pumipila para sa ayuda.
Marapat ding pagpugayan ang walang humpay na paglaban ng mga unyon para sa isang ligtas na mundo ng paggawa—maging pormal o impormal na trabaho, pribado o pampublikong sektor, pisikal man o digital na lugar-paggawa.
Nakapaloob na rito ang laban para sa nakabubuhay na sahod na siyang magbibigay-daan para sa mga manggagawa na makabili ng masustansiyang pagkain, makaupa sa ligtas at disenteng pamamahay at makakuha ng serbisyong medikal para sa kanilang pamilya.