Diin ng CA: Walang pruwebang pondo sa terorismo hawak nina Cumpio, Domequil


Ayon sa desisyon ng Court of Appeals, bigo ang Anti-Money Laundering Council na magpakita ng pruweba na naitalaga ang dalawa bilang mga terorista.

Sina Marielle Domequil at Frenchie Mae Cumpio sa promulgation of judgment hearing nila para sa mga kasong illegal possession of firearms and explosives sa Tacloban City, Leyte noong Ene. 22. Tinay Palabay/Facebook

Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang nauna nitong desisyon na nagbabasura sa civil forfeiture case ng gobyerno laban kina Frenchie Mae Cumpio at Marielle Domequil.

Kinumpiska ng mga awtoridad ang aabot sa P500,000 mula kina Cumpio at Domequil noong Pebrero 2020, na ayon sa mga abogado nila ay mapapatunayang nilikom para sa kampanyang Stand with Samar mula sa iba’t ibang lehitimong organisasyon.

Sa desisyong nilagdaan nitong Abril 16, ibinasura ng CA ang motion for reconsideration ng Anti-Money Laundering Council (AMLC). Ayon sa desisyong isinulat ni Associate Justice Apolinario Bruselas Jr., bigo ang AMLC na magpakita ng pruweba na naitalaga ang dalawang akusado bilang mga terorista.

Walang anumang listahan mula sa gobyerno ang naglalagay ng pangalan ng dalawang akusado bilang mga terorista at wala ring sapat na ebidensiya para sabihing konektado ang dalawa sa terorismo, sabi sa desisyon.”

Isiniwalat rin nila na ang Anti-Terrorism Council, sa bisa ng Anti-Money Laundering Council, ay nagpasimula ng paglilitis gamit ang testimonya ng mga saksi na walang nakalapat na ebidensya,” sabi sa Ingles ni Ephraim Cortez, pangulo ng National Union of Peoples’ Lawyers. “Ibig sabihin, sinasabi ng CA na kaduda-duda ang kredibilidad ng mga nagbabansag sa sarili nila na ‘rebel returnees.’”