Usapang wika
Tulad ng anumang instrumento ng ideolohiya, ang wika ay repleksiyon at repraksiyon ng reyalidad bukod pa sa sarili nito.
Sa kung pang-ilang pagkakataon muling pinag-usapan sa social media ang terminong “Filipinx” at ang “imposisyon” nito. Sa pagsuyod sa mga komento, tugon, naulit nang paliwanag noon at iba pa, maraming mauunawaan hinggil sa pagtingin ng madla sa mga usaping pangwika.
Nagkukrus ang usaping kasarian o pagsasari at pambansang identidad sa paggamit ng Filipinx. Sa bahagi ng usaping kasarian, magkaiba ang pinagmumulang sensibilidad ng mga nagsusulong ng paggamit ng Filipinx at ng mga mamamayang nakagisnan na ang “Filipino” na walang pagsasari.
Isang matingkad na aspekto sa bangayan online ang saligang kinakailangang isa lang ang manaig sa dalawang taguring ito. Kaya ang ilang paliwanag o paglilinaw ay may tono ng pagwawasto at ang opinyon ng isang panig ay itinuturing ng kabila bilang imposisyon.
Mayroon pa ngang anggulong nagpapalagay na ang tanging mapagpasya sa usaping ito ay ang mga Pilipinong naninirahan sa bansa batay sa argumentong sila ang “pinakakilala” ang “kultura ng bansa.”
Tulad lang din ng ibang mga isyung pinapaksa sa social media, ang debate hinggil sa paggamit ng Filipinx ay aanurin lang din ng mga susunod na “netizen.” Marahil ay salarin ang platform kung saan ito pinag-uusapan, ngunit maaari ring tukuyin dito kung ano ang matagal nang lapit (approach) sa mga suliranin at usaping pangwika.
Kung tutuusin naman, maaaring umiral nang sabay ang mga Filipino at Filipinx, tulad ng kung paanong may mga Pilipinong nasa bansa, mayroong nasa ibang bansa; may mga Pilipino sa papel ngunit banyaga sa kamalayan; may mga pusong Pilipino kahit sa ibang bayan ipinanganak.
Sa mga usaping pangwika, madalas nauuwi ang usapan sa paghahanap kung ano ang totoo o tama. Katulad ng ilang mga usapin sa gramatika, palaging hinahabol kung ano ba ang wasto dahil kailangang agarang maitakwil ang mali, ang hindi nakikita sa mga libro.
Palaging may ugnay sa wika ang mga isyu dahil wika rin ang dahilan ng pag-unawa at daluyan ng sentimiyento, opinyon at panawagan. Sa panahon ng malalaking isyung pambansa at pandaigdig, maaari ring sipatin ang wika ng digmaan, krisis at kapayapaan.
Bukod pa rito, hindi rin nawawala ang mga sentimiyentong pinagbabangga ang anumang usapin, sa kasong ito ay usaping pangwika, sa higit pang mas malaking suliranin ng lipunan. May implikasyon ng materyal laban sa ideyal sa ganitong mga sentimiyento, at palaging mas mahalaga ang materyal na pinagdadaanan.
Hindi nilalayon ng bagong kolum na ito na magbigay ng hatol sa kung anuman ang mainit na paksa ngayon hinggil sa wika. Ngunit katulad ng mga naglalayong maglinaw sa social media, ninanais kong lumikha ng kahit maliit na espasyo upang mapag-usapan ang wika.
Dito higit na mapapatingkad ang ugnayan ng mga nangyayari sa mundo at paano ito nasasalamin sa wika. Tulad ng anumang instrumento ng ideolohiya, ang wika ay repleksiyon at repraksiyon ng reyalidad bukod pa sa sarili nito.
Noong “pinamahagi” ang Hacienda Luisita sa porma ng stocks, pinamarali ng panginoong maylupa na dahil dito maaari nang tawaging “stockholder” ang mga magsasaka nito. Sa unang dinig ay may kontradiksiyon agad sa imaheng mahaharaya. Sa aktuwal, ang mga tinaguriang stockholder ay nag-uwi lang ng P9 para sa isang buong araw ng pagsasaka.
Nahirapan si Mary Jane Veloso sa pagkamit ng hustisya dahil noong una siyang sumalang sa interogasyon ng mga pulis sa Indonesia, hindi siya binigyan ng tagasalin kaya’t hindi niya naintindihan noon kung ano ang detalye ng kanyang magiging kaso. May panahon din noong dinidinig ang kanyang kaso, hindi lisensiyado ang kaniyang interpreter sa korte.
Sabi ng abogadong si Maria Kristina Conti sa kanyang dinaluhang porum hinggil sa wika sa UP Los Baños, may dalawang suson ang access sa hustisya sa bansa—ang pisikal na pagpasok sa mga bulwagan ng katarungan o mga korte at ang pag-unawa mismo sa nilalaman ng batas. Sa parehong pagkakataon, dehado ang mga mula sa nakabababang saray ng lipunan at ang mga hindi marunong gumamit at umunawa ng wikang Ingles.
Palaging may ugnay sa wika ang mga isyu dahil wika rin ang dahilan ng pag-unawa at daluyan ng sentimiyento, opinyon at panawagan. Sa panahon ng malalaking isyung pambansa at pandaigdig, maaari ring sipatin ang wika ng digmaan, krisis at kapayapaan.
Sinu-sino man ang nag-uusap, may lakip na mensahe hindi lang kanilang winiwika, ngunit maging ang pagpili nila ng/sa wika. Ito ay isang bagay na unibersal sa lahat ng nag-uusap mula sa social media hanggang sa lansangan.