Wika nga Nila

‘Alternatibong’ SONA


Ang nagpapanggap na alternatibo ay may naiiba mang tindig ngunit parehong uri lang din ang makikinabang.

Ang pag-iral ng mga alternatibo ay implikasiyon ng hindi pagsang-ayon ng marami sa inihahain sa kanila ng dominante at popular na kaisipan. Mayroong alternatibong musika, alternatibong midya, alternatibong medisina o panggagamot at iba pa.

Sa kaso ng alternatibong musika, ito’y maaaring pagsalungat sa kinikilalang mainstream na tunog, o kaya naman ay bago o eksperimental na genre.

Napatitingkad naman ang tinig ng mga marhinado sa alternatibong midya dahil walang komersiyal na interes ang mga bumubuo nito, mula sa namamalakad hanggang sa mamamahayag nito.

Pinatatampok naman kadalasan ang mga katutubong kaalaman sa alternatibong panggagamot o anumang hindi nakapaloob sa Kanluraning medisina o lapit sa panggagamot. 

Pagdating sa paglalahad o pag-uulat ng kalagayan ng bayan o state of the nation, mahalagang piliing makinig sa isang tipo ng alternatibo na tunay na kumakatawan sa karanasan ng bansa. 

Dati litaw na litaw kung sino ang dominanteng pigura sa larangan ng politika sa isang tiyak na panahon. Malinaw ding nasa kabilang dulo nito ang mga ordinaryong mamamayan, mga nasa batayang sektor.

Ngayong matingkad ang hidwaan sa pagitan ng nag-ookupa sa dalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan, maaaring may mag-angkin ng punto de bista ng alternatibo, kahit ng oposisyon. Isang halimbawa na si Alan Peter Cayetano na magbibigay daw ng “Kontra-SONA.”

Mahalagang bagay ang kultural na konteksto sa mga salitang tulad ng kontra, alternatibo at oposisyon. Sa teknikal, ito’y anumang sumasalungat o naghahain ng bagong pananaw, ngunit hindi lahat ng nagbibigay ng alternatibo o tumutunggali ay may kabuluhan.

Sa lipunang may inaapi at nang-aapi, ang makatuwirang alternatibo at tunay na tumutunggali ay ang pananaw ng inaapi, ng mamamayan. Ang tunay na kalagayan ng bansa ay hindi usapin ng pagkakaiba lang ng perspektiba o anggulo kung paano ito tinitingnan. Ang kahirapan, baguhin man nang baguhin ang kahulugan, ay nananatiling pamilyar na karanasan para sa maraming Pilipino. 

Mabubulaklak man ang pananalita at pupugin man ng mga naratibo ng kaunlaran ang SONA ng pangulo, hindi ito kailanman masasang-ayunan ng mamamayang nabubuhay sa lipunang hinubog ng mga makapangyarihan ang kaayusan.

Ang tunay na kalagayan ng bayan ay kayang-kayang ilahad ng mga mamamayang pinalayas sa tirahan at lupang ninuno para makapagtayo ng dam, mga araw-araw humihinga ng pangamba kung mababaon sila sa landslide, mga taon-taon nang naglilikas ng mga gamit at kapamilya tuwing aabutin ng baha ang kanilang mga bahay, mga magsasaka’t manggagawa na hindi kailanman nakakilala ng katamaran ngunit hindi rin kailanman naging estranghero sa kahirapan.

Hindi man matatanong ngunit makapagbibigay din ng kongkretong kalagayan ang kalikasan: militarisadong isla na okupado ng Tsina, nakakalbong bundok, lumiliit na mga lupang sakahan, natutuyong batis, pinutol na mga puno mula kanayunan hanggang kalunsuran, at ang lagablab ng init sa katanghalian.

Ang nagpapanggap na alternatibo ay may naiiba mang tindig ngunit parehong uri lang din ang makikinabang. Sa huli ay hindi ito naghahain ng anumang bago, ngunit pinagpapatuloy lang ang pangkalahatang kaayusan.