Wika nga Nila

Wika at AI


Bagaman matagal nang nagagamit ang AI, nitong nagdaang limang taon lang labis na tumampok sa madla ang tila walang hangganang gamit ng generative AI.

Noong pandemya, kinilala ng mga manggagawang pangkalusugan ang kahusayan ng Cuba sa pagtugon nito sa Covid-19. Sa halip na reaktibo, matagal nang kasama sa kanilang pambansang programa ang pagpapataas ng health literacy ng mga mamamayan nito. Dahil dito, hindi naging mahirap para sa mga tao na maunawaan ang mga kailangang gawin kontra-Covid-19.  

Isang masamang karanasan para sa buong mundo ang paglaganap ng sakit na ito, ngunit hindi magkakatulad ang idinulot nitong epekto sa iba’t ibang bansa. May mga bansang hindi lumaki ang bilang ng mga nasawi at hindi kinailangang habaan ang restriksiyon sa paggalaw ng mga mamamayan. Naging madali rin ang kampanyang edukasyon hinggil sa sakit at maagap na nakapaglaan ng badyet para sa mga pang-araw-araw at medikal na pangangailangan ng mamamayan.

Samantala, kamukha ng karanasan dito sa Pilipinas, mayroong mga bansang umabot ng lampas isang taon ang lockdown. Dahil din sa hindi mabisa o kawalan ng kampanyang edukasyon hinggil sa Covid-19, nagkaroon pa ng kalituhan hinggil sa mga naglitawang “lunas” at pagkuwestiyon sa bisa ng bakuna. 

Bagaman delikado, naisip kong pagtabihin sa pagsusuri ang Covid-19 at artificial intelligence (AI). Mahalagang paglilinaw na, una, hindi ko inihahalintulad ang AI sa isang nakahahawa at nakamamatay na sakit. Ikalawa, ang tutukuyin ko rito ay ang generative AI dahil labis na masaklaw ang AI sa pangkabuuan. Ikatlo, hindi man tututukan dito ngunit hindi rin ipagkakailang malaki ang negatibong epekto nito sa kalikasan, pangunahin na sa lupain at suplay ng tubig sa mga bansang tintayuan ng mga data center. 

Bagaman matagal nang nagagamit ang AI, nitong nagdaang limang taon lang labis na tumampok sa madla ang tila walang hangganang gamit ng generative AI.

Sa pamamahayag, mayroong patalastas na ginawa ang ABS-CBN upang balaan ang mga tao hinggil sa deep fake videos. Kinopya ng mga ito ang mukha at boses ng ilang reporter upang lumikha ng pekeng balita.

Sa paggawa, may mga kompanya na nakatuon sa business process outsourcing ang nagtanggal na ng mga manggagawa dahil kaya nang gawin ng AI ang mga gawain nila.

Sa sining, napakalaking usapin ang AI-generated artworks na kadalasang ginagamit sa mga negosyo at iba pang pinagkakakitaang aktibidad. Umingay din ang isyu ng paggamit ng AI sa paglikha ng mga poster sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

Sa edukasyon, kinailangan nang maglabas ng mga polisiyang gagabay sa mga institusyon para sa makatwirang paggamit ng generative AI. Iba’t iba rin ang tindig ng mga disiplina at institusyon pagdating dito dahil magkakaiba ang pagpapahalaga sa makabagong teknolohiya at kung paano nito mababago ang interbensiyon ng tao. 

Tulad ng mga bagyo, lindol at pandemya, nilalantad ng paglaganap ng paggamit sa generative AI ang kahandaan ng lipunan sa pagdanas dito. Maaaring hagupitin ng magkakasinglakas na bagyo ang tatlong bansa, ngunit hindi magiging pare-pareho ang antas ng pinsala batay sa kahandaan. Kung ikukunsidera ang kalagayan at oryentasyon ng edukasyon sa bansa, lubhang mapaminsala ang paglaganap ngayon ng generative AI. 

Ayon sa Philippine Statistics Authority, nasa 5.57 milyong Pilipino noong 2024 na edad 10-64 na nakapagtapos ng high school ang ikinategorya nilang hindi functionally literate. Tumutukoy ang functional literacy sa kakayahang bumasa, sumulat at mag-compute na may mataas na antas ng pag-unawa at may kakayahang gamitin ang natutunang impormasyon sa pang-araw-araw na gawain. 

Sa mga rehiyon, pinakamataas ang functional literacy rate sa Cordillera Administrative Region na nasa 81.2% at pinakamababa naman sa Zamboanga Peninsula na mayroon lang 59.3%. Dahil nananatili rin ang malaking kakulangan sa mga eskuwelahan, kakulangan sa mga guro at pagsasanay para sa kanila, sa mga materyal pampagkatuto na nakasulat din sa Filipino at iba pang wika sa bansa, hindi nakagugulat na hindi nalulubos ng kabataan ang pagkatuto bago magtapos sa batayang edukasyon.

At habang ganito pa ang kalagayan, sumasabak sila sa isang aspekto ng ating edukasyon na malaki ang pagpapahalaga sa “output” ng estudyante bilang tanging batayan kung siya ay natuto o hindi. Sa kalakarang ito, madali na lamang mapipili kung aling bahagi ng isang buong proseso ang gagamitan ng “shortcut.” 

Ang mababang functional literacy ay sintomas din ng mababang pagtingin sa hindi matatawarang kahalagahan sa kakayahang magbasa, magsulat, umunawa at magsuri. Sa kalunos-lunos na kalagayang ito ng sistema ng ating edukasyon, kasama pa ang higit pang kompetisyon at market-driven na edukasyon sa kolehiyo, mas nakaeengganyong gumamit ng generative AI na magpapabilis sa trabaho ng kapwa guro at estudyante. 

Gayunpaman, hindi ko ipinupuntong usapin lang ito ng indibidwal na pagpiling gumamit o hindi gumamit nito, ngunit kabaligtaran pa nga. Dahil hindi nilulutas ang matagal nang suliranin sa edukasyon, madaling naipanghahalili ang generative AI sa paglikha ng mga bagay na dapat ay may sapat na oras at angkop na kapaligiran upang gawin sa eskuwelahan.